Lubusan na ang pamamaluktot ng katawan ni Totoy sa ginaw habang natutulog sa kanilang kariton. Kahit kasi nakataklob na siya ng damit ng kaniyang ama at isang maliit na karton ay hindi pa rin sasapat sa lamig ng gamit. Walang tigil kasi ang ulan ng gabing iyon kaya minabuti na lamang ng kaniyang amang si Mang Enteng na iparada ang kanilang kariton sa isang malapit na bangko upang hindi sila mabasa. Sa semento naman natulong ang ama upang hindi na sila magsiksikan pa ng anak sa maliit na kariton.
Ang kanilang kariton na ang nagsilbi nilang tahanan. Sa umaga ay ginagamit nila ito upang manguha ng mga kalakal at sa pagdating ng gabi ay ito naman ang nagiging kanilang pahingahan. Sa gabi ay madalas mangarap ang mag-ama ng isang magandang buhay.
“Tay, sa tingin po ba ninyo ay magkakaroon pa rin ba tayo ng bahay? Tumatanda na rin po kasi kayo at ayoko namang sa lansangan na kayo abutan ng katandaan. Sana man lamang ay may isang lugar kung saan makakapagpahinga kayo ng maayos,” sambit ng bata sa ama habang nakahiga sa kanilang kariton.
‘Hindi ako nawawalan ng pag-asa, anak. Mabuti ang Diyos sa kaniyang mga anak. Pagsubok lamang itong pinagdadaanan natin,” wika ng ama.
“Tabi na lang po tayo rito sa kariton, ‘tay. Baka kasi nalalamigan na po ang likod n’yo,” pag-aalala ni Totoy.
“Huwag mo akong intindihin, anak. Sanay ang katawan ko sa ganito. Magpahinga ka riyan ng maayos dahil maagang magbubukas sa umaga ‘tong bangko at maaga rin tayong aalis,” sambit ng ginoo.
“Tay, huwag po kayong magagalit sa akin. Ngunit minsan po ay tinatanong ko ang Diyos kung bakit ganito ang ating kalagayan. Hindi naman po kayo masamang tao. Ako po ba ay makulit na bata?” tanong niya sa ama. Umiling si Mang Enteng.
“Ikaw ang pinakamabait na bata sa mundong ‘to, anak,” tugon ng ama.
“Eh, bakit po hanggang ngayon ay hindi pa rin po pinagbibigyan ng Diyos ang ating hiling. Hanggang ngayon po ay wala pa ring bubungan sa ating uluhan lalo na sa mga panahong ganito. Naaawa po ako sa atin, ‘tay,” pagpipigil ng luha ni Totoy.
“Hindi pa naman tapos ang bukas, anak. Makapangyarihan ang Diyos. Alam niya ang nasa puso natin. Hindi mo alam, baka bukas ay magbago na ang ating kapalaran,” positibong saad ni Mang Enteng sa anak habang hinahaplos ang ulo nito. “Matulog ka na, anak. Huwag mong kalimutang magdasal,” aniya.
Kinabukasan ay maaga nilang nilisan ang tapat ng bangko at nagtungo sa mga kabahayan upang mangolekta ng basura. Bago nila ito itapon sa tambakan ay pinamimilian muna nila ito ng mga puwedeng ikalakal.
Kinagabihan ay inabutan silang muli ng malakas na ulan. Ngunit ayaw silang pasilungin ng kahit sino at anong establisyimentong kanilang puntahan. Lahat sila ay tinataboy ang mag-ama. Wala nang nagawa pa ang dalawa kung hindi tumuloy sa tambakan ng basura.
Naghanap na lamang si Mang Enteng ng tolda at plastik na maaari niyang ipantakip sa kaniyang anak upang hindi ito mabasa. Patuloy siya sa paghahalungkat ng mga basura habang si Totoy naman ay nagkasakay sa kariton at naghhintay sa isang tabi.
