Walang Malasakit sa Pasyente ang Doktor na Ito; Trahedya ang Sinapit Nito sa Doktor na Katulad Nito ang Pag-uugali

“Dok, nagtatanong po ‘yung nanay ng pasyente nating bata kanina kung pwede na raw po bang ma-discharge ‘yung bata?”

Mula sa pagkakaidlip ay nabulabog si Dr. Edison Santos sa malakas na boses ng nurse na nakadungaw sa pinto ng kaniyang opisina.

“Sige, sige palabasin mo na. Simpleng sakit ng tiyan lang naman ‘yun, pinainom ko na ng gamot,” balewalang sagot niya rito.

Nang mapansin niyang hindi umalis ang nurse ay nakaramdam siya ng iritasyon.

“Ano pang tinatayo tayo mo riyan?” inis na tanong niya sa nurse.

“H-hindi niyo po susuriin muna ‘yung bata, Dok? Baka po kasi may mas seryoso pa siyang sakit,” nag-aalangang tanong nito.

Pinukol niya ito ng matalim na tingin.

“Sa tingin mo ba ay mas magaling ka sa akin? Kung gusto mo palang mag-doktor eh bakit ka nag-nurse bago mag gagaling galingan ka?” asar na sita niya rito.

Advertisement

Napapahiyang napayuko ito bago nagpaalam. Siya naman ay itinuloy ang naudlot niyang pag-idlip.

Kinabukasan ay sinalubong siya ng isang nagwawalang lalaki.

Nang makita siya nito ay kinuwelyuhan siya ng lalaki. Nalaglag niya ang hawak na gamit sa sobrang gulat.

“Wala kang karapatan maging doktor! Dahil sa kawalan mo ng pakialam ay maagang nawala sa akin ang anak ko!” umiiyak na wika ng lalaki habang galit na yinuyugyog siya.

Mabuti na lamang ay mabilis na nakalapit ang mga guwardiya at napigilan ng mga ito ang lalaki.

“Ano hong sinasabi niyo? Ano ho bang nangyari sa anak niyo, at bakit ako ang sinisisi niyo?” takang tanong niya sa lalaking pilit nagpupumiglas mula sa kapit ng mga guwardiya.

Noon niya napag-alaman na ito pala ang ama ng pasyente niya kahapon. Hindi pala simpleng sakit ng tiyan ang sakit nito. Pumutok daw ang appendix ng bata at hindi naagapan, dahilan upang pumanaw ito.

“Nangyayari ho talaga ang mga ganitong bagay, Sir. Doktor ho ako, at hindi Diyos kaya hindi ako perpekto. Nakikiramay ho ako sa pagkawala ng anak niyo,” walang pagsisising sagot niya sa lalaki.

Advertisement

“Walanghiya kang doktor ka! Sana ay hindi mo maranasan ang sakit na mawalan ng anak…”

Hindi niya na pinansin ang iba pang sinabi ng lalaki at dire diretso siyang naglakad patungo sa kaniyang opisina.

Wala siya ni katiting na usig ng konsensiyang naramdaman. Alam niya kasi na ginawa niya ang lunas na sa tingin niya ay tama. Minalas lamang ang bata.

Sampung taon na siyang doktor at hindi niya babaguhin ang sa tingin niya ay hindi naman mali.

Lunes. Iyon ang nag-iisang araw na wala siyang pasok kaya naman may oras siya upang ihatid sundo ang kaniyang anak sa eskwelahan.

“Daddy, bili po tayo ng laruan!” ungot ng kaniyang anak na nakaupo sa likurang bahagi ng sasakyan.

“Oo naman, anak. Gusto mo sampung laruan pa, eh!” biro niya sa anak.

Napapalakpak naman ito sa sobrang tuwa. Naghahanap siya ng isang lugar kung saan maaring ihinto ang sasakyan nang isang malakas na pwersa ang bumangga sa likuran nila. 

Advertisement

Nang makabawi siya ay takot na nilingon niya ang anak upang makita ang lagay nito.

Nag-aalalang bumaba siya ng sasakyan nang makitang nakahawak ang bata sa ulo nito. 

“Anak, ayos ka lang ba?”

“Ok lang po Daddy, pero nauntog po ako,” reklamo ng bata.

Ininspeksyon niya ang katawan nito at nakahinga siya nang maluwag nang makitang wala itong tinamong sugat sa katawan.

Saglit lang siyang nakipag-usap sa nakabangga at agad niyang dinala ang anak sa ospital.

Ilang tanong lamang ang tinanong ng doktor sa kaniya.

“Nagsuka ba ang bata?”

