
Pinatuloy Nila ang Matandang Basang-basa sa Ulan; May Lihim Pala ang Pagkatao Nito na Ikagugulat Nila!
Kasalukuyang bumubuhos ang ulan na may kasamang manaka-nakang pagkulog at pagkidlat.
Tanging lampara lamang ang ilaw na nagbibigay liwanag sa maliit na barong-barong nina Mang Hulyo.
Gayunpaman, masayang nagkukwentuhan ang mag-anak habang nagsasalo salo sa pagkain na madalas laman ng kanilang hapag – tuyo at kamatis, itlog, at isang kalderong kanin.
“Naku, siguro walang pasok bukas dahil malakas ang ulan,” komento ng batang si Nilo.
“Kuuu, ikaw na bata ka, tinatamad ka na naman, ano?” natatawang buska ni Rina sa anak.
“Oo nga. Ikaw ha, kapag hindi ka nag-aral magagaya ka sa akin na mahirap lang, sige ka!” pananakot naman ni Hulyo.
“Nanay at Tatay naman, sabi ko lang, baka walang pasok, ang layo na kaagad ng itinalon ng usapan!” nagkakamot ng ulong reklamo ng paslit sa magulang.
Nagkatawanan ang mag-asawa.
Naudlot ang kanilang masayang pagkukwentuhan nang makarinig sila ng katok.
“Sino naman kaya ito?” nagtatakang bulong ng padre de pamilya bago tinungo ang pinto.
Nagulat siya nang bumungad ang isang matandang basang-basa ng ulan.
“Hijo, baka maari akong makituloy kahit isang gabi lang?” nanginginig na pakiusap ng matanda.
“Nilo, anak, madali ka! Kumuha ka ng tuyong tuwalya pamunas ni Tatang!” agad niyang sigaw sa anak bago walang pagdadalawang-isip na pinapasok ang matanda.
Ang asawa niya naman ay agad na nagpakulo ng mainit na tubig upang mapainom ng kape ang nilalamig na bisita.
“Ako ho si Hulyo, at sila naman ang asawa’t anak kong si Rina at Nilo. ‘Tang, ano ho bang nangyari at napadpad kayo rito at inabutan ng ulan?” nag-aalalang usisa niya sa ‘di-kilalang matanda.
Humigop ito ng kape bago sumagot. “Ako naman si Manolo. May dinaanan ako sa sakahan, ngunit hindi na ako umabot sa bahay at bumuhos na ang ulan,” kwento nito.
Nagtaka siya sa sinabi ng matanda. Lahat kasi ng magsasaka sa kanilang baryo ay kilala niya, ngunit hindi ito pamilyar sa kaniya. Ngunit pinili niyang hindi magkomento.
Napapalatak siya. “Naku, kay malas niyo naman ho at dito kayo sa payak na bahay namin napunta. Pasensiya na ho ha, wala kaming kuryente,” nahihiyang wika niya sa matanda.
Natawa ito. “Alam mo ba kung ilang malalaking bahay ang kinatok ko, ngunit wala ni isang nagbukas man lang ng pinto? Napakaswerte ko na pinagbuksan niyo ako ng pinto at pinatuloy. May bonus pang mainit na kape,” nakangiting tugon ng matanda.
“Kami ho’y naghahapunan noong dumating kayo, Tatang. Bakit hindi niyo ho kami saluhan?” maya-maya ay paanyaya ng asawa niya sa matanda.
“Pwede ba? Nakakahiya naman sa inyo,” sagot nito.
“Para saan pa’t tayo ho’y nasa iisang baryo? Kaso ho’y simpleng tuyo at itlog lamang ito,” ani Hulyo.
“Naku, paborito ko ‘yan!” maligayang bulalas nito, kaya naman napuno ng tawanan ang maliit na bahay.
“Hulyo, ikaw ba’y may sariling lupa? O nakikisaka ka lang sa hacienda ng mga Alcaraz?” maya maya ay usisa ng matanda.
“Ah, wala ho kaming sariling lupain, ‘Tang. Naibenta namin noong magkasakit ang asawa ko ilang taon na ang nakakaraan,” sagot niya sa matanda.
Masaya silang nagkwentuhan habang maganang kumakain.
Inutusan niya ang anak na ayusin ang higaan nito upang may matulugan ang kanilang bisita.
“‘Tang, doon na lang ho kayo sa higaan ni Nilo matulog, magtatabi-tabi na lang ho kami sa papag naming mag-asawa.”
