Naniniwala Ako sa Sinasabi Mo, Apo
“Apo, balita sa labas na napasama ka raw sa away kagabi? Totoo ba ‘yun?” tanong ni Aling Iska sa kaniyang apong si Abel.
“Bakit naman po ako makikipag-away, lola? Umiinom po ako pero hindi po ako makikipag-away,” tugon ng apo.
“Naniniwala ako sa’yo, apo, basta sinabi mo. Kaya huwag kang magsisinungaling sa akin,” saad ng matanda.
Pawang mga iskwater ang maglolang sina Abel at Aling Iska. Magkasamang naninirahan ang dalawa mula nang iwan siya ng kaniyang ina sa pangangalaga ng matanda. Bata pa lamang si Abel ay hindi na niya nakilala pa ang kaniyang ama kaya si Aling Iska na ang nagpalaki rito. Kahit mahirap ay kinaya ng matanda na mag-isang pag-aralin ang apo sa pamamagitan ng pagtitinda ng kakanin sa palengke.
Sa kasamaang palad ay napabarkada si Abel. Hindi alam ng matanda na hindi na ito pumapasok pa sa eskwela. Kalat na sa kanilang lugar ang ginagawa ng binata ngunit hindi naniniwala si Aling Iska hanggang hindi sa bibig mismo nanggagaling ni Abel ang mga ito.
Araw-araw ay umaalis ang binata upang ipakita sa kaniyang lola na siya ay pumapasok. Ang totoo noon ay sa kaniyang barkadang si Mako lang siya sumasama. Sa totoo lang ay ayaw ni Aling Iska na sumama ang apo sa binatang iyon dahil alam sa kanilang lugar ang paggamit nito ng ipinagbabawal na gamot.
Isang araw ay may nakakita kay Abel na kasama ang naturang lalaki at agad sinabi kay Aling Iska.
“Imposible ‘yang sinasabi mo sa akin. Nasa eskwelahan ang apo ko. Saka hind nakikipagkaibigan iyon sa mga ganong uri ng tao,” wika ng matanda.
“Ang hirap sa inyo, Aling Iska, harap-harapan na kayong niloloko ng apo ninyo ay hindi pa kayo naniniwala. Ang sabi nga sa akin ng pamangkin ko na kaklase ni Abel ay hindi na raw ito pumapasok pa sa paaralan,” pahayag ng ginang.
“Itatanong ko sa apo ko mamaya pagkauwi niya galing eskwelahan. Kung ano ang sasabihin niya ay doon ako maniniwala,” sambit ng matanda.
Ginabi ng uwi si Abel. Kahit malalim na ang gabi ay matiyagang naghintay ang matanda sa pag-uwi ng apo. Pinakain niya muna ito at pinagpalit ng damit at saka niya tinanong ang nabalitaan niya sa palengke ng umaga.
“Apo, may isang ginang na nakapagsabi sa akin, hindi ka na raw nag-aaral at araw-araw mo raw kasama si Mako. Apo, walang magandang maidudulot kung magsasama ka sa binatang ‘yon. Mapapahamak ka lang,” paalala ng matanda.
“Lola, pumasok po ako sa paaralan kanina. Kaya po ako ginabi ay gumawa po ako ng asignatura. Saka hindi rin po ako nakikipagkaibigan kay Mako. Matutulog na po ako. Maaga pa po ako bukas,” wika ng apo.
“Sa’yo ako naniniwala, apo. Sige, matulog ka na at baka mahuli ka pa sa klase mo bukas,” wika ng matanda.
Kinabukasan ay maagang nagtungo si Abel kay Mako.
“Tamang-tama ang dating mo, ‘tol. Meron akong bato rito,” sambit ni Mako.
“Wala akong pambayad ngayon, Mako. Kulang ang binigay ng lola ko sa akin,” sambit ni Abel.
“Ayos lang ‘yan. Sagot muna kita ngayon, basta sa susunod siguraduhin mo na may dala ka nang pera kasi madami ang dating ng mga ‘to. Ikaw rin, baka maubusan ka,” saad ni Mako.
Pumanhik na sila sa tinutuluyang silid ni Mako upang gumamit ng ipinagbabawal na gamot.
Kinagabihan ay hindi makauwi si Abel sapagkat masyado itong sabog. Bakas sa kaniyang itsura na nakagamit siya. Pilit siyang pinauwi ng kaibigan sapagkat maraming magtutungo pa roon upang gumamit.
Hating gabi na naman nakauwi si Abel. Lumulutang ang isip nito dahil sa tama ng gamot. Ngunit nag-aagaw pa rin ag kaniyang katinuan sapagkat ayaw niyang makagawa ng masama sa kaniyang lola.
“Apo, saan ka galing?” wika ng matanda. “Sa kaklase ko po. Pagod po ako,” sambit nito kay Aling Iska at dumeretso na sa kaniyang silid upang hindi na mahalata pa.
Nagpatuloy ang ganitong gawain ng binata. Sa tuwina naman ay hindi nagkulang si Aling Iska sa pangaral sa apo. At kapag may nagsusumbong kay Aling Iska ng ginagawang mali ni Abel ay hindi pa rin ito naniniwala.
