Ang Pangaral ni Tatay
“Kevin, anak, lagi mong piliin ang tama, ha?”
Yun ang laging paalala ng kanyang ama na si Mang Roman. Nung kasama pa niya ito.
Nagkahiwalay sila nito noong bata pa siya. Papunta sila ng kanyang buong pamilya noon sa probinsya upang magdiwang ng pasko nang lumubog ang barkong sinasakyan nila.
Sumakabilang buhay ang kaniyang kapatid at ang kaniyang ina subalit ang kanyang ama ay hindi na natagpuan. Sa tagal ng panahon na lumipas, masakit man ay ipinagpalagay na lamang din niya na wala na ito.
Kaya naman namuhay siya na mag-isa. Madami din siyang pinagdaanan, pero isang bagay ang natutunan niya – sa sama ng mundo, hindi uubra na lagi kang nasa tama.
Kailangan mong lumaban. Kung masama ang mundo, kailangan mas maging masama ka. Para hindi ka maapak-apakan. Para hindi ka talo.
“Hoy, ano’ng tinutunga-tunganga niyo diyan?” asik niya sa mga bata na nagkukumpulan at tila nagkakasiyahan.
Nahihintakutan namang nagsipulasan ang mga bata at nagpunta sa kani-kanilang pwesto.
“Ayokong makikitang puro usap kayo dito ha! Maghanap kayo diyan ng mga bagay na kapaki-pakinabang!” bulyaw niya sa mga bata.
“Opo, kuya!” nanginiginig naman na sagot ng mga ito.
Tama ‘yan, matakot kayo. Ako ang hari dito, sa isip-isip niya.
Sa ngayon ay isa siyang lider ng sindikato na nagpapatakbo ng isang modus – ang pagnanakaw. Kadalasan, ang mga bata ang pinapagnakaw niya. Minsan naman ay siya mismo.
Kinuha niya ang mga bata dahil walang mga magulang ang mga ito.
Natutunan niya na kapag wala kang magulang, kawawa ka. Kaya naman isinama niya sa kanya ang mga bata. Katuwiran niya, mas mabuti nang sila ang manlamang kaysa sila ang malamangan.
Maayos ang pagtrato niya sa mga bata. Nakatatandang kapatid pa nga ang turing ng mga ito sa kanya. Pinapakain niya ang mga ito at binibihisan nang maayos.
Mahigpit lamang ang turing niya sa mga ito dahil ayaw niya na lumaki ang mga ito na mababait, dahil kakawawain lang sila ng masasama.
“O mamaya, Aaron at JB, kayo ang sasama sa akin. Mag-aabang tayo sa may simbahan. Tamang-tama, Linggo, madaming tao. Makakarami tayo,” pagbibigay niya instruksiyon sa dalawang pinakamatanda.
“Opo, kuya!” duweto pa ang dalawang binatilyo.
Kagaya ng inaasahan, madami ang nadukot nila nang gabing iyon. Tuwang-tuwa naman si Kevin dahil tila nasasanay na ang dalawang binatilyo sa kanilang ginagawa
“Pasensiya na ‘tay, hindi ko nasusunod yung pinangako ko sa inyo noon,” hingi niya ng paumanhin sa amang pinaniniwalaan niyang wala na.
Tiningnan niya ang mga bata na masayang kumakain ng manok na binili nila at pilit na kinumbinsi ang sarili na nasa tamang landas siya at wala siyang dapat ikabahala.
Huwebes. Matumal ang kita dahil hindi masyadong matao kahit na sa mga terminal ng bus.
Mukhang kailangan ko mag-overtime mamaya, sa isip isip ni Kevin.
Nang mag-aalas siyete na ay pinauwi niya na ang mga batang kasama na sina Lisa at Darwin.
“Sabihin niyo kina Kuya JB niyo na sila na muna ang bahala at may pupuntahan pa ako,” bilin niya pa sa dalawang bata.
“Opo, kuya!”
Sa gabi ay nanghoholdap si Kevin ng mga taxi o jeep. Hindi niya sinasama ang mga bata sa ganito dahil delikado. Mayroon kasing may mga dalang armas para sa kanila ding kaligtasan.
Kahit na madalas niya sabihin na isa siyang “masamang” tao, hindi siya kailanman nanakit o nakapat*y ng tao. Ang dala niya ay lagi lang panakot.
Pumara siya ng taxi.
Lihim na nagdiwang ang kanyang kalooban nang bumungad sa kanya ang isang matanda na may malaking ngiti sa munti nitong mga labi. Hindi niya sinuklian ang ngiti nito.
“Sa may Avenida ho,” walang emosyon na sabi niya.
“Sir, sa ibang daan ko ho kayo idadaan dahil masyado ho’ng matrapik sa orihinal na ruta, ayos lang ho ba?” nakangiting tanong ng matanda.
Umaayon sa akin ang pagkakataon, nagagalak na sabi niya.
