Sikat na sikat ang bandang CLOVER. Paano ba naman ay binubuo ito ng anim na ubod ng gaganda at seksing mga miyembro na sina Claire, Lyra, Orin, Via, Elise at Reese.
Isa lamang si Lilac sa milyung-milyong tagahanga ng nasabing grupo. Mahilig kasi siyang umawit at sumulat ng awitin kaya ganun na lamang ang kaniyang pag-idolo sa mga ito. Gusto niya na maging kasing galing ng mga ito.
“Anak, baka naman napapabayaan mo na ang pag-aaral mo sa kaka-CLOVER mo, ha!” paalala ng inang si Aling Nerissa isang gabi kay Lilac.
“Ma, ano ka ba naman? Ako pa ba?” pabirong pang-uuto ni Lilac sa ina habang nagpapanggap na gumagawa ng takdang-aralin kahit ang totoo ay nanonood siya ng mga videos tungkol sa CLOVER.
“Sinasabi ko sa’yo kapag bumagsak ka susunugin ko ‘yang mga poster sa kwarto mo!” pabirong pananakot naman ni Aling Nerissa.
Nagkatawanan ang mag-ina.
Kasalukuyang naglalaba si Aling Nerissa nang gulantangin siya ng malakas na tili ng kaniyang anak. Halos mapatid pa siya sa pagtakbo sa pag-aakalang may nangyari dito.
Ganun na lamang ang kaniyang inis nang madatnan ang kaniyang anak na nagtatatalon sa kwarto habang hawak ang cell phone nito.
“Ano na naman ba ito, Lilac? Bakit napakalakas naman yata ng tili mo? Hindi ka man lang ba nahihiya sa mga kapitbahay?” sita niya sa anak. “Ma! Magkakaroon na ng concert ang CLOVER!” sagot ni Lilac.
“Eh, ano ngayon?” Papilosopong sagot ni Aling Nerissa sa anak. “CLOVER na naman!” sa isip-isip niya. Maarteng itinirik pa niya ang bilugan niyang mata.
“Ma! Birthday ko na. Regalo mo na ‘to sa akin!” tatawa-tawa at malambing na kumapit si Lilac sa braso ng ina.
“Siya, siya! Pag-iisipan ko!” sagot ng ina.
Mabilis na lumipas ang mga araw. Habang patuloy ang pag-angat ng grupong CLOVER sa tugatog ng tagumpay ay padami din nang padami ang bumabatikos sa kanila.
May issue na wala daw galang ang mga babaeng miyembro sa mga mas matatanda sa industriya. Naninigaw daw ang mga ito kapag hindi nakuha ang gusto. At madami pang iba.
Sa dinami-dami ng mga issue ay hindi na ito mabilang ni Lilac. Wala din naman siyang balak na paniwalaan ang mga ito hangga’t hindi niya ito nasasaksihan gamit ang kaniyang paningin at pandinig.
Katwiran niya pa, “Mukha silang anghel lalo na si Claire. Imposible ‘yan!” Madalas tawanan ng kaniyang ina ang pagtatanggol niya sa iniidolong grupo.
Dumating na ang araw ng concert.
Sa kapipilit ni Lilac ay napilit niya rin ang kaniyang ina na sumama sa kaniya na manood ng concert ng grupo. Gusto niyang makita ng kaniyang ina na talaga namang karapat-dapat idolohin ang CLOVER.
Naroon na sila sa hotel na pagdarausan ng concert nang mawalay sa paningin ni Lilac ang kaniyang ina. “Saan kaya siya nagpunta?” bulong niya habang sinusuyod ng tingin ang paligid.
Inisa-isa niya ang bawat likuan sa hallway na kinatatayuan niya at nang may maulinigang mahihinang boses sa isang silid ay hindi niya napigilan ang kaniyang sarili na sumilip at makinig.
Gulat na gulat siya dahil nakita niya doon ang kaniyang nanay na tila hawak ng security habang nakaharap sa nakapamewang na si Claire, ang paborito niyang miyembro ng CLOVER!
Susugod na sana siya nang marinig ang maanghang na pahayag ng kaniyang idolo na tila naka-direkta sa kaniyang ina.
“Hindi mo ba alam na napakamahal ng damit na ito? Tatapunan mo lang ng kape?” walang galang na sabi ni Claire. ‘Di alintana ang agwat ng edad nito sa kausap.
“Pasensiya na. Hindi ko naman sinasadya. Handa naman akong bayaran ang damit kung kailangan,” pakiusap ni Aling Nerissa.
“Puwede mong bayaran pero anong susuutin ko?” nanggigigil na sabi ni Claire. Nanatiling nakayuko ang ina ni Lilac.
Ang iba namang miyembro ng CLOVER ay tila mga bato na walang pakialam sa komosyon na nagaganap.
Naikuyom ni Lilac ang kaniyang kamao. Akmang susugod na siya upang ipagtanggol ang ina nang magsalita ito.
“Hija, hindi ba’t ikaw si Claire ng CLOVER?”
Tila nabigla naman si Claire sa sinabi ni Aling Nerissa. Mukhang sandali niyang nalimutan na siya ay artista.
“Huwag kang mag-alala. Wala naman akong plano na isiwalat ang nangyari o siraan ka o ang banda ninyo,” pagpapatuloy ng ginang.
Sa wakas ay tila nakuha ni Aling Nerissa ang atensiyon ng ibang miyembro.
“Gusto ko lang sabihin na sana ay hindi maapektuhan ng pangyayaring ito ang performance ninyo sa concert mamaya. Masugid niyo kasing tagahanga ang aking anak at ayokong madismaya siya,” tila nahihiyang pakiusap ng ina ni Lilac.
Natameme naman ang magkakabanda sa sinabi ng babae.
Mayamaya lang ay binitawan ng security si Aling Nerissa.
Samantala, si Lilac naman ay nasa magarbong restroom ng hotel at tahimik na pinupunasan ang kaniyang luha. Ayaw niyang malaman ng ina na nasaksihan niya ang lahat.
“Ma?” tawag ni Lilac sa ina na palinga-linga at tila hinahanap si Aling Nerissa.
“Anak, saan ka nanggaling? Magsisimula na ang concert!” Tarantang sabi ni Aling Nerissa. “Ma, masama ang pakiramdam ko. Kumain na lang tayo dito sa hotel,” lambing ni Lilac sa ina.
“Sigurado ka? Paano na ang concert na matagal mong hinintay, anak?” takang tanong ng ina. “Sa susunod na lang siguro, ma,” tugon ni Lilac.
Habang nakakapit sa braso ng ina ay maraming naglalaro sa isipan ni Lilac. Masyado siyang nagpokus sa pag-idolo sa CLOVER na hindi naman karapat-dapat. Nakalimutan niya tuloy na may isang mas dapat idolohin dahil sa taglay nitong kabutihang loob at kakayahang magmahal, ang kaniyang ina.