Mahilig ang Dalagang Mag-prank sa mga Magkasintahan; Saan Siya Dadalhin ng Kapilyahan Niya?

Mahilig ang Dalagang Mag-prank sa mga Magkasintahan; Saan Siya Dadalhin ng Kapilyahan Niya?

HeartbreakingKarmaLoveStories

“Ready na ba ang camera?” nakangising tanong ni Joyce sa kaibigang si Sidney.

“Oo, ready na. Pwede na tayo magsimula!” excited na tugon ng kaibigan niya. 

Nilapitan niya ang target. Isang magkasintahan na masayang nagtatawanan habang kumakain. 

Saglit niyang kinusot ang mata upang mamula bago nilapitan ang magkasintahan. 

Humarap siya sa lalaki. “Babe, a-anong ibig s-sabihin nito?” utal utal na tanong niya. Siniguro niya na purong kalungkutan ang makikita sa kaniyang mga mata. 

Gulat na napatingala ang dalawa. Bakas sa mukha ng mga ito ang labis na pagtataka. 

“Kilala ka ba namin?” mataray na tanong ng babae. 

“Hindi ikaw ang kausap ko,” hindi papatalong tugon niya bago inirapan ang babae. Napangisi siya nang makita ang matalim na tingin na ipinukol ng babae sa kasintahan. 

“S-sino ka?” nauutal na tanong ng lalaki. 

Isang malakas na sampal ang pinadapo niya sa mukha ng lalaki. Nagulat ang magkasintahan, at maging ang ibang taong kumakain ay napukaw ang atensyon. 

Napatayo ang babae sa galit. 

“Ano bang problema mo, ha? Bakit mo sinampal ang boyfriend ko?” namumulang utas ng babae. Tila anumang oras ay dadalahungin siya ng babae. 

“Boyfriend mo? Ang magaling na boyfriend mo lang naman ang ama ng bata sa sinapupunan ko!” matapang na sigaw niya pabalik sa babae. 

Naramdaman niya ang sabay sabay na singhap ng mga miron na animo’y nanonood ng pelikula. 

Nakadama siya ng hindi maipaliwanag na kasiyahan lalo na nang makita niya ang pagtulo ng luha sa mga mata ng babae. Kitang kita niya ang pagrehistro ng kabiguan sa mga mata nito. 

Galit na bumaling ito sa kasintahan na mulagat pa rin, na tila hindi nauunawaan ang nangyayari. 

“Totoo ba ang sinasabi ng babaeng ito?” bulyaw nito sa lalaki. 

“Jane, hindi ko kilala ‘yang babaeng ‘yan! Wala yata ‘yan sa katinuan, eh!” mariing tanggi ng lalaki. 

Inabot nito ang kamay ng kasintahan upang pakalmahin ito ngunit mabilis na pumiksi ang babae. 

“Hindi mo ako kilala? Matapos mo akong pangakuan na makikipaghiwalay ka na kay Jane?” umiiyak na baling niya sa pobreng lalaki. 

“Miss, ano bang pinagsasasabi mo? Hindi na nakakatawa ang biro mo, ha!” napipikong baling sa kaniya ng lalaki. 

“Pagkatapos ay itatanggi mo na kilala mo ako?” animo’y naghihinanakit na anas niya sa lalaki. 

Nagsimula nang magkaroon ng mga bulung bulungan. 

“Grabe, ang kapal ng mukha nung lalaki!” 

“Mambubuntis, tapos may iba pang nobya! Nakakadiri!”

Isang malakas na sampal ang ipinagkaloob ng babaeng tinawag na “Jane” sa nobyo nito bago ito tumakbo palabas ng kainan. 

“Napakasama mong babae ka! Tandaan mo, hindi laruan ang emosyon ng mga tao! Makakarma ka rin!” galit na babala ng lalaki bago nagmamadaling hinabol ang kasintahan. 

Isang matagumpay na ngiti ang sumilay sa labi ng dalaga. 

“Mission accomplished!” hiyaw ng isip niya. 

Hinabol niya ang dalawa upang ipaliwanag sa mga ito na isang lamang biro ang lahat, ngunit hindi niya na nakita ang mga ito. Ipinagkibit balikat niya na lamang iyon. 

“Grabe, Joyce! Pwede ka na talaga mag-artista sa sobrang galing mong umarte!” humahagikhik na komento ni Sidney nang lapitan niya ito. 

Iyon ang libangan niya. Naghahanap siya ng mga magkasintahan na maaari niyang biruin at paghiwalayin. Nagbi-video siya at ilalagay ang video sa social media upang makita niya ang komento ng mga tao sa kaniyang kalokohan. 

“Grabe, ang galing na artista ni Joyce!” 

“Sino ‘tong babaeng ‘to? Gawan na ng pelikula ‘yan!” 

“Nakakatawa! Totoong nag-away ‘yung mag-jowa!”

Napangiti siya sa mga positibong komento ng mga tao. Mayroon ding mga komento na galit sa ginawa niya ngunit hindi niya iyon binibigyan ng atensyon. Hangga’t may mga taong natutuwa sa ginagawa niya ay ipagpapatuloy niya ang nakasanayan. 

Excited si Joyce. Kaarawan niya kasi, at niyaya siya ng boyfriend niyang si Ivan para sa isang espesyal na date. 

