
Ikinatuwa ng Bata ang Regalong Ibinigay sa Kaniya ng Matalik na Kaibigan; Mas Matutuwa Pala Ito sa Regalong Ibibigay Niya
Bagong lipat sa Barangay Pinagkaisa ang pamilya ni Sammy. Simpleng empleyado sa gobyerno ang kaniyang ama na si Mang Julio at isang mabait na maybahay naman ang inang si Aling Ofelia. Wala na siyang mahihiling dahil nagkaroon siya ng mabubuti at mapagmahal na mga magulang.
Sa bagong lugar kung saan sila naninirahan ay walang ibang kalaro si Sammy. Dahil bagong salta ay pinangingilagan siya ng mga bata roon. ‘Di naman niya masisisi ang mga ito, nagmula ang pamilya nila sa liblib na probinsya kung saan malayo sa kabihasnan. Sa tingin niya ay hindi sanay ang mga ito na makipagkaibigan sa mga kagaya niya ngunit isang bata ang nagtangkang kausapin siya.
“Uy, bata! Bago ka rito ‘no?” tanong ng isang batang nakaupo sa gilid ng kalsada.
“O-oo. Bagong lipat lang kami sa bahay na ‘yan.” Sabay turo sa bahay nila. “Ikaw? Matagal ka na ba rito?” balik niyang tanong.
“Medyo. Ano’ng pangalan mo?”
“A-ako si Sammy. Ikaw? Ano ang pangalan mo?”
“Ako si Rap Rap,” sagot ng bata.
“Saan ka nakatira?” muli niyang tanong.
“Sa Earth, hindi joke lang. Dito ako nakatira,” natatawang tugon ng bata.
Biglang natawa rin si Sammy sa sinabi ng kausap. May pagka-pilosopo pala ito. Kaya naging interesado siya rito at gusto niya pa itong lubos na makilala.
“Dito ka nakatira? Saan?”
“Dito, sa kalsada, dito ako nakatira. Natutulog ako sa tabi ng kalsada, naglalatag lang ako ng karton at ayos na ang buto-buto. Kapag umuulan naman ay sumisilong lang ako roon sa maliit na siwang sa may bakanteng lote o sa lumang jeep ni Mang Tonyo. Nasanay na ako sa ganitong buhay, mula kasi nang m*matay ang nanay at tatay ko ay mag-isa na ako. Wala namang gustong kumupkop sa akin kaya mas pinili ko na lang na magpagala-gala at tumira rito sa kalsada. ‘Di ba, ang laki ng bahay ko? Ako ang may pinakamalaking bahay sa lahat ng bata rito,” sagot ni Rap Rap.
Hindi niya napigilang matawa kay Rap Rap ngunit nakaramdam siya ng awa sa kalagayan nito. Sa tantiya niya ay mas bata pa ito kaysa sa kaniya ngunit nakakaya na nitong mabuhay na mag-isa.
“Paano ka nabubuhay dito? Paano ka kumakain?” tanong niya.
“Mababait naman ang mga kapitbahay natin dito, eh. Palagi nila akong binibigyan ng pagkain. Minsan kapag wala talaga, namumulot ako ng mga basura para ibenta sa junkshop. Kumikita ako ng mga barya na kahit paano ay naipambibili ako ng makakain,” anito.
“Ang galing mo naman! Kayang-kaya mo nang mabuhay na mag-isa,” buong paghangang sabi ni Sammy kay Rap Rap.
“Ako pa, eh ako nga si Superman, Superman sa kalsada. Ang astig ko ‘di ba?” natatawang tugon ng kausap.
Naging matalik na magkaibigan sina Sammy at Rap Rap. Palagi silang magkasamang naglalaro sa kalsada. Ipinakilala rin siya nito sa iba pang bata na naging malapit din niyang kaibigan. Masayang kausap si Rap Rap, palabiro ito at palakuwento kaya walang oras at panahon na hindi siya naiinip kapag sila ang magkasama. Isinasama rin niya ang kaibigan sa kanilang bahay para roon maglaro. Natutuwa rin ang mga magulang niya kay Rap Rap, bukod sa mabait at masipag itong bata ay napakaraming alam kahit hindi ito nakapag-aral. Sa bahay na rin nila ito kumakain at naliligo. Minsan ay nakikitulog pa sa kanila. Isang araw ay nagulat si Sammy nang sumapit ang kaniyang kaarawan dahil sa regalong ibinigay sa kaniya ng kaibigan.