Habang patuloy sa paghahanap ng magagamit sa ulan ang ginoo ay may narinig isang tinig mula sa kabilang dako. Marahan niya itong tinungo at sinilip.
Isang matandang lalaki ang tinututukan ng baril ng dalawang masasamang loob. Pinipilit ng mga itong kuhain ang pitaka at mga dalang gamit ng matanda. Dahil sa takot ay walang magawa ang matanda.
Hindi masikmura ni Enteng na manood na lamang habang sinasalbahe ng dalawang kalalakihan ang matandang ito. Kaya agad siyang pumulot ng isang tubo at inihampas sa likod ng lalaki na may hawak na baril. Tapos ay nakipaglaban siya sa mga ito. Nagawa nilang takasan ang mga kawatan.
Nang marinig ng mga tagaroon ang pangyayaring ito ay agad silang nagsumbong sa kinauukulan. Ang iba naman ay kinuyog ang mga lalaki hanggang sa tumumba ang mga ito. Nahuli sa wakas ang mga masasamang loob at ikinulong.
Labis ang pasasalamat ng matandang lalaki kay Mang Enteng. Ang lalaki palang ito ay isang mayamang negosyante.
“Maraming salamat sa pagliligtas mo ng buhay ko, Ni hindi ka nagdalawang isip na iligtas ako kahit na malagay ang sarili mong buhay sa alanganin,” saad ng matanda. “Bilang ganti ay may ibibigay ako sa iyong pabuya. Sumama kayong mag-ama sa akin,” paanyaya ng matanda.
Dinala ng matandang lalaki ang mag-ama sa kanilang bahay. Namangha ang mga ito sa laki ng mansyon ng matanda. Sinalubong ito ng kaniyang mga kaanak. Ipinakilala naman ng matanda si Mang Enteng at ang kaniyang anak sa mga ito. Lubusan ang kanilang pasasalamat sa pagliligtas sa kanilang haligi.
Iniabot ni matanda kay Mang Enteng ang isang tseke.
“Tanggapin mo ang pasasalamat ko sa iyo. Wala na siguro ako ngayon sa mundong ito kung hindi dahil sa katapangan mo,” sambit ng ginoo. “Bukod pa rito ay nais kong pag-aralin ang iyong anak hanggang kolehiyo,” dagdag pa ng matanda.
Nang tingnan ni Mang Enteng ang tseke ay napaluhod na lamang ito sa pagkabigla.
“I-isang milyon?” naganagtal na wika ni Mang Enteng. “Napakalaki nito, ginoo,” sambit pa niya.
“Kulang pa ‘yan sa nagawa mo para sa akin. Tanggapin mo na ang aking pasasalamat. Malaki ang maitutulong niyan upang magbago ang buhay ninyong mag-ama,” sambit ng matanda.
Napaluha na lamang ang mag-ama. Laking pasasalamat nila sa matandang lalaki.
“Hulog kayo ng Maykapal, ginoo,” hindi maawat sa pag-iyak si Mang Enteng.
Bumili ng isang maliit na bahay si Mang Enteng at ginamit ang natira upang magtayo ng isang maliit na tindahan. Tinupad ng matanda ang kaniyang pangakong pag-aaralin si Totoy.
Habang pinagmamasdan ng mag-ama ang kanilang tahanan ay hindi nila napigilang maging emosyonal.
“Tama po kayo, ‘tay. Mabait po ang Panginoon. Sa wakas po ay natupad na ang pangarap nating magkaroon ng sarili nating bahay! Hindi na po malalamigan ang likod nyo sapagkat may mauuwian na po tayo,” umiiyak na sambit ng bata sabay yakap sa ama.
Naging maayos ang pamumuhay ng mag-ama. Hanggang ngayon ay hindi pa rin sila makapaniwala sa pagbabago ng kanilang buhay na nangyari lamang sapagkat lubusan silang naniwala sa kabutihan ng Maykapal.