
Labis ang Pag-Aasam ng Isang Binata sa Mamahaling Laptop; Nang Tikisin Niya ang OFW na Magulang ay Magugulat Siya sa Mangyayari Dito
“Iba talaga ang ganda ng laptop na ‘yan, ‘no? Nakakapaglaway! Ang sarap sigurong ipanlaro niyan!” saad ng binatang si Paul sa kaniyang kaibigang si Jerry habang nasa tindahan sila ng mga gadgets sa isang mall.
“Oo, nga e! Lahat yata ng tulad nating naglalaro ng online games ay pangarap ang laptop na ito. ‘Yung gamit ko kasi ngayon ay mabagal at hindi na kaya ang ibang laro. Sayang lang dahil madalas ay natatalo ako hindi dahil sa hindi ako magaling kung hindi dahil mabagal ang laptop na gamit ko!” tugon naman ni Jerry.
“Kaso tingnan mo naman ang presyo! Limangpu’t limang libong piso? Baka kapag nagpabili ako niyan sa erpats ko ay gulpihin ako!” napapailing na lamang si Paul sa labis na pag-aasam sa naturang laptop.
“Ikaw, maaari ka pang bilhan ng mga magulang mo dahil nasa ibang bansa sila hindi ba? Ano nga ba ang trabaho ng mga ‘yun sa ibang bansa?” tanong pa ng kaibigan.
“Hindi ko alam. Hindi ko na rin naman itinatanong basta ang alam ko ay sa isang department store. Manager dati ang papa ko dito, baka manager din siya d’on ngayon,” tugon ng binata.
“Tamang-tama at malapit na ang kaarawan ko. Ito na lang ang hihilingin ko sa kanila,” dagdag pa ni Jerry.
“Hay. Maiinggit talaga ako kapag nagkaroon ka niyan. Palaro na lang ako kapag nagkataon,” natatawang kantiyaw naman ni Paul.
Linggo-linggo ata kung bumalik sa mall na iyon si Jerry upang tingnan ang nasabing laptop. Minsan na niya itong hiniling sa kaniyang ama ngunit nabigla ito nang malaman ang presyo. Ngayon na naisip niyang may dahilan na upang ibili siya dahil malapit na ang kaniyang ika-dalawampu’t isang kaarawan ay nagkaroon siya ng pag-asa na baka mabilhan siya.
“Sige na, ‘pa. Huwag ninyo na po akong ipaghanda ni mama sa birthday ko. Bilhan niyo na po ng laptop na gusto ko. Kung gusto niyo po’y diyan niyo na lang ako ibili sa ibang bansa at baka mas mura,” giit ni Jerry sa kaniyang ama.
“Napakamahal ng sinasabi mong laptop, anak. Baka pwedeng pumili ka na lang ng mas mura. Iyon na lang ang bibilhin namin ng mama mo para pa birthday sa iyo. Pasensiya ka at marami rin kasi kaming gastusin dito ng mama mo. Isa pa’y mataas na rin kasi ang matrikula mo,” paliwanag ng ama.
Ngunit muling giniit ito ng binata.
“Hayaan mo at pag-iipunan namin ng mama mo. Maghintay ka lang ng ilang buwan pa,” wika muli ng ama.
“Gawan niyo na po ng paraan, pa. Gustung-gusto ko talaga ang laptop na ‘yun, e. Ilang beses ko nang pinabibili sa inyo lagi na lang pag-iipunan! Magkano lang ba sa inyo ang presyo niyan? Malaki naman ang sinasahod ninyo ni mama diyan sa ibang bansa,” muling sambit ni Jerry.
“Basta, pa. Iyang laptop na iyan ang gustong iregalo niyo sa akin. Ayoko ng bagong sapatos o bag o kahit ano basta ang gusto ko ay ‘yung laptop na sinasabi ko sa inyo!” pagpupumilit ng binata.
Hindi na nakaimik pa ang kaniyang ama. Bilang magulang kasi ay masakit din para sa kaniya na hindi maibigay ang hiling ng anak.
Ilang linggo pa ang lumipas at patuloy na umaasa itong si Jerry sa regalong laptop ng kaniyang mga magulang. Ngunit nang dumating ang kaniyang kaarawan ay pinadalhan lamang siya ng mga ito ng pera.
