Inday TrendingInday Trending
Pagmamahal ng Isang Anak

Pagmamahal ng Isang Anak

“Nasaan ang pitaka ko? Loyda, ang pitaka ko…”

Natigil sa kaniyang pagta-type sa laptop si Loyda nang marinig ang kaniyang inang si Aling Inocencia na hinahanap na naman ang kaniyang pitakang naglalaman ng mga barya nito. Napabuntong-hininga si Loyda. Limang beses na yata nitong hinanap ang pitaka na nasa bulsa lamang nito. Ulyanin na ang kaniyang ina.

“Ma, nasa bulsa po ng daster ninyo.”

Kinapa ni Aling Inocencia ang kaniyang bulsa at naroon nga ang pitaka. Naglintanya at nagkuwento na naman ito ng mga bagay na naaalala niya hinggil sa kaniyang kabataan. Bumalik na si Loyda sa kaniyang ginagawa.

Si Loyda ang bunso sa kanilang magkakapatid. Lahat ng kaniyang mga kapatid ay nasa abroad na. Maalwan ang buhay. May sari-sariling pamilya. Siya, na isang guro sa pampribadong paaralan, walang asawa, at “NBSB”, ang natokang mag-alaga sa kanilang nag-uulyaning nanay.

Retiradong guro at naging punungguro noon ang kanilang ina. Nang matigil ito sa pagtatrabaho, doon na lumabas ang mga senyales ng pagkakaroon nito ng Dementia. May mga panahong gusto nang sumuko ni Loyda. Napapadalas ang sumpong ni Aling Inocencia. Madalas ang pagkalimot sa maraming mga bagay.

May pangarap pa sa kaniyang sarili si Loyda subalit hindi niya magawa dahil nakatali ang kaniyang buhay sa trabaho at sa pag-aalaga sa kanilang ina. Pangarap din niyang makatuntong sa ibang bansa at maipagpatuloy ang master’s degree. Nakapasa siya sa isang scholarship grant sa Barcelona ngunit hindi niya ito tinanggap dahil sa kaniyang ina.

Dumarating sa puntong gumigising siya sa madaling-araw dahil bigla na lang umiiyak ang kaniyang ina sa hindi malamang kadahilanan. Inuungkat nito ang mapapait na karanasan sa panahon ng Hapon, ang pagyao ng kanilang ama, ang hindi magandang trato sa kaniya ng mga naging biyenan, at marami pang iba.

“Anak, halika nga rito,” tawag ni Aling Inocencia kay Loyda. Muntik nang mapamura si Loyda dahil nasa kasagsagan siya ng pagbuo ng kaniyang banghay-aralin. Ayaw niya sanang maabala subalit wala siyang magagawa.

Ipinakikita na naman ni Aling Inocencia ang lumang photo album nito kasama ang kanilang amang si Mang Diosdado. Isinalaysay na naman nito ang kanilang pagkakakilala, hanggang sa sila ay magkahiwalay dahil sa mga sundalong Hapon. Maya-maya, bumuhos na naman ang emosyon sa mga mata ng matanda. Naiyak na naman ito.

Pagkatapos, naamoy ni Loyda na naglabas ng kaniyang kinain ang ina kaya inaya niya ito sa loob ng palikuran upang malinisan. Hindi pa rin sanay si Loyda sa kaniyang ginagawa. Kahit mahal niya ang ina, hindi pa rin niya maiwasang maduwal kapag naaamoy na ang inilabas nitong dumi.

Kapag tulog na ito, napapaisip si Loyda. Paano naman ang pansarili niyang kaligayahan? Paano kaya kung iwan niya ang kaniyang ina? Paano kung pakiusapan niya ang mga kapatid na kunin na lamang si Aling Inocencia upang mabantayan nila?

Isang umaga, habang nasa paaralan si Loyda at ginagampanan ang kaniyang tungkulin bilang proctor sa pagsusulit, isang text ang natanggap niya mula sa tagapangalaga ng ina habang nasa trabaho siya. Iyak daw nang iyak si Aling Inocencia. Hinahanap si Lucilla, ang panganay niyang kapatid. Kinailangang magpaalam ni Loyda sa punungguro upang makauwi at mapatahan ang ina. Pumayag naman ito.

Pagdating sa bahay, nagulat si Loyda dahil hindi siya kilala ni Aling Inocencia.

“Sino ka? Anong ginagawa mo sa pamamahay ko? Nasaan si Lucilla? Si Edgardo? Si Lupita?” tinatawag ng kaniyang ina ang mga kapatid na nasa abroad.

“Ma, ako po ito, si Loyda…”

“Sinong Loyda? Wala akong kilalang Loyda…” sabi ni Aling Inocencia.

Hindi kinaya ni Loyda ang narinig mula sa kaniyang ina. Bumuhos ang kaniyang damdamin.

“Ma… ako po si Loyda, ang bunsong anak ninyo na nag-alaga sa inyo, nang iwan kayo nina Ate Lucilla, Kuya Edgardo, at Ate Lupita. Isinakripisyo ko po ang aking mga pangarap para sa inyo, isinakripisyo ko po ang aking sarili para sa inyo. Mahal ko po kayo ma. Ako po si Loyda,” umiiyak na sabi ni Loyda.

Napahinto si Aling Inocencia. Lumapit siya kay Loyda. Kumuha ng bimpo at pinunasan ang luha ng anak. “Loyda… Loyda ko… ang pinakamamahal kong Loyda,” naiyak na sabi ni Aling Inocencia. Niyakap niya si Loyda at hinalikan sa pisngi. Niyakap na rin siya ni Loyda.

“Sorry ma, sorry po. Hindi po ako nanunumbat. Mahal na mahal ko po kayo. Hindi ko po ito ginagawa dahil wala akong choice. Ginagawa ko po ito dahil kayo po ang pinipili ko,” sabi ni Loyda sa ina. Kinuha niya ang isang kamay nito at ginagap nang mahigpit.

Mula noon, ipinangako ni Loyda sa kaniyang sarili na hindi na niya susumbatan ang kaniyang ina sa pag-aalaga niya rito, gaya ng hindi nito panunumbat sa pagtataguyod nito nang mag-isa sa kanilang magkakapatid.

Advertisement