Inday TrendingInday Trending
Nobyo Kong Ginawa Akong Bangko

Nobyo Kong Ginawa Akong Bangko

“Hoy, Risa! Anong petsa na pero hindi mo pa rin nababayaran ang utang mo! Aba, baka akala mo wala akong pamilyang pinapakain, ha?” sermon ni Anita sa kaniyang bunsong kapatid.

“Pasensya ka na, ate, wala pa akong pera ako. Sa susunod na sahod ko, pangako, ibibigay ko na sa’yo lahat ng kulang ko,” sagot ni Risa, hindi niya magawang makatingin sa kaniyang kapatid dahil sa pagkahiya.

“Naku, ayan ka na naman sa mga pangako mo! Parang noong isang buwan lang, pinangakuan mo akong babayaran mo ako ngayon. Ano ‘to, déjà vu? Narinig ko na ‘yan!” pilosopong tugon nito habang nakapamewang.

“Pasensya ka na talaga, ate. Huli na talaga ‘yon, babayaran na talaga kita,” sambit na lang niya, tila ayaw na niyang humaba pa ang kanilang usapan.

“Pasalamat ka talaga kapatid kita at alam kong magagalit ang nanay sa langit kapag hindi kita pinagbigyan!” ‘ika nito sabay buntong hininga, “Maiba ako, saan napupunta ang mga sinasahod mo?” pang-uusisa nito dahilan upang mas lalong umiwas ng tingin ang dalaga.

“Ay, ate, mahuhuli na ako sa trabaho! Mamaya na tayo mag-usap pagkauwi ko!” natatarantang paalam niya saka kumaripas ng takbo.

Bunso sa apat na magkakapatid ang dalagang si Risa. Kasalukuyan siyang nagtatrabaho bilang isang call center agent sa Maynila. Malaki naman talaga ang sahod niya kaya ganoon na lang ang pagtataka ng kaniyang mga kapatid na nagagawa niya pang mangutang kahit pa may malaki na siyang kita at wala namang sariling pamilyang pinapakain. Tanging sarili niya lang ang kaniyang tinutustusan ngayon.

At ‘yon ang alam ng kaniyang mga kapatid. Lingid sa kaalaman nila ang bigat na pasanin ng kanilang bunsong kapatid. Hindi lang ang sarili niya ang kaniyang pinapakain kundi pati na rin ang kaniyang nobyong tambay na palaging nakaungot sa kaniya na pati hihithitin nitong sigarilyo at mga utang, siya pa ang nagbabayad.

Ayaw sabihin ng dalaga ang kaniyang sitwasyon sa mga kapatid dahil alam niyang papalayuin siya ng mga ito dito. Kahit pa labis na ang bigat na kaniyang nararamdaman dahil kahit pa may trabaho siya, hindi niya magawang makaipon para sa sarili, nagagawa niya pang mangutang at magtago sa kaniyang mga kapatid. Palagi niyang ‘ika, “Mahal ko, eh. Kaya kahit halos dumadaan na lang sa kamay ko ang sahod ko, ayos lang.”

Ngunit tila sumobra na talaga ang kaniyang nobyo ngayon. Matapos ang usapan nila ng kaniyang ate, dumaretso siya sa bahay nito upang dalhan ng makakain pero tila hindi pa ito kuntento sa pagkaing dala niya. Humihingi pa ito ng tatlong daan, ibibigay niya raw sa kaniyang inaanak. Kaarawan daw kasi nito.

Nang sabihin ng dalagang sakto na lang ang kaniyang pera pangpamasahe patungo sa kaniyang trabaho, nagalit ito at itinapon ang dala niyang pagkain.

“Love naman! Ano bang problema mo? Wala na nga akong pera eh, anong magagawa ko? Sa katapusan pa ang sweldo ko!” sambit ni Risa dahil sa pagkadismaya sa inasal ng nobyo.

“Pinagdadamutan mo ako, ha? Akin na ATM mo, isasangla ko muna para siguradong bibigyan mo ako!” sigaw nito saka pilit na hinaltak ang bag ng dalaga.

“Diyos ko naman, tingin mo pinagdadamutan pa kita? Eh, halos lahat ng sweldo ko nasa iyo na!” sagot ng dalaga saka hinaltak pabalik ang kaniyang bag.

“Huwag mo akong sumbatan! Akin na sabi ATM mo, eh!” inis na sambit nito at nang hindi siya pumayag, agad siya nitong sinampal dahilan upang mapatakbo na lamang siya sa takot.

Mangiyakngiyak siyang tumakbo at naghanap ng tricycle. Napagdesisyunan niya munang lumiban sa trabaho’t umuwi muna dahil sa sakit na kaniyang nararamdaman.

Agad siyang nakita ng kaniyang ate na papasok ng bahay. Hinabol siya nito nang makitang umiiyak siya. Hindi na niya tinago rito ang kaniyang mga luha’t agad niya na lamang itong niyakap.

Doon rin ay ikinuwento na niya ang lahat ng pinagdadaanan niya sa kaniyang ate. Labis itong nagalit noong una ngunit hindi kalaunan, mas nangibabaw ang awa at pagmamahal na mayroon ito sa kaniya.

“Mabuti pa, hiwalayan mo na ‘yon. Wala kang kinabukasan do’n! Hayaan mong masaktan ka ngayon, kaysa mas masaktan ka sa hinaharap kapag hinayaan mo pa rin ang sarili mong gamitin ng isang tambay! Naku, Risa! Matalino ka, gamitin mo ang isip mo, huwag lagi puso! Maaabuso ka talaga niyan,” payo ng kaniyang ate saka siya niyakap, “Sana nagising ka na sa sampal niyang ‘yon sa’yo,” dagdag pa nito.

Ginawa nga ng dalaga ang payo ng kaniyang ate. Hiniwalayan niya ang binata. Kahit pa hindi ito pumayag at nagmamakaawang huwag siyang iwan, hindi na ito pinansin ng dalaga. Dahil napagtanto niyang kakamahal niya sa binatang ‘yon, nakakalimutan niya nang mahalin ang kaniyang sarili. Hindi man madali para sa kaniya, naisip niyang dapat piliin niya na ang kaniyang sarili ngayon.

Labis na nagpursigi ang dalaga sa kaniyang pagtatrabaho dahilan upang sa wakas, makabayad na siya sa kaniyang ate. Dahil nga wala na ring pinaggagastusan bukod sa sarili, unti-unti na siyang nakaipon.

Ngayon niya lamang naramdaman ang sayang inaasam noon pa man. Sa buhay, hindi lang dapat puso ang ginagamit. Subukan mong sabayan ng utak, tiyak saya ang iyong makakamtan.

Advertisement