Nakipag-agawan Siya sa Lalaki Dahil Lamang sa Isang Manika; Maaantig ang Puso Niya nang Malaman Kung Bakit Ayaw Nitong Isuko ang Manika

Nakipag-agawan Siya sa Lalaki Dahil Lamang sa Isang Manika; Maaantig ang Puso Niya nang Malaman Kung Bakit Ayaw Nitong Isuko ang Manika

FamilyHeartbreakingStories

Halos mapapalakpak si Mira nang mamataan ang manika na matagal niya nang hinahanap. Ilang mall din ang nilibot niya para lang mahanap ang manikang matagal nang inuungot ng anak niya!

Binilisan niya ang lakad palapit sa estante nang makitang nag-iisa na ang manika. Mahirap na, baka maagawan pa siya. 

Kaya naman labis ang pagkadismaya niya nang kasabay ng pagdampot niya ay isang kamay din ang dumampot sa manika na nakapaloob sa isang makulay na kahon. 

Inis na nilingon niya ang kasabay at hayagan niyang ipinakita ang disgusto nang makita ang anyo ng mamimiling kasabay niyang dumampot ng manika. 

“Ako ang nauna sa manika,” mataray na pahayag niya. 

Subalit hindi nito binitawan ang manika, bagkus ay mas lalo pa nitong hinigpitan ang pagkakakapit doon. 

Taas-kilay na tiningnan niya ang lalaki mula ulo hanggang paa. Nakasuot ito ng isang pantalong maong na kupas at isang T-shirt na sa tingin niya ay dating puti ngunit nangingitim na sa kalumaan. 

“Ma’am, baka ho pwedeng sa akin niyo na lang po ibigay. Kailangang-kailangan ko lang po talaga,” magalang na pakiusap ng lalaki. 

“Hindi. Para ito sa birthday ng anak ko. Ilang mall na ang pinuntahan ko, pero hindi ako nakahanap ng ganito. Sa tingin mo ibibigay ko sa’yo ito ng ganun ganun na lang?” malamig na tugon niya. 

“Ma’am, para po sa anak ko sana ito. Kailangang kailangan po ito ng anak ko. At nagmamadali rin po ako,” muli ay pagsusumamo ng lalaki. 

“Sa tingin mo hindi ito kailangan ng anak ko?” Muli ay sinipat niya ang itsura ng lalaki bago sinilip ang presyo ng manika. Napangiti siya nang makitang humigit-kumulang sampung libo ang halaga noon. 

“Isa pa, sigurado ka bang may pambili ka nito? Mahal ito,” natatawang saad niya sa lalaki. 

Tila napapahiyang nagyuko ito ng paningin. “May inipon ho ako. Mabibili ko naman ho ang manika.”

Sarkastiko siyang natawa sa sinagot ng lalaki, bago isang plano ang nabuo niya.

“Sige. Bakit hindi natin kausapin ang may-ari, para malaman natin kung kanino niya ibibigay ang manikang pinag-aagawan natin?” hamon niya. 

Matigas na umiling ito. “‘Wag na ho. Pakiusap po, pagbigyan niyo na ako.”

Marahas na hinigit niya mula rito ang nakakahong manika bago hinanap ang may-ari ng tindahan. 

Nang mamataan ito ay agad niya itong nilapitan. Nakasunod naman sa kaniya ang lalaking kaagaw sa laruan. 

“Ma’am, may problema po ba?” nakangiting bungad nito nang tuluyan silang makalapit dito. 

Nginitian niya ito nang matamis.

“Miss, kasi nag-iisa na lang ang laruan na ito. Kaso kailangan naming dalawa, at walang gustong magparaya. Ikaw na lang ang mamili kung sino sa amin ang dapat makakuha nitong ‘mamahaling’ laruan.” Sinadya niya talaga idiin dito ang salitang “mamahalin” upang iparating sa may-ari na siya ang mas may kakayahan na bilhin ang laruan. 

Alanganing napangiti ang may-ari, at tiningnan siya nang makahulugan bago bumaling sa lalaki na tahimik lang na nagmamasid. 

“Sir, marami ho kaming laruan na katulad nitong gusto niyo, at ‘di hamak na mas mura kumpara dito, gusto niyo ho na tulungan ko kayong mamili?” magiliw na tanong nito sa lalaki.

Napangiti si Mira. Natutuwa siya na madaling kausap ang may-ari at alam nito kung sino ang dapat panigan. 

Inaasahan niya na na susuko na ang lalaki ngunit sa kanilang panggigilalas ay umiiyak na napasalampak ito sa sahig. 

“Gusto ko lang naman na maibigay ang huling hiling ng anak ko! Hanggang sa huli ba naman ay hindi ko maibibigay ‘yun dahil sa mahirap lang kami?” umiiyak na anas ng lalaki. 

Nanlaki ang mata ni Mira sa narinig. Huling hiling?

“A-ano hong ibig niyong sabihin na huling huling?” nanginginig ang boses na usisa ni Mira sa lalaking tuloy ang pagnguyngoy sa sahig. 

“Ang kawawa kong anak. Lumala ang sakit niya dahil mahirap lang kami. Ngayon ay ilang araw na lang ang itatagal niya sabi ng doktor. Limang taong gulang lang ang kawawa kong anak. Pati ba naman ang simpleng manika, hindi ko pa maibibigay sa kaniya?” tila naghihinanakit na sambit ng lalaki. 

Tila may punyal na itinarak sa puso ni Mira ng mga sandaling iyon. Kaedad lamang ng anak niya ang anak nito. Kaya pala ganun na lamang ang kagustuhan ng lalaki na makuha ang manika!

Bilang isang ina, alam niyang hindi niya kakayanin kung siya ang mawawalan ng anak. Paano pa kaya ang lalaking iyon?

Bago pa niya mamalayan ay namamalisbis na ang masaganang luha mula sa kaniyang mga mata. 

Agad siyang napaupo sa tabi ng lalaking patuloy ang pag-iyak. 

“Patawad, patawad ho! Hindi ko ho alam! Ito, sa inyo na ho ito!” naluluhang anas niya sa lalaking kanina lang ay kaagaw niya sa mamahaling laruan. 

Sa narinig ay bahagyang nabawasan ang pag-iyak ng lalaki, ngunit patuloy ang pagbukal ng luha sa mata nito habang pinapanood nito na ibalot ang huling regalo para sa anak. 

Nang magbabayad na ang lalaki ay agad niyang pinigilan ito. 

“Ako na ho! Manong, hayaan niyo na ako na ang magbayad nito, bilang paghingi ko ng tawad sa mga nasabi ko kanina,” mariing pakiusap niya sa lalaki. 

Marahang tumango ito bago pabulong na nagpasalamat. 

Paalis na ito ay abot-abot pa rin ang paghingi niya ng paumanhin dito, na tinanggap naman ng lalaki. 

“Sana ho ay sumaya ang anak niyo sa regalong iyan,” wika niya sa lalaki bago ito tuluyang umalis. 

Naiwang tigagal si Mira. Hindi pa rin naaalis ang kirot sa kaniyang puso dahil sa istorya na narinig. 

Nang makauwi siya ay mahigpit niyang niyakap ang anak. Malaki ang pasasalamat niya na ibang-iba ang sitwasyon nila sa sitwasyon ng lalaking nakilala sa bilihan ng laruan. 

Ang pangyayaring iyon ay nag-iwan ng matinding marka sa buhay niya – natutunan niya na hindi maging mapagmataas at mapanghusga. Dahil ang buong istorya ay hindi laging nakikita ng mga mata. 

More Stories