Inday TrendingInday Trending
Naging Mayabang sa Trabaho ang Dalaga, Mismong Boss Nila ang Gumising sa Kaniya

Naging Mayabang sa Trabaho ang Dalaga, Mismong Boss Nila ang Gumising sa Kaniya

“Hoy, anong ginagawa niyo? Hindi ba’t oras ng trabaho ngayon? Bakit nag-uumpukan kayo riyan? Baka gusto niyong isumbong ko kayo kay boss para mawalan kayo agad ng trabaho!” bulyaw ni Ana sa mga katrabaho nang makita niyang nag-uumpukan ang mga ito habang naghahagikgikan.

“Grabe ka naman, Ana, may pinanuod lang kaming saglit na bidyo, eh,” pagrarason ng isa sa mga ito dahilan upang mapataas lalo ang kilay niya.

“Kahit na! Hindi ba’t kabilin-bilinan ni boss, kung hindi naman mahalaga ang gagawin sa selpon, huwag ‘yang gamitin sa oras ng trabaho! Mga wala kayong kwentang empleyado! Puro kayo pagsarap at tsismis!” sigaw niya pa dahilan upang mag-init na rin ang ulo ng mga ito.

“Ito naman, napakahigpit! Daig mo pa ang supervisor natin, eh! Sino ka ba, ha? Napalapit ka lang kay boss ganiyan na ugali mo!” sigaw nito sa kaniya, siya’y napangisi at naisipang ito’y takutin.

“Ah, ganoon? Gusto mo talagang matanggalan ng trabaho, ha? O, sige, ibibigay ko ang nais mo!” bulyaw niya saka kunwaring tinawagan ang kanilang boss, “Hello, boss, itong mga kasamahan ko rito sa opisina, nagseselpon lang,” wika niya pa dahilan upang magsitahimik ang mga ito at siya’y mapahagikgik mag-isa.

Simula nang makuha niya ang loob ng masungit na may-ari ng pinagtatrababuhan niyang kumpanya, nagbago ang ugali ng dalagang si Ana. Kung dati’y siya’y laging nakadikit sa kaniyang mga katrabaho, nakikipagtawanan at nakikisama hanggang sa pagkatapos ng trabaho, siya ngayo’y laging nag-iisa dahil sa ugaling ipinapakita niya.

Naging masyado kasi siyang mayabang na pati mga kinikilos ng iba niyang katrabaho tulad ng pagkukwentuhan habang nagtatrabaho, pagkain sa opisina, pagtatawanan at iba pa, agad niyang sinisita kahit na wala naman siya sa posisyon upang gawin ito dahilan upang kainisan siya ng mga ito.

At kapag hindi siya pinakinggan ng mga ito, agad niyang gagamiting panakot ang relasyong nabuo niya sa may-ari ng kumpanya dahilan upang mapatahimik na lamang ang mga ito.

Noong araw na ‘yon, pagkatapos niyang takutin ang mga katrabaho, mayamaya’y bigla siyang tinawagan ng kanilang boss. Pinapunta siya nito sa bahay upang kuhanin ang ilang dokumento dahilan upang magkaroon siya ng oportunidad na lalong takutin ang mga katrabahong nakasagutan niya kanina.

“Magpaalam na kayo sa mga gamit niyo rito, baka pagbalik ko, wala na kayong trabaho,” wika niya kaya napatungo na lang ang kaniyang mga katrabaho.

Pagkarating niya sa address na binigay nito, agad siyang pinapasok ng guard dito. Pinaupo siya sa sofa ng isang ginang at binigyan ng maiinom.

Ngunit, bago pa mailapag ng ginang ang baso sa lamesang nasa harapan niya, tila dumulas sa kamay nito ang baso at natapon sa sapatos niya ang juice na laman nito.

“Diyos ko, naman!” sigaw niya.

“Ay, pasensya na, hija, dumulas sa kamay ko, eh. Medyo mahina na kasi ang kamay ko. Hayaan mo kukuhanan kita ng basahan, saglit lang,” mahinahong sambit nito saka agad na naglakad palayo.

“Ayaw mong ayusin ang trabaho mo! Gusto mo bang patalsikin kita rito? Isang sabi ko lang kay boss siguradong papalayasin ka niya rito!” bulyaw niya rito dahilan upang mapatigil ito at muling humarap sa kaniya habang nagtataka sa inaasal niya.

Ngunit magsasalita pa lang sana siya ulit nang makita niyang may kamay na pumulot sa mga bubog mula sa nabasag na baso.

“Gusto mo bang ikaw ang tanggalan ko ng trabaho? Ni hindi ko nga kayang pagtaasan ng boses ang nanay ko, tapos ikaw, nasigaw-sigawan mo siya? Sino ka ba sa inaakala mo, ha? May dapat ka bang ipagmalaki?” tanong ng kaniyang boss habang patuloy sa pagpupulot ng bubog dahilan upang siya’y manigas sa pagkakaupo.

“Ah, eh, nanay niyo po siya?” kamot-ulo niyang tanong.

“Oo, at kung hindi ko man siya nanay, wala ka pa ring karapatang maliitin ang isang tao at gamitin ang pangalan ko para katakutan ka nila. Tama pala ang mga sumbong sa akin sa opisina. Pasensiya ka na, ha, pero ako lang ang dapat nilang katakutan dahil ako ang nagpapasweldo sa kanila, hindi ikaw,” wika pa nito dahilan upang siya’y mapatungo, “Ayoko nang makita ang pagmumukha mo sa opisina, kilala mo ako, mahigpit ako at ayoko ng ganyang klaseng empleyado. Mag-resign ka na kaysa ako ang magtanggal sa iyo,” dagdag pa nito na ikinatigil ng mundo niya.

Wala siyang magawa noong mga oras na ‘yon kung hindi ang maiyak. Doon niya labis nakapagtantong hindi tama lahat ng kaniyang ginagawa sa trabaho niya.

Nawalan man siya ng trabaho at napagtawanan ng mga katrabahong tinatakot niya, isang mahalagang aral sa buhay ang natutunan niya.

Advertisement