“Salamat hijo. Sobra na ang naging abala ko sa inyo,” nahihiyang tugon ng matanda.
“Wala ho iyon, bisita namin kayo, kaya tama lang na maging komportable ang inyong pagtulog. Humiga na ho kayo at ikakabit ko ang kulambo para hindi kayo lamukin,” magiliw na utos niya sa matanda.
Kita sa matanda ang matinding hiya sa kanila ngunit paulit-ulit niyana sinabi rito na wala itong dapat ipag-alala.
“‘Wag kayong mag-alala, hahanap ako ng paraan upang bumawi sa kabaitan niyo,” wika ng matanda bago matulog.
Kinabukasan, alas kwatro pa lamang at gising na ang mag-asawa.
“Maghahanda ako ng maayos ayos na almusal para makakain si Tatang,” nakangiting utas ng kaniyang asawa na nasa harap ng kalang de uling.
Mag-aalas singko na nang magising ang matanda.
“‘Tang, kape at almusal ho?” nakangiting bungad niya sa matanda, na taos puso naman nitong pinaunlakan.
Dahil tumila na ang ulan, madilim pa ay nagpaalam na ang matanda dahil may aasikasuhin pa raw itong mga bagay bagay. Lubos lubos ang pasasalamat nito sa pagpapatuloy nila rito.
Akala ng mag-anak ay iyon na ang huling pagkakataon na makakadaupang palad nila ang matandang si Manolo subalit maling-mali sila.
“Hulyo! Hulyo!”
Agad na napahinto sa pagtatanim si Hulyo nang marinig ang tarantang sigaw ng kaniyang asawa.
“Anong nangyari? Bakit, Rina?” usisa niya sa asawa.
“Umuwi ka sa bahay ngayon na! Mayroong kakaibang nangyayari!” pagbabalita ni Rina sa asawa.
Nang umuwi sila ay tumambad ang tatlong lalaki na pawang nakasuot ng uniporme.
“Kayo ho ba ang may-ari ng bahay na ito? Naatasan ho kaming kabitan kayo ng kuryente,” paliwanag ng isa sa mga lalaki.
“Pero wala ho kaming pambayad diyan. Baka ho nagkakamali lang kayo,” magalang na pagtanggi ni Hulyo.
“Sigurado ho kami. Utos ho ito ni Don Manolo Alcaraz.”
Napamulagat ang mag-asawa bago nagkatinginan. Ang mga Alcaraz ang nagmamay-ari ng karamihan sa mga lupain sa baryo nila. Ngunit hindi pa nila kailanman nakadaupang palad ang “Don” na sinasabi ng mga ito.
“Hulyo, Manolo nga raw ba ang pangalan? Hindi kaya…” namimilog ang matang bulong ni Rina.
Sakto namang isang magarang sasakyan ang dumating. Iniluwa noon ang isang lalaking may magarang kasuotan.
“Tatang!” gulat na magkapanabay na sigaw ng mag-asawa.
Isang naaaliw na ngiti ang ibinigay sa kanila ng matanda.
“Nagulat ba kayo? Marahil ay natuklasan niyo na ang totoo. Ako si Don Manolo Alcaraz, ang may-ari ng Hacienda Alcaraz,” pagpapakilala ng matanda.
“Bilang ganti ko sa inyong mag-asawa, nais kong ibigay sa inyo ang mga bagay na wala kayo, kagaya ng maayos na bahay at kuryente,” pahayag nito.
Ang mag-asawa ay nanatiling walang imik at gulat na gulat sa sinabi ng matanda.
“Hindi naman ho kailangan, Don Manolo. Hindi ho kami humihingi ng kahit na anong kapalit sa pagtulong namin sa inyo,” katwiran ni Rina nang makabawi sa pagkagulat.
“Pero gusto kong gantihan ang kabutihan niyo. Ang mga mabubuting tao na kagaya niyo ay nararapat lang na magkaroon ng magandang buhay,” paliwanag ng matanda.
Mas lalo pang napanganga ang mag-asawa ng isang dokumento ang iabot ng matanda.
“Iyan ang titulo ng lupa na ibinenta niyo noon. Sa inyo na ulit ang lupain na ‘yan.”
Tuluyan nang napaluha ang mag-asawa sa labis na galak at pasasalamat. Ang kakarampot na tulong na ibinigay nila sa matandang naghahanap ng masisilungan ay ibinalik sa kanila ng siksik, liglig, at umaapaw!