Lahat ay Nagsasabi sa Lalaking Pakawalan na Niya ang Kaniyang Asawa; Ito Pala ang Dahilan ng Kanilang Payo

“Pare, pupwede ka ba mamaya? Sumama ka naman sa amin na magdiwang! Isang taon na ang nakalipas simula nang hindi ka na sumasama sa amin. Miss na miss ka na namin, alam mo ba ‘yon?” makulit na sambit ni Kiko sa kaniyang kaibigan, isang umaga nang sapilitan niya itong kausapin sa harap ng bahay nito.

“Para namang tunay! Ang sayasaya niyo nga sa mga larawan niyo sa social media kahit wala ako, eh,” nguso ni Owen dahilan upang mapatawa ang kaniyang kaibigan.

“Siyempre, kailangan naming maging masaya sa litrato para mainggit ka!” biro nito saka sila nagtawanan, “Ano, sama ka na? D’yan lang naman tayo ngayon sa bahay namin, inuman lang at kwentuhan. Oras na siguro para lumabas ka na sa lungga mo!” yaya pa nito sa kaniya dahilan upang siya’y mapakamot. 

“Hindi ko pa sigurado, pare, papaalam muna ako kay misis,” tugon niya dahilan upang siya’y tignan sa mata ng kaniyang kaibigan at siya’y hawakan sa magkabilang balikat.

“Pa-pare, naman, alam mo namang…” hindi na niya pinatapos ang sasabihin nito at agad na siyang kumawala sa pagkakahawak nito at pumasok sa kaniyang bahay habang nakaawang lang ang mukha sa pintuan upang makausap pa ang kaibigan.

“Naku, kung sasabihin mo lang kung anong sasabihin nila, pupwede ka nang umalis. Sige na, pare, tinatawag na ako ni misis, mukhang nagugutom na siya,” sambit niya saka tuluyan nang sinarhan ang naturang pintuan.

Nang marinig niyang pumalayo na ang yabag ng kaniyang kaibigan, ngumiti na siyang muli saka pinuntahan ang asawang masayang hinihimas ang pinagbubuntis na bata.

Nag-uumapaw ang saya ni Owen simula nang mapakasalan niya ang minamahal niyang kababata. Simula pa lang kasi nang siya’y magbinata, wala nang ibang babae ang nakapagpatibok ng puso niya bukod dito.

Advertisement

Marami pang babae ang nagkakahumayaw sa kaniya dahil sa kaniyang kagwapuhan, lalo pa noong siya’y nasa kolehiyo pa lamang, sa dalagang ito lang nakatuon ang kaniyang atensyon.

Kaya naman, nang ito’y kaniyang maging nobya at maging asawa hindi kalaunan, ganoon na lang ang iyak niya nang pasasalamat sa Diyos. Taimtim na dasal niya pa noon, “Salamat dahil tinuruan mo akong maghintay para sa prinsesa ng buhay ko.”

At nang magdalang tao ang asawa niya, isang taon pagkatapos silang ikasal, dobleng saya pa ang kaniyang naramdaman. Sa katunayan, nang malaman nilang dalawa na sila’y may hihintayin ng anak, agad silang nagplano para sa kanilang hinaharap.

Ngunit dahil dito, bahagyang nalayo ang kaniyang loob at oras sa kaniyang mga kaibigan na pawang wala pang mga asawa. Madalas man niyang tanggihan ang mga ito, natutuwa siyang nirerespeto ng mga ito ang kaniyang mga desisyon.

Kaya lang nitong mga nakaraang araw, labis siyang nagtataka dahil halos lahat ng kaniyang kaibigan, pare-pareho ang mga sinasabi, “Pakawalan mo na siya, pare.”

Ito ang dahilan upang pagkaalis ng kaniyang kaibigan, agad niya itong ipaalam sa kaniyang asawang tahimik na naghihintay sa sala.

“Isang taon na kasi, mahal, simula nang mawala kami ni baby sa’yo dahil sa isang aksidente, hindi ba? Oras na nga siguro para pakawalan mo kami. Patawarin mo na rin ang sarili mo, wala kang kasalanan, ginawa mo ang lahat para mailigtas kami. Lagi mong tandaan, mahal na mahal ka namin,” nakangiting sambit ng kaniyang asawa saka tuluyan nawala ang imahe nito sa harapan niya.

Natulala lang siya habang pinapatakbo sa isip ang mga katagang sinabi ng asawa. Nilibot niya ang kaniyang mata sa kanilang bahay at doon niya natagpuan ang abo ng kaniyang mag-ina dahilan upang ganoon na naman siya mapaupo sa sahig at humagulgol katulad ng ginagawa niya halos araw-araw.

Advertisement

Nagulat na lang siya nang may mga yabag ng paa na papalapit sa kaniya. Siya’y tumingala at nakita niyang andoon ang kaniyang mga kaibigan at siya’y sabay-sabay na niyakap.

“Alam naming iiyak ka, eh, kaya ito, rito na lang tayo mag-inom. Sigurado namang papayagan ka na ng asawa mo ngayon dahil gusto niyang maging masaya ka na. Nalulungkot din ‘yon kapag naiyak ka,” sambit ni Kiko sa kaniya habang nagpipigil ng luha dahilan upang siya’y mapaiyak lalo.

Simula noon, araw-araw na siyang sinasamahan sa bahay ng iyon ng kaniyang mga kaibigan. Ito ang dahilan upang unti-unti siyang makaramdam ng saya at tuluyang isuko sa Diyos ang kaniyang mag-ina.

“Isang taon din akong naghinagpis, oras na talaga para maging masaya kami muli ng asawa ko. Ako sa piling ng mga mahal ko sa buhay dito sa mundong ibabaw, sila ng anak namin, sa piling ng Poong Maykapal,” nakangiti niyang sabi saka niya binitawan ang biniling puting lobo na sumisimbolo sa pagpapalaya niya sa mag-ina.