Ayaw ng Binatang Ito sa Pangit na Kapareha sa Pageant, Napaibig Siya Matapos Nitong Maayusan

Ayaw ng Binatang Ito sa Pangit na Kapareha sa Pageant, Napaibig Siya Matapos Nitong Maayusan

InspiringLoveStories

“Ano, ‘yang pangit na ‘yan ang ipapareha niyo sa akin sa darating na pageant? Nasa tamang pag-iisip ba kayo, ha? Tingin niyo ba bagay kami?” inis na sambit ni Miguel sa kaniyang mga alagad, isang gabi nang ipakilala sa kaniya ng mga ito ang dalagang ipapareha sa kaniya sa nalalapit na pageant. 

“Wala kaming ibang mahanap, boss, eh. Siya lang talaga ang pumayag. Saka, sobrang talino n’yan, boss, siguradong mananalo kayong dalawa niyan,” kumpiyansadong sagot ng isa sa kaniyang mga alagad dahilan upang ganoon na lang siya mainis at ito’y mahagisan niya ng tsinelas sa mukha. 

“Pagandahan ‘yon, hindi patalinuhan! Kahit kailan talaga, tatanga-tanga kayo utusan!” bulyaw niya pa. 

“Eh, boss, wala talagang gustong sumali sa pageant na ‘yon, eh. Lahat sila natatakot sa question and answer. Kahit nga sinusuhulan na namin ng limang libong piso ang mga naggagandahang babae rito sa lugar natin, wala pa ring nakagat, eh. Pagtiisan mo na muna ‘yan, boss, baka mamaya, gumanda ‘yan kapag naayusan,” paliwanag nito dahilan upang siya’y mapailing-iling na lang. 

“Asa ka! Nakakainis ang mukha, o! Hindi ko alam kung kaya kong dumikit d’yan at hawakan ang bewang niyan! Mukhang hindi naliligo! Humanap ka pa ng iba!” utos niya pa sa mga ito saka pinaalis ang dalagang iyon kasama ang kaniyang mga alagad. 

Kilalang kontisero ang binatang si Miguel sa kanilang lugar. Bukod sa palagi siyang nag-uuwi ng mga parangal at korona sa bawat patimpalak na kaniyang sinasalihan, lalo siyang nakikilala ng mga tao dahil sa angkin niyang kakisigan at sa lakas ng dating niya sa mga babae. 

Ito ang dahilan upang sa tuwing sasali siya ng pageant, gustong-gusto niyang magkaroon ng kaparehang papantay sa kakisigang mayroon siya na para sa kaniyang mga alagad na kaibigan, isang napakaimposibleng trabaho sa tuwing siya’y may sasalihang patimpalak dahil bilang sa daliri ang mga dalagang nais na sumali sa patimpalak. 

Marami naman talagang naggagandahang dalaga sa kanilang lugar, matatangkad, balingkinitan ang mga katawan at mapuputi ngunit halos lahat ng mga ito, ayaw sumali sa patimpalak dahil sa tanong na kailangang sagutin sa dulo ng patimpalak. 

Ayaw kasi ng mga ito na mapahiya kahit na may kapalit ng pera. Kaya naman, ganoon na lang ang saya ng kaniyang mga alagad ng may isang babaeng kumagat sa kanilang alok, hindi man ito kagandahan, sobra naman nitong talino base sa mga nakakakilala rito na labis niya namang ikinainis dahil ito’y mukha niyang labandera. 

Ngunit, kahit anong paghahalughog ng kaniyang mga kaibigan sa kanilang lugar upang makakuha ng magandang dilag na makakasama niya sa pageant, wala pa rin silang nahanap. 

At dahil nga nalalapit na ang patimpalak at kailangan pa nilang maghanda at mag-ensayo, kahit na ayaw na ayaw niya sa dalagang ito, wala siyang nagawa kung hindi pagtiisan ito. 

Sa tuwing sila’y nag-eensayo, katakot-takot na sermon ang inaabot ng dalagang ito sa kaniya dahil hindi man lang ito marunong maglakad ng ayos. Naaalibadbaran pa siya sa pekeng ngiti nito na para bang batang tinakot lang na papaluin kapag hindi ngumiti. 

“Sigurado na ang pagkatalo ng babaeng ito, pero hindi dapat ako magpaapekto, hindi ko hahayaang dungisan ng pangit na ‘to ang pangalan ko,” wika niya habang pinagmamasdang mag-ensayo ang dalagang iyon. 

Ilang linggo pa ang lumipas, dumating na nga ang araw ng naturang patimpalak. 

“Ayusin mo, ha, malilintikan ka sa’kin,” sambit niya sa dalaga bago sila pumasok sa kani-kanilang dressing room. 

Maya-maya pa, nagsimula na nga ang naturang patimpalak at halos lumuwa ang mata niya nang makita ang dalagang kapareha niya. 

“Ikaw ba talaga ‘yan? Bakit parang ang ganda mo ngayon?” pagtataka niya habang sila’y naglalakad sa entablado. 

“Maganda naman talaga ako, hindi lang ako palayos dahil sa sobrang pagkasubsob ko sa pag-aaral,” sagot nito saka ngumiti sa madla na para bang ikinatunaw niya. 

“Ang ganda pala ng ngiti mo,” tangi niyang sambit bago sila muling maghiwalay upang magpalit ng damit. 

Lalo pa siyang napahanga nito nang sumagot na ito ng dire-diretsong ingles sa katanungang nakalaan dito sa patimpalak. Napapalakpak na lang siyang parang bata habang rumarampa sa entablado ang kaniyang kapareha. 

Sa huli, pareho nilang naiuwi ang korona at sa sobrang tuwa niya, nayakap niya ito. 

“Hindi ko alam bakit ako ganito, tingin ko, napaibig mo ako,” bulong niya sa sarili habang pinagmamasdang pagkaguluhan ng tao ang dalagang tinagurian niyang pangit. 

Simula noon, ang dating babaeng kinaaayawan niya, kaniya na niyang sinimulang suyuin. Hindi man niya alam kung siya’y may pag-asa rito, ginagawa niya ang lahat upang makuha ang puso nito.

More Stories