Pinili ng Binatang Ito ang Hilig Niya Kaysa sa Trabaho, Laking Pasasalamat Niya nang Sundin Niya ang Kaniyang Puso

Pinili ng Binatang Ito ang Hilig Niya Kaysa sa Trabaho, Laking Pasasalamat Niya nang Sundin Niya ang Kaniyang Puso

InspiringStoriesSuccess

“Hanggang kailan mo ba balak na hindi makinig sa akin, ha? Halos araw-araw ko nang sinasabi sa’yo, bumalik ka na sa trabaho mo at tigil-tigilan mo na ‘yang pagkuha ng litrato ng mga palaboy sa kalsada! Ano bang napapala mo roon, ha? Nagpapasikat ka lang naman yata sa social media, eh!” sermon ni Mang Lino sa kaniyang anak nang makita niya itong nag-aayos ng mga gamit at tila aalis na naman ng kanilang bahay. 

“Hindi naman po sa ganoon, papa,” tipid na sagot ni Dan saka isinukbit ang kaniyang malaking itim na bag sa balikat.

“Eh, ano pala? Wala ka namang nahihita riyan sa ginagawa mo, ipinagpapatuloy mo pa! Ni piso wala silang ibinibigay sa’yo. Sinasayang mo lang ang oras mo sa ginagawa mo!” bulyaw pa nito dahilan upang siya’y mapatungo at mapabuntong-hininga. 

“Hilig ko po kasi ito, papa. Masaya po ako sa ginagawa ko,” sagot niya saka naglakad palabas ng kanilang bahay. 

“Masaya ka nga sa ginagawa mo, wala ka namang pera! Ilang araw na lang, said na ang laman ng bangko mo! Saan na tayo kukuha ng makakain?” wika nito dahilan upang siya’y mapatigil sa paglalakad. 

“Hindi ko po alam,” bulong nito na lalong ikinagalit ng ama. 

“O, ‘di ba? Bumalik ka na sa trabaho mo kung ayaw mong basagin ko sa harap mo ‘yang kamera mo!” pagbabanta nito dahilan upang mangilid na ang kaniyang mga luha. 

“Kahit ngayong araw na lang po, papa, payagan niyo po akong gawin ang gusto ko. Bukas na bukas, babalik po ako sa trabaho,” pakiusap niya rito, pinagdabugan lang siya nito saka siya pinagsarhan ng pintuan.

Tumigil sa pagtatrabaho ang binatang si Dan upang maipagpatuloy ang hilig sa pagkuha ng mga litrato sa kalsada. Labis mang nagalit ang ama niyang mahina na ang katawan sa desisyon niyang ito, nagbakasali pa rin siyang baka ito na ang sasagot sa paghihirap nilang mag-ama. 

Sa katunayan, wala talaga siyang plano bago siya umalis sa trabaho niyang iyon. Ang tanging nais niya lang, maipagpatuloy niya ang hilig niya sa larangan ng pagkuha ng litrato dahil doon siya masaya. 

Sa trabaho niya kasi bilang isang sekretarya ng kaniyang kaibigang may matagumpay ng negosyo sa Maynila, hindi siya makaramdam ng saya, pagod pa siya palagi sa trabaho. Kumikita nga siya ng pera, ngunit wala namang buhay ang kaniyang kalooban at palagi siyang nabubugnot araw-araw. 

Nang mabuo na niya ang desisyon niyang iyon, agad na siyang nakiusap sa kaibigan niya at laking tuwa niya nang agad siyang payagan nito. 

Simula noon, nagawa na niya ang gusto niya pero palagi naman silang nagkakasamaan ng loob ng kaniyang ama. 

Noong araw na ‘yon, nang pagbigyan ng ama, agad na siyang umalis upang kumuha ng huling bugkos ng mga litrato sa kalsada. 

Nakaagaw ng pansin niya ang isang ginoong naghahalukay ng basura sa kanto ng kanilang bahay. Kinuhanan niya ito ng litrato at nang humarap ito, nagulantang siya sa kakisigan nito. 

“Natulala ka sa kagwapuhan ko, ano? Sayang lang talaga, eh, ganito ang tadhana ko,” wika nito dahilan upang siya’y mapaisip. 

“Ayusan ko kaya ang mamang ito?” sambit niya sa sarili at nang makapagdedisyon na siya, agad niya itong niyaya sa malapit na pagupitan.

Inayusan niya ito gamit ang huling limang daang pisong mayroon siya sa bulsa. Pinagupitan niya ito, pinaahitan ng balbas, pinaliguan sa kanilang bahay kahit todo sermon ang kaniyang ama, binilhan niya ng damit sa ukay, nilagyan ng kaunting make-up at saka niya ito ginawang modelo para sa unang larawang gagawin niya sa loob ng kanilang bahay. 

At ganoon na lang ang tuwa niya nang makitang napakaganda ng litratong kaniyang nakuhanan. Agad niya itong binahagi sa social media niya kasama ng kwento kung paano niya nakilala ang mamang ito. 

Panandalian niyang binitawan ang kaniyang selpon at inasikaso ang pagkain ng mamang iyon at wala pang isang oras nang ito’y balikan niya, nag-umapaw ang mga nagkomento sa post niyang iyon. Mayroon ding mga direktor ang nais kumuha sa kaniya at sa mamang iyon dahilan upang ganoon na lang siya maluha sa biyayang iyon. 

Iyon na nga ang naging simula ng pagsikat niya pati ng mamang iyon. Naging isang ganap siyang photographer kagaya ng pangarap niya at bukod pa roon, nabigyan niya pa ng liwanag ang buhay ng mamang nagbabasura lamang noon. Doble na ang sinasahod niyang pera, masaya pa siya sa trabaho niya ngayon dahilan upang labis siyang magsumikap sa buhay.

Doon na siya todo-todong sinuportahan ng kaniyang ama. Sa katunayan, ito pa ang siyang naglilinis ng mga kamera niyang parami na nang parami. 

“Mabuti na lang talaga hindi ka nagpaapekto sa mga sermon ko, anak. Sobra mo akong pinahanga,” sambit nito na labis na ikinataba ng kaniyang puso. 

More Stories