“Iyan na lang munang tatlong libo, anak. Ilibre mo ang mga kaibigan mo at kumain kayo sa labas. Pasensiya na at hindi pa kami nakaipon para sa laptop mo,” wika ng ama.
“Kung hindi ‘yung laptop ay huwag na lang. Ibabalik ko na lang po itong tatlong libo niyo. Hindi ko po ito kailangan. Hindi po ako sasaya sa panlilibre sa mga kaibigan ko. Ang gusto ko lang ay ang laptop na iyon!” naiinis na sambit ni Jerry sabay baba ng telepono.
Ilang araw ding tiniis ni Jerry ang kaniya mga magulang. Hindi nito sinasagot ang kanilang mga tawag. Ipinaparamdam niya sa mga ito ang kaniyang galit dahil hindi siya mabilhan ng magarang laptop.
Ilang linggo na at hindi pa rin niya kinakausap ang kaniyang ama at ina.
Isang araw ay sinadya na siya ng kaniyang tito sa bahay upang tingnan ang kalagayan ng kaniyang pamangkin. Nagulat na lamang siya nang makitang naglalaro lamang ito sa kaniyang selpon.
“Ilang beses ka raw tinatawagan ng mga magulang mo pero hindi mo sinasagot. Alalang-alala na sila sa iyo, ‘di mo ba alam? Ba’t ka ba nagkakaganiyang bata ka?!” dismayadong tanong ng kaniyang tiyuhin.
“Bahala sila. Nagpapabili lang ako ng laptop sa kanila dahil birthday ko nama’y hindi pa nila magawa! Lagi na lang pag-iipunan, lagi na lang gagawan ng paraan!” pabalang namang tugon ng binata.
Napailing na lamang ang tiyuhin nito.
“Ibang klase ka rin, Jerry. Alam mo ba kung ano ang nangyari sa ama mo dahil lamang sa gusto ka niyang bilhan ng laptop. Walang patid sa pagtatrabaho ang iyong ama. Nasa ospital siya ngayon dahil nadisgrasya sa department store na pinagtatrabahuhan niya. Ang kinakatakot pa ng mama mo ay baka mabaldado na ito at tuluyan nang pauwiin dito sa Pilipinas!” sambit ng kaniyang tito.
“Alam mo ba kung ano ang trabaho ng mama at papa mo sa ibang bansa? Kung manager sila dito ay ibang-iba roon sa ibang bansa. Taga-salansan sila ng mga produkto. Ang papa mo ay nagbubuhat ng mabibigat at nag-aayos ng mga muwebles. Tinanong mo ba sila kung ano na ang lagay nila? Minsan talagang napakahirap magpalaki ng anak!” dagdag pa ng ginoo.
Nagulat naman si Jerry sa ikinuwento ng kaniyang tiyuhin. Hindi niya akalaing ganito pala ang dinaranas ng kaniyang mga magulang sa ibang bansa upang mabigyan lamang siya ng magandang buhay.
“Sa pagnanais nilang hindi ka mahinto sa pag-aaral at magkaroon ka ng magandang bukas ay nilunok nila ang kanilang pride para maging alipin sa ibang bansa. Tapos heto ka at nagmamalaki dahil hindi ka lang mabilhan ng laptop? Anong klase kang anak?!” muling sambit ng tiyuhin.
Natauhan si Jerry sa lahat ng kaniyang mga narinig. Agad niyang tinawagan ang kaniyang mga magulang upang humingi ng tawad. Lubos na niyang naunawaan ang lahat ngunit ang malungkot lamang ay kailangan pang madisgrasya ng kaniyang ama upang maintindihan niyang hindi kayang bilhin ng mga ito ang laptop na kaniyang gusto.
Sa kasamaang palad ay marami sa ating kababayaang OFW ang nakakaranas ng ganito. Pinag-iigi ang trabaho upang mabigyan ng magandang buhay ang pamilya. Ngunit marami pa ring hindi makaunawa sa tunay nilang sitwasyon sa ibang bansa. Mahirap man ang mawalay sa pamilya’y hindi nila ito iniinda basta ang tanging nais nila’y maitaguyod ang pamilyang kanilang naiwan dito sa Pilipinas.