Advertisement

“Hindi, Dok.”

“May sugat ba?”

“Wala, Dok.”

Bumaling ito sa kaniyang anak.

“Hija, masakit ba ang ulo mo?” tanong nito sa bata.

“Hindi po, Dok,” masiglang sagot naman ng kaniyang anak.

“Ayos lang anak mo, Sir. ‘Wag lang mag-alala at wala naman siyang problema,” pagbibigay alam nito sa kaniya.

“Wala ho bang pagsusuri na gagawin sa kaniya, Dok? Sigurado ho ba na ayos lang ang anak ko?” hindi kumbinsidong usisa niya.

Advertisement

“Kung ayaw niyo hong maniwala ay maaari naman kayo pumunta sa ibang doktor,” tila nainsultong sagot nito.

Agad siyang humingi ng paumanhin dito at nagpasalamat. Tama ito, wala naman siyang nakitang kakaiba sa anak kaya naman inuwi niya na rin ito sa bahay. Tiwala naman siya sa payo ng doktor ng anak.

Kalagitnaan ng gabi nang magising siya sa malakas na sigaw ng kaniyang asawa.

“Ed! Inaapoy ng lagnat at nagsusuka ang anak natin!”

Dali dali nila itong isinugod sa ospital. Nagsisikip ang dibdib niya sa kaba. Bilang doktor kasi ay alam niya na may kinalaman ang pagkakabangga nila sa nangyayari ngayon sa anak.

Nakadama siya ng matinding galit sa doktor na tumingin sa anak. Hindi niya ito mapapatawad kapag may nangyaring masama sa anak niya!

Tila binagsakan ang mag-asawa ng langit at lupa nang marinig nila ang sinabi ng doktor na nakausap.

“Kailangang operahan ang bata. Kailangang mawala ang namuong dugo sa utak niya. Subalit may limampung porsyentong tyansa na hindi na siya magising pa,” pagbabalita nito.

Advertisement

Sa nanginginig na boses ay nagdesisyon ang mag-asawa.“Gawin niyo po ang lahat para mailigtas ang anak ko,” nagmamakaawang wika niya sa doktor.

Habang hinihintay na matapos ang operasyon ay muli niyang nakita ang doktor na tumingin sa anak niya.

Galit na sinugod niya ito na masaya pang nakikipagtawanan sa mga kasamahan nito.

“Walanghiya ka! Kung hindi dahil sa’yo, baka naagapan ang anak ko!”

“Tao rin ho kaming mga doktor, at nagkakamali kami. Hindi ho ba’t sinabihan ko kayo na maaari kayong kumonsulta sa ibang doktor?” tila galit pa na sagot nito. Walang bakas ng pagsisising mababanaag sa mukha nito.

Tila kidlat na bumalik sa kaniya ang sinabi niya sa ama ng pasyente na pumanaw dahil sa kaniya.

“Nangyayari ho talaga ang mga ganitong bagay, Sir. Doktor ho ako, at hindi Diyos kaya hindi ako perpekto. Nakikiramay ho ako sa pagkawala ng anak niyo.”

Kiniulabutan siya sa isipin na ang anak niya ang magbabayad sa kasalanang nagawa niya bilang isang doktor na walang malasakit sa mga pasyente!

Advertisement

Noon niya napagtanto na buhay ang maaaring maging kapalit ng simpleng kapabayaan nila.

Kaya hindi niya naiwasang mapaiyak sa tuwa nang mabalitaan niya na ligtas na sa panganib ang kaniyang anak.

Abot abot ang pasasalamat niya sa doktor na ginawa ang lahat upang maisalba ito, at sa Diyos na binigyan siya ng ikalawang pagkaktaon upang ituwid ang kaniyang pagkakamali.

Ang unang unang bagay na ginawa niya ay humingi ng tawad sa ama ng kaniyang pasyente.

“Wala hong kapatawaran ang ginawa ko, at lalong hindi ko na maibabalik ang buhay ng anak niyo. Ngunit makakaasa kayo na wala nang pasyente pa ang magbubuwis ng buhay dahil sa kapabayaan ko,” buong pagsisising wika niya sa lalaki.

Isang malaking pagbabago ang idinulot ng pangyayaring iyon sa buhay ni Dr. Santos. Mula kasi noon ay naging isa na siyang tunay na doktor. Hindi na siya naging pabaya kagaya ng dati,

Alam niya na walang kabayaran ang buhay na nawala dahil sa kaniya, kaya naman ginawa niya nang misyon ang magsagip ng buhay ng marami sa abot ng kaniyang makakaya.