Inday TrendingInday Trending
Bakasyon sa Resort

Bakasyon sa Resort

Napagdesisyunan ng pamilya Sober na pumunta sa isang resort para makapagliwaliw at magtanggal ng stress.

Maaga pa lang ay naghanda na ng mga dadalhin ang pamilya. Matapos ang paghahanda ay nagbiyahe na sila papunta sa resort. Tumagal din ng tatlong oras ang biyahe nila ngunit napawi naman ang pagod ng mag-anak nang makita na nila ang resort na kanilang pagtitigilan.

Mapuno at madamo ang resort. Siguradong mare-relax ang taong magbabakasyon rito. Hindi man ganun kaganda ang resort katulad ng dati ay masasabi pa rin namang maayos ang resort.

Pumasok na ang mag-anak sa bahay na nirentahan nila. Iisa lamang ang kwarto nito ngunit malaki at marami namang double deck sa loob ng kwarto. Kaniya-kaniyang lapag ng gamit ang mag-anak at nagpaalam naman si Adrian, ang panganay na anak ni Andrew.

“Pa! Mag-iikot lang kami ni Cehl dito sa resort. Pang profile picture lang sa Facebook,” paalam ng binata sa kaniyang ama. “Oy, Adrian, huwag kayong lalayo ng kapatid mo, ha. Bumalik kayo kaagad,” sagot at paalala ng ama sa mga anak.

“Tara na, kuya! Damihan mo ang pagkuha ng pictures sa akin, ha!” saad ng bunsong kapatid na si Cehl habang naglalakad palabas ng kwarto.

Habang naglalakad ang magkapatid ay natanaw ni Cehl ang isang kuweba at tumakbo papunta doon.

“Hoy, Cehl, saan ka pupunta?!” sigaw ng kuya nito. “Kuya Adrian, kuhaan mo nga ako ng picture dito. Bilis, bilis!” excited na mungkahi ng bunsong kapatid habang kumakaway sa kaniyang kuya para dalian ang paglalakad nito.

Nang makalapit na si Adrian ay agad naman nitong kinuhaan ng litrato si Cehl.

Pose lang ng pose ang dalaga nang may mapansing kakaiba sa litrato ang binata kaya naman binalikan nito ang mga litrato na kaniyang kinuha.

“May babae.” bulong ng binata sa sarili.

Bumalik sa ulirat ang binata nang tapikin siya ng kaniyang kapatid. “Kuya? Kuya? Huy, kuya!” naiinis na tawag ng dalaga. Napatingin ang binata sa kapatid na para bang gulat na gulat.

“Kuya, maganda ba picture ko? Teka. Bakit parang gulat na gulat ka diyan? Lalo ba akong gumanda?” nakakalokong bigkas ng babae habang tatawa-tawa pa.

Nahimasmasan naman ang binata. Agad niyang inaya pabalik ang kapatid sa kanilang pamilya.

Dumating naman ang ilang kamag-anak ng pamilya Sober sa resort. May maliit na get-together sila dahil matagal-tagal na ring hindi nakakapag-bonding ang pamilya at ang mga malalapit nilang mga kamag-anak.

Abalang-abala naman ang ina ni Cehl na si Aling Precy sa pag-intindi ng mga kapamilya nila habang nakikipagkuwentuhan sa mga ito.

Abala sa paggamit ng cell phone si Adrian nang may bumatok sa kaniya kaya agad naman niya itong tinignan kung sino ang humampas sa kaniya.

“Uy, Jerry! Ben! Kumusta? Buti nakarating kayo. Akala ko iiwan niyo na naman ako sa ere, eh!” biro pa ng binata sa kaniyang mga pinsan.

“Nasaan pala si Cehl?” tanong ni Ben.

Luminga-linga si Adrian at hinahanap ang kaniyang kapatid sa paligid. “Nandito lang ‘yun kanina, eh. Saan kaya napunta ‘yun?” luminga rin ang dalawang pinsan nito at hinanap ang dalaga.

“O, tara. Hanapin na lang! Baka kung nasaan lang ‘yun,” wika naman ni Ben.

Nahanap ng magpipinsan ang dalagang si Cehl na kumakain ng barbecue.

“O, Cehl, kain nang kain, ah. Tirhan mo naman kami!” sigaw ni Jerry sa dalaga.

Napatingin naman ang babae sa sumigaw at nanlaki ang mata nito sabay takbo papunta sa lalaki at yumakap na tila ba sabik na sabik dahil sa tagal na hindi nakita ang mga pinsan.

“Kuya Ben! Kuya Jerry! Kumusta? Long time no see, ha!” saad ng dalaga at niyakap ang dalawang pinsan.

Pagkakalas sa pagkakayakap ni Ben ay may sasabihin sana siya ngunit natulala ito nang tignan niya si Cehl. Lumingon ito sa pinsan niyang si Jerry.

