Hangad Niyang Masilo ang Mayamang Lalaki; Magtagumpay Kaya Siyang Maagaw Ito Mula sa Asawa Nito?

Sinipat ni Katrina nang maigi ang paligid bago siya pumili ng lalaking sisiluin.

Doon siya sa bar na iyon namamalagi dahil mayayaman ang mga nakatambay doon. Halos hindi niya na mabilang ang mga lalaking nasilo ng alindog niya sa lugar na iyon.

Nang makita ang target niya ay kekendeng kedeng na nilapitan niya ang lalaki.

“Pwede bang makisindi?” may mapang-akit na ngiting tanong niya sa makisig na lalaking nakaupo habang naninigarilyo.

Kitang kita sa ayos ng lalaki na may sinasabi ito sa buhay. Patunay ang mamahaling relo nito na alam niya hindi bababa sa isang milyon ang halaga.

Nang tumango ito ay walang pag-aalinlangan niyang inilapit ang bibig niya sa bibig nito na may nakaipit na sigarilyo.

Nagulat man ang lalaki ay hindi ito nagsalita.

“Galit si misis?” nakangising usisa niya sa lalaki nang makita ang isang gintong wedding ring sa palasinsingan nito.

Advertisement

Muli ay hindi siya pinansin ng lalaki. Imbes na mainis ay lihim na napangiti si Katrina. Gusto niya kasi ang mga pakipot na kagaya nito. Sa una ay aayaw ayaw, pero mababaliw din sa kaniya at ibibigay ang lahat ng bagay na gustuhin niya.

Isisiksik niya sana ang sarili sa tabi nang lalaki nang magsalita ito.

“Umalis ka na. Hindi ako interesado sa bayarang babae. Alam mong may asawa ako,” hindi lumilingong wika nito.

Tila sinampal naman si Katrina. Ito lang kauna unahang lalaki na hayagang ipinahiya at tinanggihan siya!

Mula pagkabata ay alam ni Katrina na maganda siya. Ilang beauty contest ba ang sinalihan at pinanalunan niya? Kaya siguradong sigurado siya na walang lalaki ang hindi maakit sa ganda at alindog niya.

Ngunit bago pa siya makapagsalita ay nakatayo na ang lalaki at walang lingon likod na naglakad palayo sa kaniya.

Naiwan siya na nagpupuyos ang kalooban. Wala siyang ibang magawa kundi ang maghanap ng ibang lalaking bibiktimahin.

Akala niya ay hindi niya na makikita ang lalaki. Kaya naman nagulat siya nang makita niya ito ulit nang sumunod na gabi.

Advertisement

Sa gilid ng kaniyang mata ay nakita niya ang pasimpleng paninitig nito sa kaniya.

“May asawa palang tao ha,” sa isip isip niya. Hindi siya nagkamali, nakuha niya ang atensiyon ng lalaki!

Nilapitan niya ang lalaki at lalo siyang nakumbinsi na dapat niya nga itong maakit. Panibagong mamahaling relo na naman kasi ang suot nito.

Kung ito ang makukuha niya, mukhang hindi niya na kailangang maghanap pa ng ibang mabibiktima dahil dito pa lang, tiba tiba na siya.

“Andito ka pala ulit.” Muli ay may matamis na ngiti sa kaniyang labi nang lapitan niya ang lalaki.

Natuwa naman siya dahil hindi na siya nito sinungitan. Panaka naka nitong pinapatulan ang pang-aakit niya rito. Nalaman niya na ang pangalan ng lalaki ay Frank.

Nang magpaalam ito na uuwi na ay lakas loob niya itong binulungan.

“Frank, may kwarto ako sa taas, baka gusto mong makita?” humahagikhik na bulong niya sa lalaki bago isinuksok sa bulsa nito ang isang susi.

Advertisement

Isang halik sa pisngi ang ibinigay niya sa lalaki bago siya nagtungo sa itaas. Hindi naman siya nabigo nang ilang minuto lang ay pumasok ito sa kaniyang kwarto.

Doon ay magdamag silang nagtampisaw sa kasalanan.

Nang mga sumunod na araw ay maraming beses pang naulit ang namagitan sa kanila kaya naman unti unti nang lumalakas ang loob ni Katrina.

Hindi rin siya nagkamali na mayaman nga ang lalaki, dahil halos araw araw siya nitong binibilhan ng kung ano anong mamahalin na bagay.

“Bakit hindi mo na lang hiwalayan ang asawa mo, at sa akin ka na lang?” isang araw ay ungot niya sa lalaki.

Natawa ito na tila biro ang kaniyang sinabi, bagay na ikinainis ni Katrina.

“Katrina, hindi mo alam ang sinasabi mo. Hindi ako mabubuhay nang wala ang asawa ko,” umiiling na tugon nito.

“Anong ibig sabihin niyan? Hindi ka naman masaya sa asawa mo. Tingnan mo at laging ako ang kasama mo,” naiinis na sagot niya sa lalaki. Gusto niya na kasi na maging legal ang relasyon nila upang magkaroon na rin siya ng karapatan sa kayamanan ng lalaki.

Advertisement

“Mahal ako ng asawa ko. Ayokong iwanan siya. Ikaw, alam ko na pera lang ang habol mo. ‘Pag ikaw ang pinili ko, ako ang talo,” walang pakundangang sagot ng lalaki.

“Hindi totoo ‘yan! Mahal kita, at hindi mahalaga sa akin ang pera!” pagsisinungaling pa niya.

“Talaga? Mahal mo ako?” nagniningning ang matang sagot nito.

Tumango siya at niyakap ang lalaki. Hindi niya maiwasang mapangiti.

Alam niya kasi na kaunting tulak na lang at tuluyan na itong mapapasakanya. Hindi naman nito kailangang malaman na wala siyang nararamdaman para dito.

Isang araw ay nagulat siya nang yayain siya magpakasal ni Frank. Ayon dito ay hiwalay na raw ito sa asawa.

Walang pagdadalawang isip siyang sumama at nagpakasal sa lalaki. Inasahan niya na iuuwi siya nito sa isang engrandeng bahay subalit nagulat siya nang isang maganda ngunit simple at maliit na bahay ang uwian nila.

“Ito ang magiging bahay natin?” gulat na tanong niya sa lalaki.

Advertisement

“Oo, may problema ba?” nagtatakang tanong nito.

“Bakit hindi sa malaking bahay? Paano na kapag nagkaroon tayo ng mga anak?” pagpapalusot niya.

“Wala akong malaking bahay. Ito lang ang ari arian na napunta sa akin nang maghiwalay kami ng asawa ko. Hindi naman talaga ako ang mayaman, kundi ang asawa ko,” paliwanag ng lalaki.

Tila may bombang sumabog sa kaniyang harapan sa narinig.

“Mabuti na lamang at hindi pera ang habol mo,” walang pagdududang dagdag pa ng lalaki.

Tila nang-aasar na sumagi sa isip niya ang sinabi ni Frank noon.

“Hindi ako mabubuhay nang wala ang asawa ko.”

Totoo pala iyon dahil umaasa lang ito sa asawa.

Advertisement

Tila naman nalugi si Katrina. Mukhang siya pa ang bubuhay sa lalaki!

Hindi nga siya nagkamali. Dahil sanay sa maalwan na buhay si Frank ay wala itong alam na trabaho. Siya ang kumayod para may makain sila ng asawa.

Walang ibang magawa si Katrina kundi ang magsisi. Alam niya na karma ang tumama sa kaniya – ang inakala niyang magbibigay sa kaniya ng maraming pera ay siya pa palang uubos sa kakarampot na pera niya!