Nagpaganda siya nang husto. Mayroon kasi siyang pakiramdam na sa wakas ay aalukin na siya ng kasal ng kaniyang kasintahan. 

“Babe, okay ka lang? Parang matamlay ka. May sakit ka ba?” nag-aalalang usisa niya sa ka-date na hindi man lamang magalaw ang pagkain nito. 

“Ah, hindi, ayos lang ako. Mag-restroom lang ako, babe, ha?” paalam nito. Sa noo nito ay butil-butil ang pawis, bagay na ipinagtaka niya. Malamig naman kasi sa loob ng kainang pinuntahan nila. 

Lihim na napangiti si Joyce sa inasal ng kasintahan. Malamang ay kinakabahan itong mag-propose!

Hinintay niya ang kasintahan na bahagyang natagalan sa pagbalik. Ngunit isang ‘di-kilalang babae ang lumapit sa mesa nila. Malaki na ang tiyan nito. 

“Ikaw ba si Joyce, ang girlfriend ni Ivan?” taas kilay na tanong ng babae. 

Naguguluhan man ay tumango siya. 

“Layuan mo siya. Dahil siya ang ama ng dinadala ko!” mahina ngunit mariin na utos ng babae. 

Napahagalpak siya ng tawa, bagay na ikinagulat ng babae. Naagaw naman ng pagtawa niya ang atensyon ng iilan.  

“Kinausap ka ba ni Ivan na i-prank ako? Bistado na kayo,” natatawang tugon niya sa babae na nakakunot noo. 

“Hindi ako nagbibiro, Joyce! Si Ivan ang ama ng dinadala ko!” giit ng babae. 

Inilibot niya ang mata sa paligid. Mas lalo siyang nakumbinsi na biro lamang ang lahat dahil nakita niyang isang babae ang nagbi-video mula sa ‘di kalayuan. 

Dumating si Ivan. Nagtaka siya dahil tila itinulos ito sa kinatatayuan nang makita nito ang babaeng buntis. 

“M-marie, anong ginagawa mo rito? Hindi ba’t sinabi ko na na magtiwala ka sa akin?” tila namomroblemang bungad ni Ivan sa babae. 

“Hindi, Ivan. Gusto kong ngayon din ay mamili ka sa amin. Akala siguro ng babae mo ay nagsisinungaling ako eh,” iritableng tugon ng babae. 

“Tama na nga ‘yan! Ivan, alam ko na na prank ito. Tumigil na kayo,” natatawang sabat niya sa dalawa na masyadong seryoso ang pinag-uusapan. 

Tumitig sa mga mata niya ang kasintahan. Wala siyang nakitang kahit na anong bakas ng pagkaaliw o tuwa. Seryosong seryoso ito. 

“Joyce, hindi ito isang biro. Totoo ang sinasabi ni Marie. Gusto kong maging ama sa anak namin kaya makikipaghiwalay na ako sa’yo,” pag-amin ng lalaki. 

Nagsimula nang kumabog ang dibdib ni Joyce. 

“Ivan, hindi na nakakatawa ito. Itigil niyo na,” muli ay pananaway niya. May bahagyang nginig sa kaniyang tinig nang muli siyang magsalita. 

Ngunit tumayo na ang lalaki at hinawakan ang braso ni Marie. 

“Sorry, Joyce. Pero si Marie ang pinipili ko,” anas nito bago hinila paalis ang babae. 

“Ivan! Ivan!” sigaw niya. Ngunit hindi na ito lumingon pa ulit. 

Ilang sandali siyang naghintay. Segundo, minuto, oras. Ngunit walang Ivan na bumalik upang sabihin sa kaniya na biro lamang ang lahat. 

Noon niya napagtanto na tuluyan na nga siyang iniwan ng kasintahan. 

Kumirot ang kaniyang dibdib, ngunit ni isang patak ng luha ay walang lumabas mula sa kaniyang mga mata. Tila pinoproseso pa ng kaniyang utak ang lahat ng nangyari.

Kinabukasan, nagising siya sa sunod-sunod na pagtunog ng kaniyang cellphone. 

Nang tingnan niya iyon ay nanlaki ang mata niya sa nakita – isang video iyon ng eksena sa pagitan nila ni Ivan at Marie. Napakaraming komento doon na dumurog sa puso niya. 

“‘Di ba siya ‘yung babae na pasikat at laging nakakasira ng relasyon ng may relasyon? Mabuti nga sa kaniya!”

“Karma mo ‘yan, girl, wala ka kasing magawa sa buhay!”

Subalit isang komento ang pumukaw sa kaniyang atensyon. 

“Ngayon, alam mo na ang pakiramdam ng paglaruan ang damdamin mo. Masakit, hindi ba? Sana matuto ka na.”

Sa unang pagkakataon ay napaiyak siya. Tama nga naman ito, masakit ang mapaglaruan. At kinailangan niya pang maranasan iyon upang maunawaan niya kung ano ang pakiramdam ng mapaglaruan.

Isang matinding aral ang pangyayaring iyon sa buhay niya – natutunan niya na hindi maglaro sa emosyon ng iba at pahalagahan ang damdamin ng bawat isa. 

More Stories