Hindi Niya Pinaniwalaan ang Pinsan sa Sinabi Nito Tungkol sa Kaniyang Nobyo; Isa pang Mahal Niya sa Buhay ang Napahamak

Ngiting ngiti si Carol habang nagluluto. Iyon kasi ang unang beses na ipakikilala niya si Ronnie, ang kaniyang kasintahan ng mahigit isang taon, sa mga kasama niya sa bahay.

Tatlo silang magkakasama sa bahay. Siya, ang nakababatang kapatid niya na si Cath, at ang pinsan niyang si Sydney.

Halos limang taon na rin ang lumipas simula nang masawi ang mga magulang nila mula sa isang aksidente.

At dahil siya ang pinakamatanda, siya na ang tumayong magulang sa nakababatang kapatid at pinsan kaya naman malapit talaga ang loob nilang tatlo sa isa’t isa.

“Ate, excited na ako! Humanda ‘yang boyfriend mo at talagang kikilatisin ko siya!” biro ng pinsan niya habang abala ito sa paghahanda ng hapag.

“Oo nga, Ate Carol! Istrikta kami rito, hindi kayo pwedeng magharutan dito sa bahay ha!” nakangising dagdag pa ng kapatid niya. 

“Oo na po, mga ate!” biro niya pabalik sa mga nakababata.

Masaya silang nagtawanan.

Advertisement

Handang handa na ang lahat nang marinig nilang may kumatok sa pinto.

“Ayan na siya!” halos magkapanabay na tili ni Cath at Sydney.

Natatawang binuksan niya ang pinto. Awtomatiko siyang napangiti nang makita ang kasintahan na gwapong gwapo sa suot nitong itim na polo.

Halos mapunit ang labi niya nang makita ang dala nitong tatlong bungkos ng rosas.

Kilig na kilig ang kaniyang kapatid at pinsan nang iabot ng nobyo sa mga ito ang mga bulaklak.

“Naku, 100 points na kaagad, para kay Kuya Pogi!” humahagikhik na biro ni Sydney.

Natatawang ipinakilala niya ang dalawa sa kasintahan.

“Ronnie, si Sydney, ang pinsan ko, at si Cath, ang kapatid ko,” wika niya.

Advertisement

“Nice to meet you, ladies,” swabeng tugon ni Ronnie na may kasama pang kindat.

Dahil likas na magaling makisama ang kasintahan ay kitang kita ni Carol na agad nitong nahuli ang kiliti ng kaniyang mga dalawang kasama sa bahay.

Sa buong pagsasalo nila ng hapunan ay puro biro at tawanan ang pinagsaluhan nilang apat.

Minasdan ni Carol ang pinsan at kapatid. Nagniningning ang mata ng dalawa at halatang halata ang paghanga ng dalawa sa kaniyang kasintahan.

Nang matapos silang kumain ay hinigit siya ng dalawa sa kusina.

“Ate! Approve na approve sa akin ang jowa mo! Saan ba makakakuha ng ganun kagwapo at kabait?” ngiting nigiting tanong ng kaniyang kapatid.

“Oo nga, ate! Ituro mo sa amin ni Cath kung ayaw mong agawin namin siya!” biro naman ni Sydney.

“Luka luka talaga kayong dalawa! ‘Wag kayong masyadong magmadali sigurado akong darating din ang mga nakatadhana sa inyo!” payo niya sa dalawa.

Advertisement

Napaka-perpekto ang gabing iyon dahil talaga namang nakapag-bonding silang apat at alam niyang bago pa matapos ang gabing iyon ay kuhang kuha na ng kaniyang kasintahan ang loob ng dalawang taong itinuturing niyang pamilya.

Pauwi na sana si Ronnie nang biglang bumuhos ang ulan.

“Dito ka na lang kaya magpalipas ng gabi? Nakakatakot mag-drive ng gabi at umuulan,” nag-aalalang suhestiyon niya sa kasintahan.

Noong una ay ayaw pa nito dahil nahihiya ito subalit nakumbinsi niya rin ang lalaki. 

“Goodnight, babe.” Hinalikan niya ang lalaki sa pisngi bago ito iniwan sa sala upang pumasok sa kaniyang silid.

Napabalikwas ng bangon si Carol nang makarinig siya ng isang matinis na sigaw. Agad siyang naalarma nang mapagtantong boses iyon ng pinsan na si Sydney.

Humahangos na lumabas siya sa silid. Naabutan niyang gising si Sydney, na umiiyak habang matalim ang tingin sa kaniyang nobyo.

Si Cath naman ay pupungas pungas na kalalabas lang mula sa silid nito.

Advertisement

“Anong nangyayari dito?” takang takang tanong niya.

Umiiyak na lumapit sa kaniya ang pinsan.

“Ate Carol! Pinagtangkaan akong gapangin ni Kuya Ronnie!” sumbong nito. Ramdam na ramdam niya ang panginginig ng kamay ng pinsan.

“Ano? A-anong sinasabi niya, Ronnie?” kinakabahang usisa niya sa nobyo.

Imposible! Imposible ang sinasabi ng pinsan. Sa lahat ng naging nobyo niya ay si Ronnie ang pinakamabait. Hinding hindi nito magagawa ang ipinaparatang ni Sydney.

“B-babe. H-hindi ko alam. Bigla na lang akong nagising dahil nagsisisigaw si Sydney,” sagot ng kaniyang nobyo. Sa mukha nito ay kitang kita ang pagkalito.

“Sinungaling ka! Sinabi mo pa sa akin na ‘wag na ako magpakipot at hindi mo ipapaalam kay Ate Carol!” umiiyak na sigaw ni Sydney.

