
Malupit man ang Buhay na Mayroon ang Amang Ito, Mabuting Anak Naman ang Kaloob sa Kaniya
“O, alas-kwatro pa lang ng umaga, ha? Bakit gising ka na, anak? Wala ka namang pasok sa eskwela ngayon, hindi ba?” pag-aalala ni Ben sa kaniyang anak na tulalang nakaupo sa tapat ng kanilang bahay.
“Kumukulo na po kasi sa gutom ang tiyan ko, papa,” sagot nito habang pisil-pisil ang tiyan.
“Hindi ka ba nakakain kagabi? May uwi akong bigas at noodles, hindi ba?” tanong niya rito habang sinasalansan ang mga ilalako niyang saging.
“Antok na antok na po kasi ako no’n, papa, eh, hindi ko na po nahintay ang pagdating niyo, nakatulog na po ako. Narinig ko lang pong nagkakainan sila tita pero hindi na po ako sumalo dahil sa antok ko,” tugon nito dahilan upang siya’y mapailing sa pagkadismaya sa sarili.
“Naku, pasensiya ka na, anak, ha? Kailangan ni papa ubusin lahat ng paninda para may pangkain tayo, eh. Gusto mo bang saging na lang muna ang kainin mo? Tapos mamayang alas otso, hintayin mo ako sa palengke, iaagaw kita ng barya sa benta para makabili ka ng tinapay,” nakangiting sambit niya rito saka niya bahagyang hinimas-himas ang ulo nito.
“Sige po, papa,” tipid na sagot nito saka niya ito inabutan ng isang pirasong saging mula sa paninda.
“Pasensiya na, anak, ha? Tiis-tiis lang muna tayo,” sabi niya pa habang pinagmamasdang kumain ang anak na halatang-halata na ang gutom na nararamdaman.
Sa paglalako ng saging sa kanilang buong lalawigan binubuhay ng amang si Ben ang nag-iisa niyang anak mula sa pagkabinata. Simula pa lang nang isilang ito, mag-isa niya itong inalagaan at minahal dahil ayaw sa kaniya ng pamilya ng kaniyang asawa at pati kanilang anak ay isinusumpa ng mga ito dahilan upang mapilitan siyang bumukod at pagsikapan ang hinaharap ng anak.
Simula noon, ni pangangamusta, wala siyang natanggap mula sa ina ng bata na labis na ikinasama ng kaniyang loob. Pero imbis na maghanap ng bagong asawa, tinuon niya ang buong atensyon sa responsibilidad niya sa kaniyang anak hanggang sa ito’y tumuntong na sa sampung taong gulang.
Laking pasasamalat niya naman dahil ito’y lumaking maintindihin at masunurin na kahit mga kapatid niya minamahal nito katulad ng pagmamahal sa kaniya.
Ngunit kahit siya’y may pinagkakakitaan, hindi pa rin sapat ang perang nalilikom niya upang siya’y makabukod na ng tirahan mula sa kaniyang isang kapatid na may sarili na ring pamilya dahil madalas, siya na rin ang gumagastos sa mga iba bilang kapalit ng paninirahan nila rito. Naisin man niyang umalis doon, hindi niya magawang iwan ang kapatid na wala ring asawa katulad niya.
Noong araw na ‘yon, kahit alam niyang walang kasiguraduhan ang benta niya, maaga niyang inilako ang paninda niyang saging. Tuwang-tuwa na siya nang makabenta ng isang kilong saging dahil sigurado na siyang may maibibigay sa anak.
Pagsapit ng alas otso, tinulak na niya ang kaniyang kariton patungong palengke. Pagdating niya roon, sinalubong na siya ng kaniyang anak, ngiting-ngiti nitong kinuha ang sampung pisong bigay niya saka agad nang tumakbo sa kalapit na panederya.
Ngunit labis niyang ikinagulat dahil tila nagtagal ito at nang makabalik na ito, may bitbit-bitbit na itong ilang balot ng tinapay.
“O, saan galing ‘yan, anak?” tanong niya rito.
“May matanda po kasing patawid, tinulungan ko po siya, papa, gaya ng sabi mo, nagulat po akong siya pala ang may-ari noong panederya kaya ito po, binigyan ako ng maraming tinapay ng anak niya. Sabi pa po nila sa akin, kapag daw po nagugutom ako, magpunta lang daw po ako roon,” buong siglang kwento nito dahilan upang siya’y labis na natuwa.
“Pupwede ko po bang bilhin na lahat ng ito? Marami pong order sa amin ng banana bread araw-araw, baka pupwedeng sa’yo na kami umangkat ng saging, kuya. Tuwang-tuwa ang mama ko sa kabaitan ng anak mo,” sabat ng isang ginang na anak ng naturang matanda habang kinakausap niya ang kaniyang anak dahilan upang ganoon na lang siya mangiyakngiyak sa tuwa.
Simula noon, bukod sa halos dumoble ang kita niya sa araw-araw, nabawasan pa ang pagod na nararamdaman niya at mas nagkaroon siya ng oras upang makasama ang anak na labis niyang ikinatuwa.
Doon niya napagtantong pagkaitan man siya ng langit at lupa, mayroon pa ring malaking biyayang ipinagkaloob sa kaniya simula nang siya’y maghirap sa buhay, ito ay ang kaniyang nag-iisang anak na maayos niyang napalaki.