Inday TrendingInday Trending
Buhay ng Isang Working Student

Buhay ng Isang Working Student

“O, Ann, ngayon na lang ulit kita nakita dito sa tambayan, ha?” bati ni Tope sa kaniyang matalik na kaibigan na matagal na niyang hindi nakita sa paaralan. Hindi niya rin ito nagawang kamustahin noon dahil sa pagkaaligaga sa mga gawaing pampaaralan. “Napasok ka pa pala?” tanong niya nang mapansing nakauniporme pa ang dalaga.

“Oo naman! Sira ka talaga! Dumidiretso na kasi ako kaagad sa trabaho ko pagtapos ng klase ko, hindi katulad dati na palagi akong nakatambay rito,” paliwanag ni Ann sabay inom ng binili niyang softdrinks.

“Ah, gano’n ba? Edi ibig sabihin may klase ka pa mamaya o wala kang trabaho ngayon? Napadalaw ka rito, eh,” pang-uusisa pa nito saka naupo sa kaniyang harapan.

“Wala na akong klase, pero may trabaho pa ako. Wala lang, napapagod na kasi ako, eh. Gusto muna magpahinga, hirap na hirap na kasi akong pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho, nakakasaid ng utak pati na lakas,” nakatungong daing niya nagulat naman siya nang tapik-tapikin siya ng binata.

“Naku, kaya mo ‘yan! Bilib nga ako sa’yo, eh!” sambit pa nito.

“Hindi ko na alam ang gagawin ko,” buntong hiningang ‘ika niya, unti-unti nang gumigilid ang luha sa kaniyang mga mata. Tutulo na sana ito nang mapansin niyang parating ang isa niyang guro sa isang asignaturang hindi niya napapasukan. Agad niyang pinigilan ang luha saka tumungo upang huwag makilala. Pasipol-sipol lang ang binata sa harapan niya upang huwag rin siya mapansin.

Labing siyam na taong gulang pa lang ang dalagang si Ann at kasalukuyang nag-aaral ng kolehiyo kasabay ng kaniyang pagtatrabaho sa isang kainang hindi kalayuan sa paaralang kaniyang pinapasukan.

Napilitang magtrabaho sa isang kainan ang dalaga simula noong sabihin sa kaniya ng kaniyang ina na hindi na siya kayang pag-aralin nito. Wala na kasi ang kaniyang ama at ang tanging kumikita lamang sa kanilang pamilya ay ang kaniyang inang may edad na rin. Hindi naman niya maasahan ang kaniyang mga nakatatandang kapatid dahil nga may mga sariling pamilya na rin ito.

Kaya naman kahit na hirap, tinitiis ng dalaga ang lahat para lamang makapagtapos ng pag-aaral at makatulong kahit paano sa kaniyang ina. Ngunit tila napapabayaan niya na ang sarili dahil sa pagod. Madalas nga’y hindi siya nakakapasok sa kaniyang unang klase sa paaralan dahil sa puyat dahilan upang unti-unting bumagsak ang ilan sa kaniyang mga grado na dati’y matataas.

Noong pagkakataong ‘yon sa tambayang kainan ng dalaga, agad siyang napansin ng kaniyang guro kahit pa tumungo na siya. Pinaalis nito ang binatang kanina lang ay kausap niya at siya ang umupo dito.

“Hoy, Tope, nandyan pa ba si Ms. Castro? Nakakainis naman dito pala kumakain ‘yan! Hindi ako nakapasok d’yan kanina kasi nahuli ako ng gising!” bulong ni Ann habang nakatungo pa rin sa lamesa.

“Oo, nandito pa ako. Bumangon ka d’yan, mag-uusap tayo,” ‘ika ng naturang guro dahilan upang mapabalikwas ang dalaga. Agad siyang tinanong nito kung bakit hindi na naman siya nakapasok sa una niyang klase kaninang umaga.

Noong una’y nagdadahilan siya na tinatamad daw siya pero noong mapansin niyang hindi na niniwala ang guro, doon na niya inamin ang sitwasyong kinakaharap niya.

Kinuwento lahat ni Ann ang kaniyang mga pinagdadaanan dito. Mangiyakngiyak niyang inamin na kaya hindi siya nakapasok ay dahil sa pagod na nararamdaman niya hindi lang sa pisikal kundi emosyonal na pagod na para bang unti-unting kumakain sa buong pagkatao niya. Matiyagang nakinig sa kaniya ang guro at noong matapos siyang magkwento. Habang nagpupunas ng luha, doon na nagsalita ang guro.

“Alam mo, sobrang nakakabilib ka. Pero huwag mong saidin ang sarili mo. Maraming paraan para makapag-aral ka ng hindi nagtatrabaho. Humanap ka ng iskolarship, o ‘di kaya naman magtrabaho ka tuwing walang pasok, hindi ‘yung ganito, araw-araw ang pasok mo. Napapabayaan mo na ang pag-aaral mo. Tandaan mo, mas mahalagang pagtuunan ng pansin ang pag-aaral dahil ‘yan ang magiging puhunan mo upang magkaroon ng magandang trabaho sa hinaharap,” payo ni Ms. Castro sa kaniya saka hiwakan ang kaniyang kamay, “Tutulungan kita, tumigil ka na sa pagtatrabaho,” dagdag pa nito na talaga nga namang nakapagpaluha sa dalaga.

Tinulungan nga siya ng guro sa kaniyang pag-aaral. Bukod sa inaabutan siya nito ng baong pera na hindi naman kalakihan, pinasok siya nito sa iskolarship na pinopondohan ng kanilang paaralan. Labis ang pasasalamat ng dalaga sa guro dahil ngayon, mas napapagtuunan na niya ang kaniyang pag-aaral at nalalasap niya pa ang kaniyang kabataan.

Hindi naman nagtagal, nakapagtapos na rin ang dalaga’t nakakuha na ng trabaho. Kasalukuyan siya ngayong nagtatrabaho sa isang airlines at upang makabawi sa gurong tumulong sa kaniya, kapag wala siyang pasok, pumunta siya sa paaralang pinanggalingan niya at tumutulong sa mga kabataang nag-aaral habang nagtatrabaho katulad niya noon.

Wala nang mas sasaya pa sa dalaga nang makamtan ang pangarap niyang makatapos at ngayon, siya na ang nagiging tulay upang makapagtapos rin ang mga kabataang kapos.

Nalalagay man tayo sa sitwasyong alanganin, mararapat lamang na tayo’y magtiwalang lahat ng ito ay matatapos rin. Makakaahon rin tayo at makakausad sa hirap ng buhay.

Advertisement