Inday TrendingInday Trending
Pekeng Bag ang Isinauli ng Ginang na Ito sa Kaniyang Kumare, Nanlamig Siya sa Sinabi Nito sa Kaniya

Pekeng Bag ang Isinauli ng Ginang na Ito sa Kaniyang Kumare, Nanlamig Siya sa Sinabi Nito sa Kaniya

“Girlie, anak, magaling kang kumilatis ng mga bag, hindi ba?” tanong ni Ella sa kaniyang anak na tahimik na nagtatrabaho sa kwarto nito. “Opo, mama, bakit po?” tanong nito sa kaniya saka tinigil ang pagpipindot sa kompyuter na nasa harapan nito.

“Tingnan mo nga itong bag na ito, totoo bang mamahaling ‘to?” tanong niya rito saka iniabot sa anak ang bag na kaniyang nabili na agad naman nitong kinuha at inusisa.

“Ay, Diyos ko, mama! Orihinal na bag ito! Saan mo ito nakuha?” pang-uusisa nito, kitang-kita sa mukha nito ang pagkamangha sa bag na hawak. “Binili ko ‘yan sa kumare ko,” tipid na sagot niya saka agad nang binawi sa anak ang bag.

“Tiyak, mahal ‘to, mama! Saan po kayo nakakuha ng malaking halaga ng pera? Kahit na nagamit na ito, nagkakahalaga pa rin ito ng higit kumulang limangpung libong piso!” tanong pa nito.

“Huwag ka nang maraming tanong! Tulungan mo akong makahanap ng ganitong bag. Ganitong-ganito ang kailangan ko. Kulay itim ang tela na parang balat ng buwaya, kulay ginto ang zipper at maliit ang hawakan,” utos niya rito.

“Naku, mama, mahirap pong makahanap ng ganiyang bag. Bakit po ba nagpapahanap pa kayo kung mayroon na po kayong ganiyan?” tanong pa nito na ikinagalit niya.

“Ang dami mong tanong! Subukan mo pa rin! Malaking pera ito anak!” sigaw niya dahilan upang mapatahimik ito at agad na maghanap ng nagbebenta ng ganitong klaseng bag sa internet.

Tinaguriang pinakamadiskarteng ginang sa kanilang barangay ang may bahay na si Ella. Handa kasi siyang gawin ang lahat para lang kumita ng pera upang maitaguyod ang kaniyang mga anak. Nagbebenta siya ng mga halaman, kakanin, mga gamit sa paaralan at kung ano pang pupwedeng ibenta.

Sa katunayan, pati nga pagbebenta ng motorsiklo at pagiging ahente sa mga bahay at lupa, pinasok na niya para lang kumita ng pera.

Kaya lang, kung minsan, sa kagustuhan niyang kumita ng pera, nakagagawa siya ng mga hindi magagandang bagay. Katulad na lang sa tuwing siya’y nag-aahente ng bahay, kapag may nakursonadahang gamit siya sa bahay na iyon, kukuhanin niya iyon at ibebenta sa iba. Bukod pa ang patong niyang halos limangpung libong piso sa bawat bahay na ipinapabenta sa kaniya.

Kahit pa ganoon, patuloy niya pa rin iyong ginagawa dahil dito siya kumikita ng pera.

Ganoon na lang ang tuwa niya kinabukasan sa balitang sinabi ng kaniyang anak.

“May nakita na ako, mama, isang libong piso lang,” wika nito dahilan upang agad niya itong utusang bilhin ang bag na iyon at halos limang oras lang ang lumipas, dumating na ito sa kanilang bahay.

Hinambing niya ito sa bag na orihinal at halos hindi niya makita ang pagkakaiba ng dalawang ito dahilan upang ganoon na siya makaisip ng masamang plano.

“Iyang bag na peke ang isasauli ko sa kumare ko para ibigay ang ibinayad kong limangpung libong piso. Mababalik na ang pera ko, may maibebenta pa akong orihinal na bag,” ngisi niya habang kinikilatis ang pekeng bag.

Agad siyang nagbihis at muling nagpunta sa bahay ng kaniyang kumare, bitbit ang pekeng bag na nabili ng kaniyang anak. Sinasauli niya ito at nagreklamong peke.

“Naku, totoo ba? Pasensiya ka na, ha? Mukhang naloko ako noong nagbebenta niyan, sabi niya kasi sa akin orihinal ‘yan! Isasauli ko na lang ang pera mo, mars,” sambit nito saka kinuha ang pekeng bag na dala niya dahilan upang siya’y agad na mapangisi, “Teka, ito ba talaga ang bag ko? Bakit walang tinta ng ballpen sa loob? Hindi ba’t sabi ko sa’yo, iyon lang ang diperensya nito? Tignan mo, o, ang linis-linis, ni walang kahit anong dumi,” dagdag pa nito dahilan upang manlamig siya.

“Ah, eh, nilabhan ko kasi,” pagrarason niya.

“Umamin ka na, mars, hindi talaga ito ang bag ko. Sobrang gaan din nito. Peke talaga ‘to, nasaan na ang orihinal na bag ko?” wika pa nito dahilan upang siya’y mapailing na lang.

At dahil wala na siyang magawa, umamin na lang siya rito. Pilit nitong binawi ang orihinal na bag at binigay ang kaniyang pera. Wika nito sa kaniya, “Akala ko nagbago ka na, sa masamang paraan ka pa rin pala kumikita ng pera ngayon.”

Wala na siyang kinita sa transaksyong iyon, nawalan pa siya ng matalik na kumare dahilan upang ganoon niya mapagtantong kahit anong pagsisikap ang ginagawa niya, kung ito’y nakalinya naman sa masamang paraan, hindi siya kailanman aangat sa buhay.

Advertisement