Batid naman sa mukha ng dalaga ang pagtataka dahil sa reaksyon ng lalaki. “Ben, may problema ba? Bakit?” tanong ni Cehl sa binata.

“Ah, wala naman,” sagot ni Ben sabay iling.

“Tara, swimming na! Kanina ko pa gustong maligo,” masiglang saad ni Jerry sabay tapik sa balikat ni Ben habang papunta sila sa pool.

Masayang nag-swimming, kainan at naglaro ang buong pamilya maghapon. Alas sais na nang umahon ang magpipinsan sa pool at nag-aya naman si Cehl na mag-ikot raw muli sa resort dahil mare-relax daw ito kapag naglalakad-lakad.

Madilim na ang paligid at iilang poste lamang ang nagbibigay liwanag sa daanan ng resort.

Kuwento nang kuwento ang magkapatid na Cehl at Adrian habang si Jerry naman ay tahimik pa ring naglalakad at patingin-tingin lang sa paligid. Nang makarating sila sa kuweba ay tumigil sa paglalakad sina Jerry at Ben.

Napatigil ang magkapatid at nagtanong. “O, bakit kayo tumigil?” nagtatakang tanong ni Adrian habang kita naman ng dalawa na nakangiti lamang sa kanila si Cehl. “Wala naman. Gabi na kasi at hindi na maganda ang maglakad-lakad ng ganitong oras,” sagot ni Jerry.

“Oo nga. Mukhang malayu-layo na rin ang nalakad natin. Tayo na at bumalik na sa kwarto. Gutom na ulit ako, eh!” dugtong naman ni Ben.

Nagtawanan naman ang magpipinsan at bumalik na sa nirentahang bahay.

Pagkatapos kumain ay nagpunta na ang magpipinsan sa kwartong pagtutulugan nila. Dahil sa pagod at tama ng serbesa kaya lahat sila ay nakatulog agad ng mahimbing.

Naalimpungatan si Jerry nung mga alas tres ng umaga dahil sa tawang narinig nito. Tawang nakakaloko na para bang ito’y nang iinis.

Dahil sa pagtataka ay bumangon si Jerry at hinanap kung saan nanggagaling ang tawa. Umupo ang binata sa gilid ng kama ni Adrian nang maaninag niya si Cehl na nasa tapat ng bintana. Medyo nagulat ang binata dahil akala niya ay tulog pa rin si Cehl at siya lang ang gising noong mga oras na ‘yun.

Tumayo si Jerry at lumapit kay Cehl para tanungin kung bakit gising pa ito ngunit nakatingin lamang ito sa labas ng bintana at tawa lang ito nang tawa. May mga salita rin itong binubulong na para bang may kausap ito sa labas ng bintana.

“Cehl? Cehl? Sinong kausap mo diyan?” tanong ng binata sabay hawak sa braso ng dalaga.

Paghawak ni Jerry sa braso ng dalaga ay agad na humarap ito sa kaniya ngunit hindi inaasahan ng lalake na ibang itsura ang makikita niya.

Isang bruha. Maitim na nanlilisik ang mata at ngiting nakakakilabot ang nakita ng kaniyang mga mata. Hindi maipapaliwanag ng salita ang kahindik-hindik na itsura ng babae.

Sa takot ni Jerry ay napasigaw siya at napaupo sa sahig. Dahilan upang magising sina Adrian at Ben. Agad namang binuksan ng dalawa ang ilaw para malaman kung anong nangyari.

Pagkabukas ng ilaw ay nanlaki ang mga mata ni Ben sa kaniyang nasaksihan. Matagal na tumitig si Ben sa dalaga ngunit nakakuha naman ito ng lakas ng loob para lumapit. Pagkalapit ng lalaki ay bumulong siya sa kaniyang palad at dali-daling itinapal iyon sa noo ng dalaga.

Napasigaw ang dalaga at biglang nawalan ng malay.

Nang bumagsak ang katawan ng dalaga ay agad-agad nagtulong ang magpipinsan at tinali ang kamay at paa nito para hindi ito makapanakit ng iba.

Akmang hihingi na sana ng tulong si Adrian nang biglang gumising ang kaniyang kapatid dahilan upang napatigil siya. “Pakawalan niyo ako!” sigaw ng dalaga.

Ang boses nito ay para bang nanggagaling pa sa ilalim ng lupa. Naging malaki ang boses ng dalaga na tila ba’y nagiging dalawa o tatlo ang lumalabas na boses sa bibig nito.

“Sino ka? Bakit ka nanggagambala dito?” madiin na tanong ni Ben. “Huwag kang mangialam!” galit na galit ng saad ng dalaga. Nanlilisik ang mata nito at gigil na gigil na makaalis.