“Sige ho,” yun naman talaga ang inaasahan kong sasabihin mo, dagdag pa ng isipan niya.
‘Pag kasi umiba ito ng ruta, magkakaroon siya ng pagkakataon na pagnakawan ito pag napunta sila sa isang madilim na parte ng daan.
Mabuti naman at magiging madali ang gabing ito. Makakauwi agad ako. Yun ang nasa isip niya habang marahan ang pagpapatakbo ng matanda sa taxi.
“Sir, ilang taon na ho ba kayo?” maya-maya ay tila hindi na nakatiis sa nakabibinging katahimikan na nagtanong ang matanda.
Aasik sana siya kaso nang makita niya ang nakangiti nitong mga mata ay hindi siya nagkalakas ng loob na biguin ito.
“Bente nuwebe ho,” hindi lumilingong sagot niya rito.
“Ah, kaedaran mo lang ang anak kong si Kevin,” maya-maya ay sabi nito.
Bahagyang napalingon si Kevin sa lalaki. May malungkot na ngiti ito, at tila may malalim na iniisip habang nakatutok sa pagmamaneho.
Hindi pa rin siya nagsalita.
Maya-maya ay nagpatugtog ito. Tila may nagliparang paru-paro sa kanyang sikmura nang narinig ang paboritong awitin na kanyang ama.
“Kung ang lahat ay may katapusan, ito’ng paglalakbay ay makararating din sa paroroonan… At sa ‘yong paglisan, ang tanging pabaon ko ay pag-ibig…” pagsabay ng driver sa tugtog.
“Paboritong kanta yan ni tatay,” hindi napigiliang bulong niya na narinig naman ng katabi niya.
“Naku, hijo, paborito ko rin ‘yang kantang ‘yan!” Nakangiti na ito.
Ipinilig ni Kevin ang kanyang ulo. Hindi niya maaring malimutan ang kanyang tunay na pakay!
Kaya naman nang malapit na sila sa madilim na parte na pinakaaabangan ni Kevin ay inihanda niya na ang dalang patalim.
“Manong, para ho diyan sa kanto!” mataas ang boses na sabi niya na agad naman nitong sinunod.
“Holdap ‘to!” Sa wakas ay deklara ni Kevin.
Hindi man lang kakikitaan ng kaunting takot ang mukha ng matanda.
“Hijo, alam kong gipit ka, pero ‘wag kang kumapit sa masama…” marahan nitong sabi.
Tila narinig niyang muli ang laging paalala sa kanya ng ama noon.
“Ibigay mo na lahat sa akin manong kung ayaw mong masaktan! Akin na ang wallet mo!” mariin niyang sabi rito upang labanan ang konsensiyang umuukilkil sa kaniya.
Tila noon naman nakadama ng takot ang matanda. “Hindi ko maaring ibigay sa’yo ang wallet ko! Hindi ko maaring makalimutan ang itsura ng pamilya ko!”
Kahit nagtataka si Kevin ay sapilitang nitong inagaw ang wallet ng pobreng matanda. Nag-agawan sila sa wallet hanggang isang nahulog na larawan ang umagaw ng kanilang atensiyon.
Isang family picture na pamilyar na pamilyar kay Kevin. Ang huli nilang family picture bago nangyari ang malagim na trahedya.
Bumakas ang matinding pagkalito sa kanyang mukha. “P-paanong? Bakit mayroon ka nitong picture ng pamilya ko?”
Mas matinding pagkagulat ang makikita sa mukha ng matanda. “Anong ibig mo’ng sabihin? Pamilya ko ‘to!” Litong-lito rin ang matanda.
May posibilidad na kalilangan kumpirmahin si Kevin.
“T-tatay?” nanginginig na bulong ni Kevin.
“Ako ‘to, si K-kevin.” Bumuhos na ang luha niya.
“K-k-kevin?” kandautal-utal na sambit nito sa kanyang pangalan.
Tumango siya.
“Anak!” sinugod siya nito ng mahigpit na yakap.
“Tatay!”
Sa matagal na sandali ay nguyngoy lamang ng mag-ama na matagal na nawalay sa isa’t isa ang maririnig sa loob ng sasakyan.
Napag-alaman ni Kevin na napadpad sa malayong isla ang ama. Nang magkamalay ito ay nalaman nito ang sinapit ng kanilang pamilya kaya nagtagal ito sa isla upang magluksa. Hindi din nito alam na buhay pa pala ang nakatatandang anak.
“Anak, kumusta ka na?” tanong ng ama.
“Ito, ‘tay. Namali ng landas,” pag-amin niya sa ama.
Nakauunawang tumango ang ama.
“Nandito ako, anak. Itutuwid natin ang landas mo. Hindi pa huli ang lahat.”
Umiiyak na tumango si Kevin sa ama. Siguradong matutuwa ang mga batang inampon niya. Muli silang magkakaroon ng ama na mag-aaruga at magtutuwid sa naliligaw nilang mga landas.