“Ang ganda namang robot nito!” mangha niyang sabi.
“Regalo ko ‘yan sa birthday mo, Sammy. Pasensiya ka na ha, hindi ko kasi kayang bumili ng mamahaling laruan, eh, nabili ko lang ‘yan sa palengke. Isang linggo kong inipon ang ipinambili ko niyan. Araw-araw akong nangalakal ng basura dahil gusto kong bigyan ka ng regalo sa birthday mo,” tugon ng kaibigan.
Tuwang-tuwa si Sammy sa laruang ibinigay sa kaniya ni Rap Rap. Hindi naman siya umasa na bibigyan siya nito ng kung anuman sa kaarawan niya pero nakagawa pa rin ito ng paraan para mabigyan siya ng regalo. Imbes na ipambili nito ng pagkain o damit ang kinita nito sa pangangalakal ng basura ay ipinambili pa nito ng laruan para sa kaniya.
“Sa susunod na linggo na rin pala ang birhtday mo ‘di ba, Rap Rap? Sinabi mo sa akin ang petsa at araw ng birthday mo at parehong buwan ng Marso ang birth month natin. Dahil binigyan mo ako ng regalo, ay ikaw naman ang tatanungin ko kung anong regalo ang gusto mong ibigay ko sa iyo?” tanong niya sa kaibigan.
Matagal na nag-isip ang bata hanggang sa…
“Wala akong maisip, eh. Kahit ano na lang, Sammy. Kahit anong manggagaling sa iyo ay tatanggapin ko dahil ikaw ang best friend ko,” sagot nito sa kaniya.
Napangiti siya sa sinabi ng kaibigan. Kahit tinanong na niya kung ano ang gusto nitong regalo ay wala itong isinagot na eksaktong bagay na gusto nitong matanggap sa kaniya, kaya sinisiguro niyang ikatutuwa nito ang regalong ibibigay niya.
Nang sumapit ang kaarawan ni Rap Rap ay nakahanda na ang kaniyang sorpresa para sa kaibigan.
“Happy birthday, Rap Rap!” sabay-sabay na bati ni Sammy kasama sina Mang Julio at Aling Ofelia.
Habang hawak-hawak ang isang malaking cake.
“Wow, ang laking cake! Maraming salamat po, tito, tita at sa iyo, Sammy!” sagot ni Rap Rap na nanlalaki pa ang mga mata sa sobrang tuwa.
“Bago mo hipan ang mga kandila sa cake ay nais kong ibigay sa iyo ang regalo ko, Rap Rap,” wika ni Sammy.
“Anong regalo mo sa akin?” tanong nito.
“Ang regalo ko sa iyo, este regalo pala namin sa iyo, simula ngayon ay sa bahay ka namin titira. Ituring mo na ring tatay at nanay ang aking mga magulang. Simula ngayong araw ay kapatid na kita, Rap Rap,” bunyag niya sa kaibigan.
“A-anong ibig mong sabihin?” naguguluhang tanong ng kaibigan.
“Simula ngayon ay mayroon ka na ulit pamilya na magmamahal at mag-aaruga sa iyo, Rap Rap. Anak ka na rin namin at kapatid mo na itong si Sammy,” nakangiting tugon ni Mang Julio.
“May bunso na akong anak. Dalawa na ang anak namin ng tatay niyo,” masayang sabi naman ni Aling Ofelia.
Umagos ang luha sa mga mata ni Rap Rap dahil sa sobrang kaligayahan. ‘Di niya inasahan na sa kaniyang kaarawan ay matatanggap niya ang pinakaespesyal na regalo mula sa kaibigang si Sammy at iyon ay ang pagkakaroon ng bagong pamilya. Hiniling ni Sammy sa mga magulang na kupkupin nila si Rap Rap at dahil sa mabuti itong bata ay pumayag sina Mang Julio at Aling Ofelia na ampunin ang bata at ituring na para nilang tunay na anak.
Naging mas masaya ang kanilang pamilya dahil sa pagdating ng masiyahin at mabait na batang si Rap Rap na nagdagdag buhay at kulay sa kanilang munting tahanan.