Inday TrendingInday Trending
Sa Likod ng Kasinungalingan

Sa Likod ng Kasinungalingan

“Welcome to the Philippines, David Harrison!” sigaw at nakalagay sa isang malaking banner ng isang dalaga. Ito ata ang kinausap ng kaniyang mommy na susundo at mag-aasikaso sa kaniya habang nasa Pilipinas siya. Ito ang magiging personal secretary niya at tutulong sa kaniyang mga kailangan habang nasa Pilipinas siya.

Kalalapag lang ng eroplanong sinakyan ni Dave galing sa Amerika. Ito ang unang beses na makakaapak siya sa lupang sinilangan simula nung magka-isip siya. Sa Amerika kasi siya lumaki at nagka-isip. Dinala siya doon ng kaniyang mga magulang upang ilayo sa gulo ng buhay nila sa Pilipinas at upang mas mabigyan ng maginhawa at tahimik na buhay.

“Hello, you are?” tanong ni David sa dalagang may hawak ng banner.

“Shiela. Shiela Molina po. Your personal secretary during your stay here in the Philippines. Mrs. Harrison already informed me of the things that you need to do while you are here in the country and you don’t need to worry about anything, Mr. Harrison, because I can definitely help you with your needs,” masigla at nakangiting sagot ng dalaga sa kaniya.

“Good. I’m looking forward to your great service,” seryosong saad ni David at nauna nang sumakay sa sasakyang inihanda para sunduin siya.

Si David Harrison ang nag-iisang anak ng isang mayamang negosyante sa Amerika at Pilipinas. Bagama’t nasa Amerika ang halos lahat ng kanilang mga negosyo ay mayroon din namang iilan na nasa Pilipinas. Lalo na’t isang Pilipina ang kaniyang ina.

Ipinanganak si David sa bansang Pilipinas pero agad din siyang dinala noong siya ay sanggol pa lamang sa Amerika ng kaniyang ina. Pinalaki siya nito sa paniniwalang anak siya ng asawa nitong Amerikano na si Mr. Harrison.

Wala namang pagkukulang sa kaniya ang kaniyang mga magulang. Pinalaki siya ng mga ito na puno ng pagmamahal at pag-aaruga. Itinuring siyang tunay na anak ng kaniyang kinalakihang ama kaya naman kahit may kaunting pagdududa ay hindi niya na lamang ito inintindi at ipinagpatuloy ang tahimik at payapang pamumuhay kasama ang kaniyang mga magulang sa Amerika.

Ngunit kailan lang ay kinausap siya ng kaniyang ina. Ipinagtapat nito sa kaniya ang lahat. Na kasinungalingan lamang ang kaniyang pagkatao. Hindi siya totoong anak ng mag-asawang nagpalaki sa kaniya.

Akala ng binata ay agad niya ring matatanggap ang katotohanan dahil kahit hindi man siya tunay na kadugo ng kaniyang mga magulang ay hindi niya naman iyon naramdaman kahit isang minuto lang ng kaniyang buhay.

Ngunit gaya nga ng sabi ng kaniyang kinalakihang ina na si Mrs. Harrison ay mas mabuti na alamin niya din ang tunay niyang pagkatao upang wala siyang pagsisihan sa kaniyang buhay. Hindi niya naman kailangang manatili o balikan ang kaniyang tunay na pamilya. Aalamin lang niya kung sino at saan talaga siya nagmula.

Pinagbigyan ng binata ang hiling ng kaniyang ina na bumalik muna sa Pilipinas para hanapin at alamin ang tunay niyang pagkatao.

Agad pinuntahan ni David ang bayan kung saan siya kinuha nang kaniyang ina.

Ang sabi ng kaniyang kinilalang ina ay ibinigay siya ng isang dalaga nung ito ay nasa simbahan at taimtim na nagdarasal na sana ay magka-anak na siya. Ilang taon na kasi ang ginang noon at hindi pa rin ito nagkakaanak.

Sakto naman na narinig ng dalaga ang panalangin ng ginang kaya ibinigay nito ang hawak na sanggol at walang pasabing umalis.

Hindi na nagkaroon ng pagkakataon na magtanong pa ang ginang sa dalaga dahil nung hinabol niya ito sa labas ng simbahan ay wala na ito. Para bang naglaho ito ng parang bula.

Ituring naman si David ng kaniyang kinalakihang ina na kasagutan sa hiling nito sa Diyos at itinuring na tunay nitong anak.

Wala sana itong plano na ipaalam kay David ang katotohan ngunit napagtanto ng ginang na wala siyang karapatan na ipagkait ang katotohanan sa kaniya.

Ginawa ng kinalakihang ina ni David ang lahat para hanapin ang kaniyang tunay na pamilya bago sabihin sa kaniya ang katotohanan. Nagawa naman nitong hanapin kung saan nakatira ang dalagang nagbigay ng sanggol.

“Ikaw na ba talaga ‘yan?” hindi makapaniwalang tanong ng babae kay David nung sabihin ng binata kung sino siya at ano ang sadya niya.

Tumango lamang si David. Mabuti na lamang at naturuan siya ng kaniyang kinilalang ina kung paano mag-Tagalog kaya naman hindi na siya nahirapan pang intindihin ang sinasabi ng babae.

Napaluha ang babae at niyakap siya ng napakahigpit. Yakap na puno ng pananabik at pangungulila.

“Patawarin mo sana ako sa aking nagawa, anak. Iyon na lamang ang pinakamaiging paraan na naisip ko noong mga panahon na iyon. Napakabata ko pa nung mabuntis ako ng iyong ama at napakasakitin mo noong sanggol ka pa lamang. Napakasakit sa’kin bilang isang ina na ipamigay ang aking anak pero iyo na lamang ang naiisip kong paraan para patuloy kang mabuhay at mabigyan ng magandang kinabukasan,” lumuluhang paliwanag ng babae kay David.

Ipinaliwanag kay David ng babae ang lahat ng nangyari bago siya nito ipinamigay sa kaniyang kinalakihang ina na si Mrs. Harrison.

Menor de edad pa lamang ang tunay na ina ni David nung ito’y umibig at mabuntis ng isang paring nagsisilbi noon sa simbahan kung saan siya nito ibinigay sa kaniyang kinalakihang ina. Isa siyang bunga ng kasalanan sa Diyos kung tawagin ng mga tao sa kanilang lugar kaya naman naisip ng kaniyang tunay ina na ilayo siya sa lugar na iyon para makapamuhay siya ng tahimik at payapa. Sakto namang narinig nitong nanalangin ang isang mayamang babae na may asawang Amerikano.

Nagpasalamat si David sa kaniyang tunay na ina bago umalis at nagtungo sa kaniyang tinutuluyan. Nasabi niya na rin naman ang gusto niyang sabihin sa babaeng nagluwal sa kaniya sa mundo, ang magpasalamat.

Bagama’t mabigat sa dibdib ang hindi inaasahang rebelasyon na kaniyang nalaman tungkol sa tunay niyang pagkatao ay wala na siyang nagawa kung ‘di tanggapin na lamang iyon.

Bumalik si David sa Amerika at ipinagpatuloy ang kaniyang buhay ngunit sa pagkakataong ito ay alam niyang buo na siya at wala siyang pinagsisisihan dahil alam na niya ang tunay niyang pagkatao. Namuhay man siya sa likod ng isang kasinungalingan ay nalaman naman niya ang buong katotohanan.

Advertisement