“Alam mo ba talaga ang gagawin mo, anak? Marunong ka ba talaga noon?” pangangamba ni Aling Dolores sa anak niya, isang hapon habang naghahanap ng mga gamit pang-ayos ng kanilang kuntador ang kaniyang anak.
“Nanay, naman, walang bilib sa anak niya. Ano ba ang hindi ko kayang gawin? Marunong akong magluto, maglinis, mag-ayos ng mga gamit, lahat na! Iyong simpleng metro ng kuryente, tingin niyo, hindi ko kaya?” inis na sagot ni Glenbert sa kaniyang ina nang maramdaman niyang tila wala itong tiwala sa kakayahan niya.
“Nag-aalala lang naman ako, anak, hindi biro ang humawak ng kuryente. Mabuti ba kung isa ka talagang electrician!” sermon nito sa kaniya dahilan upang mapailing na lang siya at maglakad patungo sa labas ng kanilang bahay kung saan nakapwesto ang metro ng kanilang kuryente.
“Ano, gagastos ka pa para magpagawa sa electrician kahit kaya ko namang gawin? Tatanggalin ko lang naman ‘tong wire na nakakabit sa atin, nanay,” sagot niya pa sa ina nang makitang may nakatagong wire na nakakabit dito na lalo niyang ikinainis, “Perwisyo kasi ‘tong mga jumper na ‘to, eh! Mga magnanakaw!” sigaw niya sa kanilang mga kapitbahay na ikinataranta ng kaniyang ina.
“Pumasok ka na roon sa loob ng bahay, tatawag na lang ako ng gagawa niyan, baka makuryente at mapaaway ka pa!” bulyaw nito sa kaniya saka siya tinulak papasok ng kanilang bahay at agad na naglakad palabas.
“Ang kulit naman ni nanay, eh! Sayang lang ang pera mo!” sigaw niya bunsod ng pagkainis.
Tiwalang-tiwala ang binatang si Glenbert sa kaniyang mga kakayahan. Natutuwa siyang halos lahat ng bagay, alam niya kung paano gawin. Madali rin kasi siyang matuto dahilan upang ganoon niya na lang pakialaman lahat ng bagay-bagay sa kanilang bahay at sa kaniyang trabaho.
Sa katunayan, halos araw-araw, siya na ang nagluluto ng pagkain nilang mag-ina. Bukod kasi sa ayaw niya nang mapagod ang kaniyang ina, gusto niya pang mag-eksperimento ng mga pagkain. Paminsa’y masarap ang kinalalabasan nito, ngunit madalas, palpak ito dahilan upang magalit ang kaniyang ina dahil tila siya’y nagsasayang lang ng pagkain.
May pagkakataon pa ngang pinakialaman niyang gawin ang sirang printer sa kanilang opisina na lalong nasira nang maputol niya ang isang wire loob nito.
Sa kabila ng mga kapalpakan niyang ito, hindi pa rin siya natigil sa pakikialam sa mga bagay-bagay sa paligid niya. Pangangatwiran niya, “Kung hindi ko tutulungang matuto ang sarili ko, hindi lalago ang kakayahan ko,” dahilan upang hayaan na lang siya ng kaniyang ina na gumalaw sa kanilang bahay kahit na madalas, nag-aaksaya lang siya ng kanilang pera.
Noong araw na ‘yon, bago siya pumasok sa trabaho, nagulat na lang sila ng kaniyang ina nang bigla na lang silang mawalan ng kuryente at nang tignan niya ito, tama nga ang duda niya noon pa man, mayroon nang nagnanakaw ng kanilang kuryente dahilan upang labis ang taas ng kanilang binabayaran.
Pagkaalis ng kaniyang ina, tinuloy niya pa rin ang pagputol sa kuryenteng nakakabit sa kanilang metro dahil sa labis niyang pagkainis.
Ngunit nawala sa isip niyang ibaba ang kuntador nila sa loob ng bahay. Kaya naman, nang muli silang magkakuryente, lumiyab ang metrong nasa harapan niya at nagsikislapan ang mga appliances nilang nakasaksak pa sa saksakan. Labis siyang nagulat at kinabahan sa pangyayaring ito dahilan upang mahulog siya sa hagdanang tinutuntungan at siya’y mauntog sa semento.
Ang huli niyang narinig bago sumara ang kaniyang mga mata ay ang sigaw ng kaniyang ina habang humihingi ng tulong sa kanilang mga kapitbahay.
Nagising na lamang siyang nasa ospital na. Ang ina niya’y nasa gilid niya, nakatungo habang hawak-hawak ang kaniyang kamay. Tatayo palang sana siya nang makaramdam siya ng kirot sa kaniyang ulo dahilan upang muli siyang mapahiga.
“Pumutok ang ulo mo nang mahulog ka sa hagdan. Ilang tahi ang ginawa sa’yo kaya kailangan mong magpahinga, anak,” sabi nito dahilan upang siya’y mapabuntong hininga, “Sa susunod, makinig ka sa’kin, ha? Walang masama sa kagustuhan mong matutunan ang mga bagay sa paligid mo, pero hindi tamang isugal ang buhay para lang may mapatunayan mong kaya mo ang lahat ng bagay. Diyos lang ang may ganoong kakayanan, tayo, bilang tao, limitado lang ang ating kayang gawin,” pangaral nito sa kaniya kaya ganoon na lang siya nakaramdam ng pangongonsensya sa ginawang katigasan ng ulo dahil alam niyang mas malaki ang ginastos ng kaniyang ina sa pagpapagamot sa kaniya kaysa sa nahanap nitong electrician.
Simula noon, binawasan na niya ang kaniyang pagiging pakialamero. Kapag alam niyang hindi niya kaya at siya’y mapapahamak, pinapaubaya niya na ito sa mga bihasa na labis namang ikinatutuwa ng kaniyang ina.