Batang Lalaki lang Raw ang Inaalagaan ng Ale na Ito, May Sumpa Palang Nakatali sa mga Kamay ng Matanda

“’Nay, may balita ako sa inyo! May bago kayong aalagaan,” masayang wika ni Jobel sa kaniyang kasamabahay na si Nanay Melen sabay hawak nito sa kaniyang tiyan at gumawa pa ng korteng puso.

“Buntis ka?” mataray na tanong ng ale.

“Opo, magkaka-apo na kayong muli,” masayang sagot muli ng babae.

“Basta ba lalaki ‘yang magiging apo ko ay hinding-hindi ko tatanggihan,” ngiting balik ng matanda sa kaniya.

“’Nay naman, ang tagal-tagal niyo na sa pamilya namin. Huwag niyo na akong tanggihan kung magiging babae man itong bunso ko, please?” paki-usap muli ni Jobel sa ale.

“Naku, ayon na nga, matanda na ako sa pamilya niyo at ilang kapatid mo na rin ba ang dumaan sa akin pero lahat ng iyon ay tinanggihan ko kasi ayaw ko ng apong babae!” sigaw ng matanda sa kaniya.

“’Nay naman! Bakit ako inalagaan niyo naman? Anak na nga ang turing niyo sa akin ‘di ba? At ako rin ang paborito niyong alaga,” wika pang muli ng babae.

“Hindi ako ang nag-alaga sa’yo, ang nanay mo. Napunta ka na lang sa akin nung malaki ka na at may isip na pero nung sanggol ka pa hanggang nagpitong taon ka ay hindi kita inalagaan,” baling ng ale sa kaniya.

Advertisement

“A, basta-basta, alam ko na kahit ano pa mang kasarian nitong dinadala ko ay aalagaan niyo kasi mahal na mahal niyo ako. I love you too, ‘Nay Melen!” balik ni Jobel sa ale saka niyakap ito ng mahigpit.

Matagal nang naninilbihan si Nanay Melen sa pamilya ni Jobel, nagsimula ito sa mga magulang pa ng babae at hanggang ngayon sa kaniya na bunsong anak ay nasa kanila pa rin ang matanda. Si Jobel ang kaisa-isang babaeng anak ng kaniyang mga magulang at ito lang din ang hindi dumaan sa mga kamay ng matanda dahil may kaisa-isa siyang kondisyon at iyon ay mag-aalalaga lamang siya ng bata kapag ito ay isang lalaki. Kaya naman ang mga kapatid lamang ni Jobel ang naalagaan nito at kahit na ilang beses na pinakiusapan noon ang matanda sa pag-aalaga ng mga anak ng kapatid ni Jobel ay hindi talaga ito pumayag dahil babae ang mga iyon.

Makalipas ang ilang buwan at nalaman na ni Jobel ang kasarian ng kaniyang dinadala.

“Naku, Jobel, ngayon pa lang ay maghanap ka na ng mag-aalaga riyan sa pamangkin ko kasi hindi ‘yan hahawakan ni Nanay Melen,” wika ng kaniyang kuya sa telepono.

“Malay mo naman baliin ni Nanay Melen ang kondisyon niya sa akin, tutal naman ay ako ang paborito nun,” positibong sagot ng babae saka napahawak siya sa kaniyang naninigas na tiyan.

“Naku, nung bata ka nga kahit mamaos ka na sa kakaiyak ay hindi ka hinawakan noon ni Nanay Melen at tanging kaming mga kuya mo lang ang inalagaan nun. Wala naman tayong masasabi sa kaniya kasi talagang parang pamilya na siya sa atin pero ilang pamangkin mo na ba ang pinaki-usap ko sa kaniya? Hindi ‘yan aalagaan ni Nanay Melen, malaki ang pusta ko,” natatawang sagot muli ng kaniyang kapatid.

Hindi naman na nagsalita pa si Jobel at labis siyang napa-isip ano nga ba ang dahilan ng matanda.

“’Nay, may pabor akong hihingin sa inyo,” seryosong sabi ni Jobel sa matanda habang nagkakape ito sa kanilang salas.

Advertisement

“Naku, Jobel, hindi ko maaring alagaan ‘yang anak mo kung babae ‘yan. Kahit anong paki-usap ang gawin mo sa akin, hinding-hindi ko talaga gagawin. Patawarin mo ako,” mabilis na tanggi ng matanda sa kaniya.

“’Nay, sige na, hindi ko na ipipilit sa’yo na alagaan itong bunso ko pero pwede bang sabihin mo naman sa akin ano ba talagang rason kung bakit ayaw niyo po mag-alaga ng batang babae? Kahit sabihin niyo lang kung bakit at hinding-hindi ko na kayo pipilitin,” pakiusap ni Jobel dito. Saglit na tumahimik ang matanda at tumingin ito sa malayo.

“Nambabae kasi ang tatay ko dati at sa kamalas-malasan ay isinumpa siya ng babae nang malaman na may pamilya na siya. Sabi sa sumpa ay hinding-hindi magkakaroon ng anak ang tatay ko na babae at hindi na rin siya maaraning humawak ng batang babae dahil mawawalan ito ng buhay. Pati ako ay isinama sa sumpa nang malaman na anak ako ng tatay,” siwalat ng matanda.

“’Nay, 2019 na! Wala ng epekto ‘yung sumpa na iyon,” mabilis na sagot ni Jobel kay Nanay Melen.

“Hindi rin naniwala ang tatay ko noon kaya naman nag-anak pa sila ng nanay pero lahat ng mga naging kapatid ko ay babae at lahat iyon ay hindi nabuhay,” sabi pang muli ng matanda.

“Pasensiya ka na pero mas gugustuhin kong umiwas kaysa sa maging dahilan ng pagkawala ng bata,” dagdag pa nito at saka tumayo ang matanda.

Natahimik naman si Jobel at nalungkot, ngayon lubos na niyang naiintindihan ang matanda at ginalang niya ito ngunit kasabay noon ang pagdarasal niya na makalaya na sana ito sa kaniyang pinaniniwalaan.

“’Nay, ayos lang, mas malakas ang dasal ko kaysa sa sumpa kaya hawakan niyo na po siya hinding-hindi ko kayo sisisihin dahil alam kong walang mangyayaring masama,” sabi ni Jobel nang makapanganak na ito at umuwi na sa kanilang bahay. Labis na tumangi ang matanda at naiyak na lamang ito ngunit mas mabilis ang babae at naibigay kaagad ang bata sa matanda.

Advertisement

“Huwag kayong mag-alala, ‘nay, hindi ko siya ipapaalaga sa inyo pero gusto ko lang mahawakan niyo man lang. Mas malakas pa rin ang panalangin kaysa sa anumang sumpa,” ngiting wika ni Jobel at niyakap ang matanda. Labis na luha ang tanging sagot ni Nanay Melen sa kaniya at lumipas ang ilang buwan ay wala namang nangyari sa anak ni Jobel.

Ngayon ay mas naniwala si Jobel na kayang talunin ng pananampalataya natin at dasal ang kahit ano pa mang kinakatakutan natin sa mundo.