“Mama, pahingi naman ako pambili ng uniporme. Malapit na ang pasukan, wala pa po akong damit. Paano ako papasok niyan?” nguso ni Paula sa kaniyang inang kakauwi lamang mula sa trabaho.
“Naku, wala nga akong pera, eh. Mahina ang bentahan ngayon. Kung gusto mo, sumama ka sa akin mamayang gabi, magtrabaho ka sa akin para magkaroon ka ng pambili ng uniporme,” sambit ni Alena sa kaniyang anak habang nagtatanggal ng sapatos.
“Saan at ano po ba ang trabaho niyo, mama? Matagal-tagal na kayong nagtatrabaho pero hindi niyo man lang sinasabi sa akin,” sagot nito habang pinagmamasdan siya sa kaniyang ginagawa.
“Mamaya malalaman mo. Mag-ayos ka, ha? Maglagay ka ng make-up, pumili ka rin ng damit doon sa kabinet ko,” utos niya dito.
“Eh, mama, ang iikli’t walang manggas ang mga ‘yon!” alma ng dalaga saka bahagyang bumuntong hininga.
“Kung gusto mong magkapera, sumunod ka sa akin!” sigaw ni Alena dahilan upang mapatigil sa pag-iinarte ang dalaga saka siya dumaretso sa kaniyang kwarto’t natulog.
Sa edad na labing anim, nagkaanak na si Alena dahilan upang hindi siya makapagtapos ng pag-aaral. Bukod pa doon, tila labis na mapait sa kaniya ang tadhana dahil wala pang isang taon ang kaniyang anak, iniwan na siya kaagad ng asawa niyang mas bata pa sa kaniya noon. Simula noon, mag-isa niyang tinaguyod ang anak kahit pa hirap na hirap na siya at napapaulanan pa siya ng mga tsismis at kutya.
Kaya naman ngayong trenta’y singko anyos na siya, ganap ng labing siyam na taon na ang anak niyang kasalukuyang nag-aaral na sa kolehiyo. Ngunit tila hindi na niya ito matustusan sa pag-aaral dahil sa tumal ng bentahan dahilan upang isama niya ito sa kaniyang trabaho.
Nag-aalinlangan man siyang isama ang anak sa trabaho, wala na siyang ibang solusyong maisip para makapagtapos ito sa pag-aaral. ‘Ika niya bago matulog nang pagkakataong ‘yon, “Maganda naman ang anak ko, tiyak bebenta sa mga businessman ‘yon. Baka siya na ang magbabalik sa mga suki ko.”
Kinagabihan, agad niyang pinag-ayos ang anak saka dinala sa kaniyang pinagtatrabahuhan. Pinagsuot niya ito ng sandong kulay itim at napakaikling maong na pambaba. Umaalma man ito dahil hindi ito sanay sa mga ganitong kasuotan, kinukumbinsi niya ito maigi.
Nakakakutob man ang dalaga sa trabahong papasukan niya, hindi niya ito pinansin at labis na nagtiwala sa kaniyang ina.
Maya-maya pa, ipinasok na ni Alena ang dalaga sa isang kwartong puno ng mga manginginom na foreigner. “Gawin mo lahat ng gusto nila, malaki ang kikitain mo sa mga ‘yan,” bulong niya sa anak.
“Pe-pero mama, ayoko po!” hikbi nito ngunit kinibit-balikat niya lang ito at sapilitang sinara ang pintuang pinipigilan ng kaniyang anak.
Naririnig niya mula sa labas ang halakhalakan ng mga kalalakihan. Napangisi siya’t sinabing, “Manang-mana talaga sa akin ang anak ko.” Maya-maya lang, lumabas na ang mga foreigner na ito, inabutan siya ng limang dolyar bilang tip sabay kindat sa kaniya. Labis na lamang ang saya niya dahil sa wakas, bumebenta na naman ang kaniyang bar ngunit tila labis siyang nagtaka dahil mag-aalas sais na ng umaga, hindi pa lumalabas ang kaniyang anak.
“Paula! Bumangon ka na muna d’yan! Sa bahay ka na matulog! Tulungan mo muna akong maglinis dito!” gising niya sa anak nang makitang nakadapa ito sa loob ng silid. Ngunit nakailang gising na siya hindi pa rin ito kumikibo dahilan upang itihaya niya ito.
Halos pagsakluban siya ng langit at lupa ng makitang puro pasa ang mga braso’t kamay ng dalaga. Halatang nagpumiglas ito sa kagustuhan ng mga lalaking ‘yon. Agad siyang humingi ng tulong upang maidala sa ospital ang anak.
Sa kabutihang palad, wala pang isang oras, nagising na ang dalaga pero hindi siya iniimik nito. Nilapitan niya ito at niyakap ngunit nagpumiglas ito.
Mangiyakngiyak siyang lumuhod sa harapan nito at humingi ng tawad. Iyak lamang ito nang iyak saka sinabing, “Mama, parang awa mo na, tigilan mo na yung trabahong gano’n. Walang babae ang dapat binebentang parang laruan.”
Doon natauhan si Alena. Mahigpit niyang niyakap ang anak at napagtanto niyang matumal ang kaniyang negosyo dahil hindi tama ang produktong binebenta niya.
Simula noong araw na ‘yon, tuluyan niya nang binago ang kaniyang negosyo. Nangako siya sa sariling hindi na muling itataya ang buhay at katawan ng anak para lamang sa pera.
Ginawa niyang karinderya ang dating resto bar na tinangkilik naman ng madla. Doble ang kinikita niya ngayon kumpara noon na tao ang kaniyang pinagpapalit sa pera. Labis na lamang ang kaniyang saya dahil muli niyang matustusan ang pag-aaral ng kaniyang anak at bukod pa doon, mas lalong tumibay ang relasyon nila ng kaniyang anak.
Madalas ang taong malapit sa’yo ang siyang gigising sa maling gawain mo. Huwag nawa nating hayaang mailagay natin sila sa peligro para lamang tayong matauhan.