Inday TrendingInday Trending
Hindi Siya ang Nababagay Sa’yo

Hindi Siya ang Nababagay Sa’yo

“Mica, ano itong sinasabi sa akin ng tiyuhin mo na nakita ka niya raw na kasama mo si Dante? Hindi ba sinabi ko sa’yo ay wala kang mapapala sa lalaking iyon? Tigilan mo ang pakikipagkita mo sa lalaking ‘yan! Hindi siya nababagay sa’yo,” galit na wika ni Aling Sureng, ina ni Mica.

Hindi maitatanggi ang kagandahang taglay ni Mica kaya ang nais ng kaniyang inang si Aling Sureng ay makapangasawa ang nag-iisang anak ng isang lalaking mayaman at mag-aahon sa kanila sa kahirapan. Ngunit iisa lamang ang napupusuan ng dalaga. Ito ang kaniyang matagal nang kasintahan na si Dante.

Anak si Dante ng isang labandera at drayber ng dyip. Habang nag-aaral ang binata sa kolehiyo ay umeekstra ito ng trabaho na taga-deliber ng mineral water. Kaya ganito na lamang hamakin ng ginang ang binata.

“Wala pong ginagawang masama si Dante. Maayos po ang pakikitungo niya sa akin at nirerespeto niya ako,” sagot ni Mica.

“Wala akong pakialam kahit gaano pa kataas ang respeto niya sa’yo. Hindi siya nababagay sa’yo, Mica! Bakit kasi hindi mo pagbigyan si Elgin. Mayaman ang pamilya nila, anak. Malaki ang kumpanya ng kaniyang ama. Magiging maayos at maganda ang buhay mo sa kaniya,” giit ng ginang.

“Hindi ko naman mahal si Elgin, ‘nay. Ni hindi ko nga siya gusto. Napakahambog ng lalaking iyon. Walang magaling sa kaniya kundi ang kaniyang sarili,” depensa pa ni Mica.

“Matututunan mo rin siyang mahalin, Mica, kung susubukan mo! Aanhin mo ang pagmamahal na sinasabi mo kung gutom ang pamilya mo?” dagdag pa ng ina. “Ayoko na ganitong buhay din ang danasin mo, Mica. Kaya matuto kang makinig sa akin!” sigaw ni Aling Sureng.

“Hindi ba kayo masaya kay tatay kaya nasasabi niyo ‘yan?” saad ni Mica habang pinipigilan ang mga luha niya.

Alam ni Mica na hindi siya mananalo sa kaniyang ina kaya itinigil na niya ang pakikipagtalo sa rito. Nagtungo ang dalaga sa kaniyang silid at doon tuluyang bumuhos ang kaniyang mga luha.

Nalaman ng kaniyang ama ang nangyari kaya agad niyang pinuntahan ang anak sa kaniyang silid at kinausap ang dalaga.

“Hindi ako tutol sa pagmamahalan ninyo ni Dante. Ang gusto ko lang ay hindi ka sa daan sinusuyo kung hindi dito sa bahay. Kung mahal ka talaga ng lalaki na iyan ay matuto siyang humarap dito sa amin ng nanay mo,” sambit ni Mang Manuel.

“Tay, paano ko po iyon gagawin kung tutol masyado si nanay sa relasyon namin? Baka kung ano pang sabihin niya kay Dante,” tugon ni Mica.

“Kung mahal ka niya ay ilalaban niya ang nararamdaman niya para sa’yo. Patutunayan niya sa iyong ina na mali ang mga sinasabi nito,” wika ng Mang Manuel.

Dahil sa sinabi ng ama ay inimbitahan ni Mica ang binata na pumunta sa kanilang bahay. Ngunit tulad ng inaasahan ay puro pambabatikos at pambabastos lamang ang kaniyang natanggap sa nanay ng dalaga.

“Hindi ka nababagay sa anak ko, Dante. Ano naman ang ipapakain ng isang tulad mo na anak lamang ng isang labandera at isang hamak na drayber ng dyip!” sambit ni Aling Sureng.

“Mahal ako po ang anak ninyo at gagawin ko po ang lahat upang mabigyan siya ng magandang buhay,” wika ni Dante.

Nang makauwi si Dante ay kinausap agad ni Aling Sureng ang dalaga.

“Tapusin mo na ang relasyon mo riyan sa lalaking ‘yan! Sinabi ko kay Elgin na sasama ka sa kaniya sa darating na Linggo. Bigyan mo siya ng pagkakataon na makilala ng lubusan, anak. Siya ang nararapat para sa iyo,” mariing wika ng ina.

Ngunit kahit na pilit silang pinaghihiwalay ng ina ay nagpatuloy sa kanilang relasyon ang dalawa. Nang makatapos ng pag-aaral ang magkasintahan ay agad na naghanap ng trabaho itong si Dante.

Makalipas ng dalawang taon ay nagpakasal si Dante at Mica. Dahil sa naging desisyon ng dalawa ay naging masama ang loob sa kanila ni Aling Sureng.

“Hindi ito ang buhay na pinangrap ko para sa’yo, Mica. Napakapayak ng pamumuhay ninyo. Kung si Elgin kasi ang pinili mo ay marangya ka sanang namumuhay. Naiahon mo na dapat kami sa kahirapan,” sambit ng ina.

Kahit na masama ang trato ni Aling Sureng kay Dante ay hindi siya tumigil na magsikap upang mabigyan ng magandang buhay si Mica. Natayo si Dante ng isang maliit na negosyo mula sa ipon nilang mag-asawa. Unti-unti itong lumago hanggang sa yumaman na ang mga ito.

Samantalang ang negosyo naman ng pamilya ni Elgin, sa kasamaang palad ay nalugi. Marami pang kinahaharap na kaso ang kaniyang pamilya dahil sa mga ilegal na transaksyon.

Nang mabalitaan ito ni Aling Sureng ay nagbago ang kaniyang pagtingin kay Dante.

“Buti na lamang pala ay hindi mo napangasawa si Elgin, anak. Baka ngayon ay kung saan ka na lamang pulutin,” wika ng ina. Walang hanggan ang paghingi niya ng tawad sa mag-asawa lalo na kay Dante sa kaniyang masamang pagtrato rito.

“Patawarin mo ako, Dante. Hindi ako naniwala sa kakayahan mo at sa pag-ibig mo sa aking anak. Salamat at pinatunayan mo sa akin na tapat ka sa iyong pangako kay Mica,” wika ni Aling Sureng sa manugang.

“Hindi po nasusukat sa katayuan ng buhay ang pag-ibig ng isang tao. Hindi po totoo ang sinsabi ninyo noon na mawawala ang pag-ibig kung kumakalam na ang sikmura ng pamilya. Naniniwala po kasi ako na kapag mahal mo ang isang tao hindi mo siya hahayaang magutom,” wika ni Dante.

“Mahal na mahal ko po ang anak ninyo at dahil sa pagmamahal ko sa kaniya ng lubusan ay nais kong ibigay sa kaniya ang mga bagay na karapat-dapat para sa kaniya. Makakaasa po kayo na hindi ako magbabago,” pahayag ni Dante.

Naging pabor na rin si Aling Sureng sa relasyon ng mag-asawa. Hindi na siya humadlang pa sa pagmamahalan ng dalawa. Napatunayan ni Dante sa kaniyang biyenan na sapat na ang pagmamahal upang magkaroon ng magandang kinabukasan.

Advertisement