Sa sobrang pagkalulong ni Abel ay hindi na nito alam kung saan pa siya kukuha ng pera upang ipantustos sa kaniyang bisyo. Ayaw na rin kasi siyang bigyan pa ng libre ni Mako. Naisip niya ang pera ng kaniyang Lola Iska sa kaniyang pagtitinda. Kinuha niya ito at ginamit pambili ng kaniyang bisyo.
Isang umaga nang makauwi siya sa bahay, nakita niya ang lola na umiiyak. Nawawala kasi ang pera nito at hindi niya alam kung saan kukuha muli ng ipangpupuhunan sa mga kakanin.
“Nakita mo ba ang pera ko rito, apo?” tanong ng matanda.
“Anong pera po?” pagmamaang-maangan ni Abel. “Kararating ko lang po, lola, wala po akong nakikitang pera diyan,” dagdag pa niya.
“Naniniwala ako sa’yo, apo. Siguro nga ay nalaglag ko lang iyon sa palengke. Nanghihinayang ako kasi nag-iipon ako para sa pagtatapos mo. Gusto kong maibili ka ng magarang polo,” sambit pa ng matanda.
Doon bahagyang nahabag si Abel. Hindi niya akalain na siya pa rin pala ang iniisip ng kaniyang lola.
Kinahapunan ay nakita niya si Mako malapit sa tindahan.
“Tara, ‘tol. Meron akong deliber ngayon. Pwede tayo sa lugar ko,” sambit ng lalaki.
“Ayoko na, Mako. Hihinto na ako. Nahihiya na ako sa lola ko,” wika ni Abel.
Ngunit patuloy ang pamimilit ni Mako sa binata. Dahil nakukulitan na si Abel ay napapayag din ito.
‘Sige, pero huli na talaga ito. Ayoko nang gumamit, ‘tol. Gusto ko nang magbagong buhay pagkatapos nito. Gusto ko na ring aminin sa lola ko ang totoo. Tutulong na lang muna ako sa palengke para magtinda at makabawi naman sa kaniya,” pahayag ni Abel.
Nagtungo ang dalawa sa tinutuluyan ni Mako at saka gumamit.
“Tutal, huling beses mo na ito, ‘tol, sagarin mo na,” sulsol ni Abel. Dahil sa paglango ay napapayag agad ang binata.
Nang makauwi siya ay sinalubong agad siya ng kaniyang lola.
“Apo may maganda akong balita sa iyo. Pinautang ako ng kasama ko sa palengke ng puhunan, makakapagsimula tayong muli sa pagtitinda. Iniisip ko nga bukod sa mga kakanin ay ano pa kaya ang puwede nating itinda,” masayang pagkukwento ng matanda. Ngunit tila lumilipad ang isip muli ni Abel. Maya-maya ay nagdilim na lamang ang paningin nito.
Nakaranas siya ng halusinasyon at ang tingin niya sa kaniyang lola ay mga taong humuhusga sa kaniya. Sa kaniyang imahinasyon ay dinuduro siya nito hanggang sa naging isang hugis demonyo ang matanda. Sa takot ni Abel ay napasigaw ito ng matindi at itinulak niya ang masamang espirito.
Lingid sa kaniyang kaalaman na ang kaniyang naitulak ay ang sarili niyang lola. Sa lakas ng kaniyang puwersa ay tumama ang ulo nito sa pader at tuluyang nabuwal sa sahig. Nang mahimasmasan ay nakita niya ang matanda na duguan ang ulo habang nakahandusay sa kaniyang harapan. Lubusan ang takot na kaniyang naramdaman. Agad niyang binuhat si Aling Iska at dinala sa ospital ngunit huli na ang lahat. Binawian na ng buhay ang matanda.
Dahil sa pangyayari ay dinakip ng mga pulis si Abel at ikinulong. Nang makita siya sa kulungan ng isang ginang na kasamahan ng kaniyang lola sa palengke ay sinabi nito ang katotohanan sa kaniya.
“Alam ng lola mo na nagsisinungaling ka sa kaniya, Abel. Ngunit hinihintay lamang niya na ikaw ang magsabi sapagkat hindi niya alam kung paano ka kakausapin ng hindi ka nagrerebelde. Lagi siyang naniniwala sa sinasabi mo sa pag-asang isang araw ay mapagtanto mo na ganoon ka niya kamahal at ganoon kataas ang pagtingin niya sa’yo na hindi mo kayang gumawa ng masamang bagay,” pahayag ng ginang.
“Sobrang mahal ka ng lola mo. Hanggang sa huli ay ikaw pa rin ang iniisip niya sapagkat noong mangutang siyang muli para ipamuhunan ay maganda ang kanyang pinaplano. Alam niyang isang araw ay magtatapat ka sa kaniya at gusto niyang makapagsimula kayo muli. Hinihintay ka lamang niyang magbalik sa kaniya at kapag nangyari ang araw na iyon gusto niya ay handa siya,” dagdag pa ng ale.
Wala nang nagawa si Abel kundi ang lumuha. Pinagsisisihan niya ang pagsisinungaling at pagtatago niya ng katotohanan sa tanging taong naniniwala sa kaniya. Ngunit kahit anong pagsisisi pa ang kaniyang gawin ay hindi na maibabalik ang buhay ni Aling Iska.