Kung Saan-saan Niya Ipinaparada ang Sasakyan; Tinatakot Niya Pa ang mga Nagrereklamo Gamit ang Baril

Kahit wala namang sariling bakuran o espasyo sa labas ng kanilang bahay ang pulis-pulisang si Gorio kung saan niya pupwedeng iparada ang pinapangarap niyang sasakyan, kumuha pa rin siya ng hulugang kotse sa kaniyang kaibigan. 

At dahil nga wala naman silang espasyo sa tapat man o likod ng kanilang bahay dahil tabing kalsada lang ang kanilang tirahan, kung saan-saan niya ito pinaparada sa tuwing hindi niya ginagamit. 

Kung hindi niya ito ipa-park sa isang bakanteng lote sa tabi nilang bahay kung saan madalas naglalagay ng mga paninda ang kanilang kapitbahay, sa tabing daan niya ito ilalagay na madalas, nagiging sanhi ng pakikipagtalo niya sa kaniyang mga kapitbahay at mga taong nadaan sa kalsada.

Malaking abala man ito sa halos lahat ng taong nasa paligid niya, pinasawawalang-bahala niya lamang ito at sa tuwing nagsisimula nang magbunganga ang kapitbahay niyang hindi makapagtinda sa bakanteng lote o kaya kapag nagreresulta ng trapiko sa kalsada ang kaniyang sasakyan, siya’y agad na makikipagbungangaan.

Kapag siya’y narindi na sa mga sinasabi ng mga taong galit sa kaniya, agad na niyang hihimasin ang biniling baril sa harapan ng mga ito dahilan para palagi siyang manalo sa kahit anong argumento.

“Ang kikitid ng utak niyo, ha? Siguro, dapat na kayong patahimikin!” panakot niya sa mga ito kaya madalas, siya’y pinagbibigyan na lamang.

Sa katunayan, ang baril niyang ito ay hindi naman talaga lisensyado. Binili niya lang ito nang patago sa isa niyang katrabaho sa pabrika na may kakilala sa pagawaan ng mga baril. Kahit pa ganoon, ni minsan, hindi siya natakot na ipakita ito sa mga kapitbahay na nagagalit sa kaniya dahil sa kaniyang sasakyan.

Isang araw, maaga siyang nagising dahil sa balita ng kaniyang ina.

Advertisement

“Hoy, Gorio! Gumising ka riyan at alisin mo ang sasakyan mo sa bakanteng lote! Nabalitaan kong nasa Pilipinas na ang may-ari niyan at tiyak na pupunta rito!” sabi ng kaniyang ina.

“Hayaan mo nga sila, nanay! Kapag naman nand’yan na ang may-ari, pupwede ko namang tanggalin kaagad!” inis niyang sigaw dito saka agad na nagtalukbong ng kumot.

“Baka nakakalimutan mo, Gorio, pribadong pag-aari ‘yong lupa sa tabi! May nakalagay ngang ‘No Trespassing’, hindi ba? Kaya nga hindi na nakapagtitinda riyan ang kapitbahay natin, eh, nag-iingat na siya!” balita pa nito habang siya’y tinatapik-tapik upang tuluyang magising.

“Tumahimik na nga kayo, nanay! Natutulog pa ‘yong tao, eh! Subukan lang nila akong kasuhan, babarilin ko sila bago pa man sila makatawag ng pulis!” bulyaw niya pa sa ina saka ito sapilitang pinalabas ng kaniyang silid.

Hindi pa man siya muling nakagagawa ng tulog, muling kumatok ang kaniyang ina. Natatarantang sabi nito, “Gorio! Tanggalin mo na ang sasakyan mo sa bakanteng lote! Nariyan na ang may-ari!” “Kaaga-aga namang mang-istorbo ng mga b*bong ‘to!” sigaw niya saka agad na kinuha ang kaniyang baril.

Mayabang siyang pumunta sa loteng kinalalagyan ng kaniyang sasakyan. Naabutan niyang may tatlong kalalakihang nag-uusap doon.

“Ay, sir, kayo po ba ang may-ari niyan?” tanong sa kaniya ng binatang nakatangin sa kaniyang sasakyan.

“Oo, tatanggalin ko na nga, ‘di ba? Hindi mo ba nakikita? Bulag ka ba?” masungit niyang tanong dito na ikinangisi nito.

Advertisement

“Aba, ikaw na nga ang nakikilagay sa lote namin, ikaw pa ang mayabang? Ano bang pinagmamalaki mo?” sabat ng isa sa mga kasama nito dahilan para siya’y mapailing.

“Ito,” tipid niyang sagot saka pinakita ang kaniyang baril.

“Ang liit naman niyan, totoy,” sabi ng binatang una niyang sinungitan saka nilagay sa harapang bahagi ng katawan ang isang mahabang baril na nakasabit pala sa likuran nito na labis niyang ikinagulat.

“Parang hindi pa lisensyado ‘yan, ha? Sa mga kasamahan ka na lang namin makipag-usap, marami pa kaming dapat gawin sa lote namin, eh,” sabat muli ng isang lalaki saka itinuro ang isang patrol ng mga pulis na bagong dating.

“Teka, teka lang po!” sigaw niya habang nagmamakaawa.

Sa presinto, tuluyang nabisto ang hindi lisensyadong baril na mayroon siya. Napag-alamanan din doon ang lahat ng pananakot na ginawa niya sa mga kapitbahay sa pamamagitan ng naturang baril at ang hindi legal niyang paglalagay ng sasakyan sa isang pribadong pag-aari.

Dahil doon, patong-patong na kaso ang naisampa sa kaniya na talagang ikinadurog ng puso niya pati ng kaniyang ina na awang-awa sa kaniya.

“Anak, maraming aral ang tinuturo sa’yo ng tadhana ngayon. Sana paglaya mo, magbago ka na. Hindi mo ikauunlad ang pagyayabang, iyon ang tiyak na makapagpapalubog sa’yo sa hukay,” payo ng kaniyang ina nang dalawin siya nito sa kulungan.

Advertisement

Hindi man siya kaagad na nakalaya, araw-araw niyang pinapangako sa sarili na kapag nakalaya na siya, magbabagong buhay na siya alang-alang sa kaniyang ina.