Sa isip naman ni Carol ay isang konklusyon na ang nabuo. Naalala niya ang pahayag ng pinsan tungkol sa kaniyang nobyo.

Advertisement

“Oo nga, ate! Ituro mo sa amin ni Cath kung ayaw mong agawin namin siya!”

Marahil ay gusto lamang nitong agawin sa kaniya ang kasintahan.

Isang nang-aakusang tingin ang ibinato niya sa pinsan.

“Sydney, hindi ito magandang biro. Magsabi ka ng totoo. Hindi magagawa ni Kuya Ronnie mo ang ibinibintang mo,” pigil ang galit na kompronta niya sa pinsan.

Lalo namang napahagulhol si Sydney. Tila nasaktan ito na mas pinili niyang paniwalaan ang kasintahan.

“Ate! Gumising ka! Masama siyang tao! ‘Wag kang magtanga tangahan!”

Isang malakas na sampal ang pinadapo niya sa pisngi ng pinsan.

“Ate!” gulat na sigaw ni Cath. Marahil ay hindi nito inaasahan na magagawa niya iyon sa kanilang pinsan.

Advertisement

Ngunit nabulag na siya ng galit. Hindi niya inakala na tatraydurin siya ng pinsan dahil lamang sa isang lalaki.

“Lumayas ka rito! Wala kang utang na loob! Ito ang gagawin mo sa akin matapos kitang alagaan na parang tunay kong kapatid!” galit na sigaw niya sa pinsan.

Natigagal ito. Hindi inaasahan ang lumabas sa kaniyang bibig. Ngunit agad ding napalitan ng galit at hinanakit ang ekspresyon nito.

“Magsisisi ka na pinili mo siya kesa ang matagal na panahong pinagsamahan natin, Ate Carol,” umiiyak pa rin na wika nito bago umalis bitbit ang isang malaking bag.

Niyakap nito si Cath na walang patid ang pagtulo ng luha bago walang lingon likod na umalis ito ng bahay.

Balot ng lungkot ang bahay nila nang mga sumunod na araw. Napagtanto kasi niya na nagpadalos dalos siya sa mga sinabi sa pinsan. Dapat ay kinausap niya ito nang maayos at inunawa niya ito.

Mabuti na lamang at may komunikasyon ito at ang kaniyang kapatid kaya alam niya na nasa mabuti itong kalagayan.

Madalas nang nasa bahay nila si Ronnie. Ngunit napansin niya na hindi na komportable si Cath dito. Nahinuha niya na dahil iyon sa nangyari kay Sydney.

Advertisement

Kaya naman ninais niya na gumawa ng paraan upang magkaayos ang dalawa.

Isang gabi matapos silang kumain ay nagpaalam siya sa dalawa na lalabas siya upang bumili ng ice cream.

“Ate! Ako na lang ang bibili!” tila nagpa-panic na sagot ni Cath.

Umiling siya sa kapatid.

“Ako na. Mag-bonding na muna kayo ni Kuya Ronnie mo,” wika niya bago nagmamadaling lumabas ng bahay.

Hindi niya na nakita ang mata ng kapatid na tila humihingi ng saklolo.

Kasalukuyang naglalakad papunta sa tindahan si Carol nang bumuhos ang malakas na ulan. Naisip niya na mas mabilis na bumalik na lang sa bahay kaysa dumiretso sa tindahan kaya naman tinakbo niya ang distansya pauwi.

Kabubukas pa lamang niya ng pinto ay naririnig niya ang iyak ng kapatid.

Advertisement

“Kuya Ronnie! Maawa ka, ‘wag mong gawin ito sa akin! Ayoko!” nagmamakaawang sigaw nito.

“‘Wag kang maingay! Kagaya ka lang ng pinsan mong si Sydney! Pakipot!” marahas na sagot naman ng lalaki. Ibang iba ito sa Ronnie na kilala niya.

Napatakip na lamang siya sa bibig sa sobrang pagkabigla.

Tumambad sa kaniya si Cath  na pwersahang inihiga ni Ronnie sa sahig. Ang kaniyang dem*nyong nobyo ay nakapatong sa ibabaw ng kapatid niya na walang kalaban laban!

Nagdidilim ang mata na sinugod niya ang lalaki. “Demonyo! Demonyo ka!” sigaw niya habang pinaghahahampas ito ng walis.

Bago pa sila makatawag ng pulis ay nakatakas na ito.

Nabaling ang atensiyon niya sa kapatid na yakap yakap ang sarili nito.

Umiiyak na niyakap niya ang kapatid.

Advertisement

“Sorry, Cath! Sorry!” sising sisi niyang wika sa kapatid. Hindi siya makapaniwala na muntik na itong mapahamak dahil sa kaniya.

Mas lalo siyang binalot ng pagsisisi nang malaman niya na ilang beses na pala nitong napapansin na mahilig mang-tsansing ang lalaki. Natakot lamang daw ito magsumbong dahil baka magalit siya rito gaya ng nangyari kay Sydney.

Halos maglumuhod siya sa pinsan mapatawad lamang nito. Laking pasasalamat niya dahil hindi naman pala ito nagtanim ng sama ng loob. Agad silang nagkaayos nang aminin niya na nagkamali siya.

Pumayag din ito na muling manirahan sa bahay nila.

Muling bumalik ang samahan nilang tatlo. Sumumpa siya na hindi niya na muli pang ipagpapalit ang kaligtasan ng pamilya sa kahit na anong bagay sa mundo.