Palaging Nag-aalala ang Binata sa Kaibigang Dalaga; May Gusto na Pala Siya Rito

Palaging hindi mapalagay si Jojo sa tuwing nababalitaan niyang may kasamang ibang lalaki ang kaniyang matalik na kaibigang si Honey. Alam man niyang mas siga at palaban pa sa kaniya ang dalaga, hindi niya pa rin maiwasang hindi mag-alala sa kung anong pupwedeng mangyari rito tuwing hindi siya kasama.

“Papaano na lang kung malasing ka tapos may gawin silang hindi maganda sa’yo, ha? Paano kung pagsamantalahan ka nila?” sigaw niya rito, isang gabi nang malaman niyang nasa inuman na naman ito kasama ang mga katrabahong lalaki dahilan para kaniya itong tawagan kahit dis oras ng gabi.

“Ano bang pakialam mo, Jojo? Para namang hindi mo ako kilala! Palagi ka na lang gan’yan sa tuwing aalis ako! Ni hindi ko na nasusulit ang mga ganitong klaseng pagdiriwang dahil sa’yo!” bulyaw nito sa kaniya, rinig na rinig niyang may mga nagsisigawang lalaki sa paligid nito na lalo niyang ikinainis.

“Natural, kaibigan kita kaya ako nag-aalala sa’yo!” sagot niya.

“Ayon nga, eh, kaibigan mo lang ako pero daig mo pa ang nanay at tatay ko! Tantanan mo nga ako!” galit pa nitong sabi. 

“Umuwi ka na, Honey, kung ayaw mong magwala ako riyan!” babala niya rito, ngunit imbis na makinig, binabaan lamang siya nito ng tawag na talagang ikinailing na niya lamang.

Ang pag-uugali niyang ito ang dahilan para madalas na masabi ng mga taong nasa paligid niya na may gusto siya sa naturang dalaga na labis niyang hindi sinasang-ayunan. Palagi niyang katwiran, “Parang kapatid ko na si Honey. Sino ba namang lalaki ang gugustuhing mapahamak ang kapatid niyang babae, ha?”

Sa katunayan, may mga pagkakataong siya pa mismo ang sumusundo rito sa mga inuman. Makatamo man siya ng suntok o masangkot sa gulo dahil sa pamimilit niya sa dalagang umuwi, ayos lang sa kaniya basta makasigurado siyang ligtas ang dalaga.

Advertisement

“Bakit ka ba kasi gan’yan, Jojo, ha? May gusto ka ba sa’kin?” galit na tanong nito sa kaniya habang ginagamot ang sugat niyang natamo mula sa suntok ng mga kainuman nito.

“Wala! Bakit naman ako magkakagusto sa’yo? Alam na alam ko ang mga baho mo! Tapos mas siga ka pa kaysa sa akin!” tugon niya rito habang tinitiis ang hapdi ng kaniyang mga sugat na nililinis nito.

“Wala naman pala, eh! Bakit kung umasta ka, akala mong nobyo kita? Alam mo, tapusin na natin ‘tong pagkakaibigan natin! Nakakasakal ka na! Daig mo pa talaga ang mga magulang ko! Simula ngayon, huwag na huwag mo na akong pupuntahan kung saan o kahit tatawagan!” pasya nito saka siya agad na iniwanan.

“O, sige! Mas mabuti pa ngang tapusin na natin ang pagkakaibigan natin! Bahala ka nang malagay sa alanganin!” sigaw niya pa rito habang pinagmamasdan itong maglakad palayo sa kaniya.

Iyon na ang huli nilang pagkikitang dalawa at simula noon, nawalan ng sigla ang buhay niya. Palagi na siyang tulala sa kaniyang selpon sa pagbabakasakaling tawagan siya nito, palaging tumatakbo sa isip niya ang mga kalokohang ginagawa nito, at walang araw na hindi niya naririnig ang boses nito sa hangin na nagbigay sa kaniya nang labis na kalungkutan.

“Nami-miss mo si Honey, ‘no?” biglang tanong ng kaniyang ina nang mahaba na naman ang nguso niya.

“Bakit ko naman mamimiss ‘yon? Ayos nga po ‘to, mama, eh, payapa ang buhay ko!” tanggi niya.

“Huwag mo na akong lokohin, ‘nak. Kilalang-kilala kita! Bakit ba kasi hindi mo na lang aminin sa sarili mong gusto mo si Honey? Nang sa gayon, bumalik ka ang dating sigla mo!” payo nito na labis niyang ikinamula.

Advertisement

Nang marinig niya ang mga katagang iyon sa ina, roon niya labis na napagtantong matagal niya na palang gusto ang dalaga.

“Hindi ka naman mababaliw sa pag-aalala kung hindi mo siya gusto,” bulong pa nito dahilan para tuluyan niyang makumpirma ang nararamdaman para sa dalaga.

Oramismo, siya’y nagdali-daling nagpunta sa bahay nito. Naabutan niya itong naglalaba ng damit at nang siya’y makita, agad siya nitong binuhusan ng isang timbang tubig.

“Wala akong ganang makipagtalo sa’yo, Jojo, umuwi ka na!” sigaw nito sa kaniya.

“Honey, gusto kita,” sabi niya na ikinalaki ng mga mata nito, “Pasensya ka na, ngayon ko lang natanggap sa sarili ko ang paghanga ko sa’yo,” dagdag niya pa at laking gulat niya nang siya’y yakapin nito habang humihikbi.

“Kahit kailan, ang hina talaga ng ulo mo! Bakit ngayon mo lang napagtanto? Ako, matagal ko nang alam ang nararamdaman ko sa’yo! Palagi kong sinasadyang mag-alala ka para malaman ko kung may nararamdaman ka rin sa akin!” hikbi nito na talagang ikinangiti niya.

Doon na niya tuluyang napagdesisyunang ligawan ang dalaga. Hindi man siya agad sinagot nito dahil mayroon pa itong kakaunting tampong nararamdaman sa kaniya, masaya na siyang malamang parehas sila nang nararamdaman at masisiguro na niya ang kaligtasan ng dalaga araw-araw. 

Ilang buwan pa ang lumipas, tuluyan na nga siyang sinagot nito. Katakot-takot na kantyaw man ang nakuha niya mula sa mga kaibigan nilang matagal nang napapansin ang pagtingin niya rito, tinatawanan niya lang ang mga ito dahil ang mahalaga para sa kaniya ngayon ay ang dalagang matagal na palang naghihintay sa kaniya.