Sinermunan ng Dalaga ang Empleyadong Pangit ang Trabaho, Hindi Niya Inasahang Siya ang Mawawalan ng Trabaho

Sinermunan ng Dalaga ang Empleyadong Pangit ang Trabaho, Hindi Niya Inasahang Siya ang Mawawalan ng Trabaho

InspiringKarmaStories

“Hoy, Mariel, pababa na nang pababa ang estado ng trabaho mo ngayon, ha? Baka gusto mo na mawalan ng trabaho? Sabihin mo na agad dahil ayokong buong kumpanya ang apektuhan sa pangit na trabaho mo ngayong taon!” bulyaw ni Rowena sa isang empleyadong hawak niya, isang umaga nang magpasa na naman ito nang hilaw na dokumento sa kaniya at puro mali pa. 

“Pa-pasensiya na po,” nakatungong sambit nito saka kinuha mula sa kamay niya ang dokumentong ikinagagalit niya.

“Huwag mong sabihing hanggang ngayon, hindi ka makausad sa pagkawala ng asawa mo, ha? Sobrang arte mo na niyan! Tatlong buwan na siyang wala, hanggang ngayon, iyon pa rin ang ginagamit mong dahilan para maabsuwelto ka sa trabaho!” bulyaw niya pa rito dahilan upang mapaluha na ito. 

“Hindi naman po sa ganoon, ma’am, pasensiya na po,” wika nito sa gitna ng mga pigil na pagluha. 

“Kung hindi ganoon, ayusin mo ang trabaho mo! Dahil kung ganyan pa rin ang trabaho mo simula bukas, hindi na ako magdadalawang-isip na ipatanggal ka!” sigaw niya pa rito, umaalingawngaw na ang boses niya sa kanilang buong opisina at naagaw na niya ang atensyon ng iba pa niyang hawak na empleyado. 

“Opo,” tipid nitong sagot saka muling bumalik sa sariling lamesa. 

Nakatuon ang pansin ng dalagang si Rowena sa pag-unlad ng kanilang kumpanya at pagtaas ng kaniyang posisyon dito. Ginagawa niya ang lahat upang maging organisado ang hawak niyang departamento sa naturang kumpanya at maging maganda ang kalidad ng bawat dokumentong kanilang ipinapasa sa kanilang boss. 

Sa katunayan, hindi siya umuuwi hanggat may hindi tapos na dokumento ang kaniyang mga hawak na empleyado at kapag ito’y hilaw, kulang sa impormasyon at pangit ang pagkakagawa, agad na nag-iinit ang kaniyang ulo at siya’y walang sawang manenermon hanggang sa magawa ng mga ito ang dokumentong pasok sa kaniyang kalidad. 

Ngunit nitong mga nakaraang araw, laging nagpapainit ng dugo niya ang empleyadong nawalan ng asawa dahil sa isang aksidente.

 Noong mga unang araw, naiintindihan niya pa ito. Pinapalipas niya ang mga pangit na dokumentong pinapasa nito dahil ayon sa ibang hawak niyang trabaho, sa bisig daw nito nawala ng hininga ang asawa nitong naliligo na sa dugo at labas na ang utak. 

Pero ngayong halos tatlong buwan na ang nakalilipas simula nang mangyari ang aksidenteng iyon, hindi na niya maatim ang mga pangit na dokumentong patuloy na nagagawa nito dahilan upang ito’y lubha na niyang sermunan. 

Nang nakaupo na sa sariling lamesa ang empleyadong iyon, labis siyang nagulat nang mapansin niyang nakamasid mula sa pintuan ang kanilang boss at siya’y tinanong, “Anong problema rito? Abot ang ingay niyo sa opisina ko,” dahilan upang siya’y lumapit dito at ipaliwanag ang kaniyang hinaing. 

Ito ang dahilan upang ipatawag siya pati ang naturang empleyado sa opisina nito upang sila’y kausapin habang ang iba pang matataas na tao sa kumpanyang iyon ay kinausap ang ibang empleyadong nakarinig sa kaniyang pagsesermon dahil para sa kanila, hindi ito magandang paraan upang itama ang kamalian ng isang empleyado. 

Pangangatwiran niya, “Hindi na po tama ang inaasal niya, eh. Kung hindi po natin itutuwid ang mga ganitong klaseng empleyado na araw-araw nagpapasa ng pangit na trabaho, malamang po sa loob ng isang buwan, bagsak na ang ating kumpanya,” dahilan upang siya’y pakinggan ng kanilang boss at pansamantalang iwan upang kausapin ang iba pang matataas sa kanilang kumpanya. 

Kahit ganoon na ang sitwasyon, hindi siya nakaramdam ng kahit anong kaba. 

“Tingin ko, kailangan mo nang magpaalam sa iba mong katrabaho at magsimulang maghanap ng trabaho sa internet,” sambit niya habang pinagmamasdan ang ginang na patuloy pa rin sa pag-iyak at halatang kabadong mawalan ng trabaho. 

Ngunit tila nabaliktad ang sitwasyon nang bumalik ang kanilang boss at siya’y binigyan ng resignation form. 

“Mas mahalaga ang nararamdaman ng mga empleyado kaysa sa kalidad ng kanilang trabaho. Natutuwa kami na iniisip mo ang ating kumpanya sa bawat trabaho mo, pero hindi magandang makilala ang kumpanya natin bilang isang kumpanyang nang-gigipit ng empleyado kahit sila’y may mabigat na pinagdadaanan. Pasensiya ka na, marami na ring nagreklamo sa’yo at hindi lang siya ang nasigaw-sigawan mo sa oras ng trabaho,” sambit nito na ikinaguho ng mundo niya, “At ikaw naman, muli ka naming pagpapahingahin upang maibalik ang kalidad ng trabaho mo, magpahinga ka maigi,” wika pa nito sa ginang na nasa tapat niya dahilan upang siya na ngayon ang mapaiyak. 

Doon niya napagtantong sa sobrang kagustuhan niyang umangat ang kaniyang posisyon, nakalimutan niyang alagaan ang mga empleyadong nagbibigay sa kaniya ng kapangyarihan sa kanilang trabaho na labis niyang pinagsisihan. 

Wala man siyang magawa sa sitwasyong ito, nasaktan man siya at naligaw ng landas, siya’y muling naghanap ng pagkakakitaan at nangakong magiging maayos na empleyado at katrabaho. 

More Stories