Ang Huling Awit
Ngumiti siya sa gwardiya na nagbabantay sa mataas na mataas na establisyemento kung saan siya papasok.
“Mukhang busy ka ngayon, Ericka ha? Ngayon ka na lang ulit nakabalik.” Nahimigan niya ang pagkatuwa sa boses nito.
Tumango siya at ngumiti nang malawak.
“Oo nga po manong, e. Buti natapos na lahat ang gagawin,” magalang niyang sagot dito.
“O siya, pasok ka na,” anito.
Nagpasalamat at pumasok na siya sa unang palapag ng building. Ang pamilyar na paligid ang bumati sa kanya.
“Ericka?” sabi ng isang boses.
Napatingin siya sa nagsalita. Si Lana, ang nurse ng kanyang ina, ang kanyang nakita.
Ngumiti naman siya rito nang maluwang.
“Ate Lana, kumusta po?”
“Pupuntahan mo ba ang mama mo?” balik tanong nito sa halip na sumagot. Tumango naman siya.
“Opo,” matipid niyang sinabi dito.
“Nasa may hardin lang siya, Ericka. Puntahan mo na lang.”
Nagpasalamat siya sa babae at tumulak patungo sa garden na sinasabi nito.
Nadatnan niya doon ang ilang mga tao na nagpapahangin ngunit ang nakaagaw ng pansin ay ang isang babae na nakaupo sa wheelchair at masayang kakwentuhan ng isang nurse.
“Alam mo ba? Bibisitahin ako ngayon ng anak ko. Miss ko na ang batang yun,” anito, kaya nangilid ang kanyang luha sa narinig.
Minasdan at pinakinggan niya ito. Mula sa malumanay nitong boses hanggang sa maganda nitong mga ngiti.
Miss na miss na rin kita mama, naisip niya.
Sasagot na sana ang nurse na nagbabantay sakanya nang makita siya nito kaya nagpaalam ito sa kanyang ina. Ngumiti ito sa kanya nang magkasulubong sila ng tingin.
“Kamusta, ma?” tanong niya at humalik din sa pisngi nito.
“Ayos lang ako,” ngiti nito, na halos humaplos sa kanyang puso.
“Kumain na po kayo?”
Umiling ito habang nakangiting nakatitig sa kanya.
Habang hinahanda niya ang mga pagkain na niluto niya para dito ay bigla itong nagsalita.
“Kilala mo ba si Ericka?”
Napatigil siya sa pag-aayos ng mga pagkain at nag-init ang mga sulok ng kanyang mga mata.
Hindi siya sumagot, nananatiling nakayuko at pinipigilan ang kanyang mga luha.
“Sabi niya, pupuntahan niya ako ngayon e. Yung anak kong yun, sobrang talino. Mahal na mahal ko yun,” pagmamalaki nito.
Tinignan niya ang ina habang may mga luhang lumalandas sa pisngi.
“Ma. Mama, ako ‘to,” ‘di niya napigilang sabihin.
Tumingin ito sa kanya at nawala ang mga ngiti sa labi nito. Hinawakan ang kanyang pisngi at pinunasan ang mga luha rito.
“Bakit ka umiiyak, hija? Miss mo ba ang nanay mo?” mahinhin nitong tanong.
Tumango siya nang tumango at mas lalong humagulgol nang yakapin nito.
“Sigurado akong miss ka din ng nanay mo, hija. Tahan na. Ako muna ang nanay mo ha? Tahan na,” anito at bahagya pang tinapik ang kanyang balikat para patahanin siya.
Pinunasan niya ang kanyang mga luha at ngumiti dito.
“Si E-ericka po, yung anak niyo, anong klaseng anak siya?”
Tumingin ito sa taas at ngumiti. Tila may inaalala. Nagningning ang mga mata nito.
“Katulad mo siya. Mabait tapos laging nakangiti. Alam kong kung nasaan man siya, magpapakatatag siya. Kasi siya yun e. Hindi siya nagpapatalo.”
Imbes na bumigat ang pakiramdam ay gumaan pa ito ngayong nakita niya ang ina.
Oo, nandito sa Asylum ang kanyang ina dahil sa kondisyon nito. Gustuhin man niyang iuwi ito, hindi pwede. Silang dalawa nalang ang magkasama sa buhay.
Malapit nang kumagat ang dilim at nakaupo siya sa tabi ng ina habang pinapanood ang paglubog ng araw.
“Hija?” Tanong nito matapos ang katahimikan.
“Po?”
“Marunong ka din bang kumanta?” tumango siya at agad na ngumiti.
“Opo. Bonding namin ng mama ang pagkanta,” aniya sa masayang boses.
“Pwede mo ba akong kantahan?” anito ay itinuro ang gitara sa tabi nito na ngayon lamang niya napansin.
Kinuha niya ang gitara at umupo ulit sa tabi ng kanyang ina.
Humarap siya dito at ngumiti bago magsimulang kumanta.
Inilagay nito ang ulo sa kanyang balikat habang pinagpapatuloy ang pagkanta. Umiiyak siya habang kumakanta.
Nagmintis ang boses niya at ang pagkanta ay nauwi sa tahimik na pag-iyak.
Kinuha ng kanyang ina ang kamay niya at hinalikan.
“Salamat, anak. Salamat, Ericka. Mahal na mahal ka ni mama.”
“Mahal din po kita, mama,” sagot niya rito. Mukhang nakikilala na naman siya nito. Isa sa mga pambihirang pagkakataon.
“Alam ko. Alam ko anak, kanta ka pa,” udyok pa nito.
Binitawan nito ang kanyang kamay at muli ay nagsimula ulit sa pagkanta. Ngunit bago matapos ang kanta, naramdaman niya ang katahimikan.
Hindi na gumagalaw ang ina nang kapain niya. Pumikit siya ng mariin at lumuha.
Paalam, mama.
“Salamat dahil naalala mo ako sa huling sandali mo. Hindi man ako tatanda kasama mo, magkikita pa rin tayo. Magkikita tayo ulit, ma. Kakantahin kita ulit sa muli nating pagkikita,” aniya at niyakap ito sa ilalim ng lumulubog na araw.