“Anong huwag mangialam? Ikaw ang nakakaperwisyo dito! Umalis ka na sa katawan ng babaeng ‘yan kung ayaw mong masaktan!” matigas na sabi ni Ben.

Nagpupumiglas pa rin ang dalaga.

Inutusan ni Ben si Adrian na magdasal habang sila ni Jerry ay nagriritwal sa loob ng isang hugis bilog upang makalaban kung ano ang sumanib sa dalaga.

Sumigaw ang dalaga nang bumulong si Ben sa kaniyang dalawang daliri at idinikit sa tagiliran ng dalaga. Halos hindi makahinga ang babae sa sakit na nadarama nito.

“Ano? Gusto mo pa? Matigas ka, ha! Hindi ka aalis?” gigil na saad ni Ben. “Hindi! Hindi ako aalis! Akin na ang katawang ito! Mahahanap ko rin siya! Hahanapin ko siya…”

Hindi na natuloy ang sasabihin pa ng dalaga nang idinikit ni Jerry ang kaniyang daliri sa lalamunan ng babae. Naghahabol ng hininga ang babae na para bang nakabalot ang ulo nito sa plastik.

Agad rin namang tinanggal ito ni Jerry at si Ben naman ang kumalaban sa babaeng sumapi sa dalaga.

“Kuya Jerry, anong nangyayari? Hindi ko maintindihan,” naguguluhang tanong ni Adrian. “Napasukan ng ibang nilalang ang katawan ng kapatid mo, Adrian. Nung una ang akala ko ay sumusunod lang ito sa kapatid mo nung una kong nakita ang babae sa likuran niya. May masamang binabalak pala ito,” seryosong sagot ng lalaki.

“Babae? Ito ba? Ito ba ang itsura niya?” sabay pakita ni Adrian ng litrato ni Cehl sa kuweba na kinunan niya. “Siya nga! Matigas ang isang ‘yan,” sagot ng lalaki.

“Mabuti na lamang at pumunta kami dito at may alam kami sa ganitong bagay. Kung nagkataon ay baka nalinlang na kayo ng babaeng ‘yan na siya ang kapatid mo,” dugtong pa ni Jerry.

Umabot ng dalawang oras ang pakikipagtunggali ng magpipinsan sa babae hanggang kumalma na ito at lumuha nang lumuha.

“O, matapos mong mangbulabog ay iiyak-iyak ka ngayon? Ano? Kaya mo pa?” inis na saad ni Ben sa babae.

“Hahanapin ko siya. Hahanapin ko…” paulit-ulit na sabi ng dalaga habang lumuluha.

“Sinong hahanapin mo? May gagawan ka ng masama? Eh, kung pasab*gin kita sa loob ng katawan na iyan!” inis na saad ni Jerry na nauubusan na ng pasensiya. “Maghihiganti ako! Hahanapin ko siya! Magbabayad siya sa ginawa niya sa akin at sa anak ko!” galit na galit na sigaw ng babae.

“Anong nangyari sa’yo? Bakit gusto mong maghiganti?” tanong ni Jerry. “Pinagsamant*lahan niya ako! Wala siyang awa! Ang anak ko!” sigaw ng babae habang nakahawak sa kaniyang tiyan. Iyak pa rin ng iyak ang babae.

“Umalis ka na diyan. Walang kasalanan ang babaeng sinaniban mo. Hanapin mo ang kapatawaran sa puso mo para makatawid ka na sa kabila. Ipagdarasal ka na lang namin at ipagtitirik ng kandila. Magpahinga ka na,” kalmadong wika ni Ben sa babae.

Tumingin ang babae kay Ben at tumigil na ito sa pagluha. Lumapit naman ang lalake at bumulong sa palad niya at itinapal ito sa noo ng babae. Bumagsak ang katawan ng babae sa kama.

Humigop ng hangin si Ben at sinabing, “Balik!”

Sabay huminga ng malalim ang dalaga at nagtanong kung anong nangyari. Agad-agad na humingi ng tubig ang dalaga dahil sobrang uhaw daw nito. Bumulong naman si Jerry sa baso bago ito inumin ng dalaga. Dinasalan ng magpinsan ang babae bago sila matulog muli para hindi na ito pasukan ng kung anu-ano pang nilalang.

Pagdating ng umaga ay agad namang bumili ng kandila ang magpipinsan at nagtirik sa may daan malapit sa kuweba. Inalayan din ng apat ng taimtim na dasal ang babae upang makatawid na ito sa kabilang buhay.

Matapos ng insidenteng iyon ay napagdesisyunan ng magpipinsan na isekreto na lamang ang pangyayari.

Hindi man napag-uusapan ng magpipinsan ang pangyayari sa tuwing magkikita sila ay hinding-hindi naman nila ito malilimutan sa kanilang isipan.

Advertisement