Ano ang Nangyari kay Papa?
Umiiyak na umuwi si Aling Maylene sa pagkadating sa bahay nila. Nakatanggap kasi siya ng balita mula sa mga katrabaho ng kaniyang asawang nasa abroad. Nasa Amerika kasi ang kaniyang asawang si Mang Joseph at doon nakipagsapalaran at sinuwerte namang nakahanap ng permanenteng trabaho roon.
Halos magdadalawang taon na rin ang nakalilipas simula nung umalis ito ng bansa para magpunta sa Amerika at magtrabaho roon. Nakatakdang na sana itong umuwi ngayong parating na Pasko sa taong ito nguni’t sino ang mag-aakalang hindi na pala makakauwi pa ang kaniyang asawa kahit kailan.
Napaupo na lamang sa kanilang sala si Aling Maylene pagkadating niya sa kanilang bahay. Humagulgol siya ng iyak sa sobrang sakit ng balitang kaniyang natanggap. Agad namang nagsilabasan sa kanilang mga kwarto ang kaniyang dalawang anak na sina Gabby at Robin.
“Ma, bakit? Ano po ba ang nangyari at umiiyak kayo ng ganiyan?” natataranta at nag-aalalang tanong ng panganay anak na si Gabby.
“Ma, bakit po ikaw umiiyak?” naiiyak na rin na tanong ng bunsong si Robin habang pinupunasan ang mga luha ng kanilang ina.
Niyakap naman sila ng mahigpit ni Aling Maylene. Mas napahagulgol ang ginang dahil ngayon ay mag-isa niya na lamang palalakihin ang kanilang mga anak. Iniwan na sila ng ama ng mga ito. Hindi na mararanasan ng kaniyang mga anak ang pag-aaruga at gabay ng isang ama.
“Wala na ang papa niyo? Naaksidente siya sa Amerika. Iniwan niya na tayo,” nahihirapang paliwanag ni Aling Maylene sa dalawang bata.
“Po? Hindi na po babalik pa si papa?” hindi makapaniwalang tanong ni Gabby sa kanilang ina.
Bigla namang umiyak ang bunsong si Robin dahil sa nalaman.
Nag-iyakan silang tatlo at nagluluksa sa pagkawala ng haligi ng kanilang tahanan.
Lumipas ang ilang taon at pareho ng nagbinata sila Gabby at Robin. Mag-isa silang itinaguyod ng kanilang inang si Aling Maylene.
Galit na galit na dumating si Gabby sa kanilang bahay. Agad niyang hinanap ang kaniyang ina at kinompronta ito. May nakapagbalita kasi sa kaniya ng totoong nangyari sa kanilang ama makalipas ang mahabang panahon.
“Mama, totoo bang hindi totoong nam*tay si papa sa Amerika? Hindi siya totoong nam*tay dahil ang totoo ay iniwan niya tayo dahil may iba na siyang pamilya doon! Ipinagpalit niya tayo sa bago niyang pamilya!” pasigaw at galit na galit na tanong ni Gabby sa ina na kalalabas lang sa kusina.
“At saan mo naman narinig ang balitang iyan?” kalmadong sagot ni Aling Mylene.
“Kay Uncle Santi! Nakita niya sa Amerika si papa kasama ang bago niyang pamilya. Nung una daw ay akala niya ay namamalikmata lamang siya o baka naman nagkakamali lang pero nasundan ang mga ‘di sinasadya nilang pagkikita hanggang sa tuluyan niya na ngang nakompirma na si papa nga iyon! May alam ka ba rito?” may halong pag-aakusang tanong niya sa ina.
Nagulat naman si Aling Maylene sa sinabi ng anak. Bigla itong nahilo at muntik ng bumagsak sa sahig. Agad namang lumapit ang anak niya at sinalo siya.
“Ma, okay ka lang ba?” biglang kumalma si Gabby at nag-aalalang tinanong ang ina.
Nadala ang binata sa bugso ng kaniyang damdamin at nakalimutan niyang may sakit nga pala sa puso ang kanilang ina.
“Okay lang ako, anak. Nabigla lang ako. Pakikuha na lamang ng aking gamot na nasa aparador,” nanghihinang utos ni Aling Maylene sa anak. Sinunod naman ni Gabby ang ina at pagkatapos ay inalalayan ito pabalik sa kwarto para makapagpahinga na.
Nag-ipon sina Gabby at Robin at pinuntahan nila sa Amerika ang kanilang ama.
Buti na lamang at alam ng uncle nila kung saan na ito ngayon nakatira. Nagtungo sila sa bahay kung saan nakatira ang kanilang ama kasama ang bago nitong pamilya. Nakangiti silang pinagbuksan ng Amerikanang asawa nito.
“Hi. We’re looking for Joseph Magdayaw?” bati at tanong ni Gabby sa babae. “I’m sorry but we don’t know any Joseph Magdayaw,” naguguluhang sagot naman ng babae na nagpakunot din sa noo ng dalawang lalaki.
“Honey, do you know any Joseph Magdayaw?” sigaw ng babae sa asawa nito. Lumabas naman galing sa kusina ang lalaki at lumapit sa asawa.
Ito nga. Ito nga ang papa nila.
Kusa namang gumalaw ang katawan ni Robin at biglang niyakap ang ama. Punung-puno ng pangungulila at pagkasabik sa ama ang mga yakap ng binata.
Nagulat naman ang mag-asawa sa inasta ng binata.
“Don’t you remember us?” nag-iigting ang mga bagang na tanong ni Gabby sa ama.
Lumungkot naman ang ekspresyon ng mukha ng babae at ng kaniyang ama.
Pinapasok sila ng mag-asawa sa bahay para makapag-usap sila ng mabuti.
Napag-alaman ng magkapatid na totoo ngang naaksidente ang kanilang ama at napabalitang nakasama sa mga nam*tay ngunit natagpuan si Mang Joseph ng babaeng nasa tabi nito ngayon at inalagaan. Walang ideya ang babae kung sino ang lalaki dahil wala rin itong maalala.
Lumipas ang mga taon at nahulog ang loob ng dalawa sa isa’t isa hanggang sa napagdesisyunan nilang huwag nang alamin ang nakaraan ni Mang Joseph at magsimulang muli.
Labis na nasaktan ang dalawang magkapatid dahil sa pagtalikod na ginawa ng kanilang ama sa kanila.
Humingi naman ng paumanhin si Mang Joseph sa kaniyang dalawang anak at pati na rin sa kanilang ina na si Aling Maylene. Pero nangyari na ang nangyari at wala na silang magagawa kung ‘di tanggapin na lamang ang mga pangyayaring naganap sa buhay nila. Wala din naman silang masisisi.
Bumalik ng Pilipinas ang dalawang magkapatid. Napagdesisyunan nilang dalawa na ilihim na lamang sa kanilang ina ang totoo dahil paniguradong masasaktan lang ng husto ang kanilang ina.
Bagama’t nasaktan sila ng labis sa kanilang nalaman ay nagpapasalamat na lang din ang dalawa dahil kahit papaano ay buhay pa ang kanilang ama. Umaasa sila na sana balang araw ay muling bumalik ang alaala ni Mang Joseph at balikan sila nito sa Pilipinas.