Masama ang Tabas ng Dila ng Nagpapautang na Ito, Isang Ginang na Palaban ang Nakaharap Niya

Hindi bababa sa singkwenta katao ang mga pinapautang ng ginang na si Belinda sa kanilang lalawigan. Ito ang pinasok niyang negosyo dahil bukod sa wala siyang ibang gagawin kung hindi ang maningil araw-araw, patuloy pang lumalaki ang tubong kaniyang pinapatong sa tuwing hindi nakakabayad sa takdang araw ang isang tao. 

Mga pedicab, dyip, at bus drayber, tindera sa palengke, may-ari ng sari-sari store, at mga pangkaraniwang taong walang sapat na pinagkakakitaan ang kaniyang mga pinapautang. Tuwing hapon, masinsin niyang sinusuyod ang kanilang lalawigan upang kuhanin ang hulog na pera ng mga ito. 

Magtago man sa kaniya ang ilan, hindi niya ito pinapalampas at talagang hindi siya aalis sa isang lugar hangga’t hindi niya iyon nakikita at kapag nakita niya iyon pagkatapos ng ilang minutong paghahanap, mumurahin niya ang taong iyon mula ulo hanggang paa dahilan para siya’y labis na katakutan sa kanilang lalawigan. Hangga’t walang perang naaabot sa kaniya, hindi titigil ang bunganga niya kakadakdak para mapahiya ang taong nangutang sa kaniya.

Sa katunayan, hindi niya lubos akalaing magtutuloy-tuloy ang dating pagpapahiram niya lang ng pera sa kaniyang kumareng si Agnes na ngayo’y isa nang malaking negosyo. Tandang-tanda niya pa noon ang mga katagang sinabi nito, “Sige na, mare, patungin mo na ako ng isang libong piso. Sa isang linggo ko rin ibabalik, papatungan ko na lang ng dalawang daang tubo para hindi naman nakakahiya sa’yo,” nang marinig niya ang salitang “tubo” roon na siya agad na nagpasiyang magpautang dito hanggang sa dumami nang dumami ang mga taong nanghihiram sa kaniya.

Dito na niya tuluyang napagawa ang kanilang bahay at nakabili ng sariling sasakyan. Nagawa niya na ring makapagpatayo ng isang paresan sa kanilang lugar na talagang dinudumog ng mga tao, lalo na ng mga taong nangungutang sa kaniya na napipilitang bumili dahil sa utang na loob sa kaniya.

Kaya nga lang, habang patuloy ang pag-angat niya sa buhay, patuloy din ang pagtalas ng kaniyang bibig na tila ba isang hayop na lang para sa kaniya ang mga taong nangungutang sa kaniya dahil sa masasakit na salitang binibitawan niya tuwing hindi nakababayad sa kaniya. 

“Huwag ka namang gan’yan, anak. Sa kakarampot na perang pautang sa kanila, sisirain mo ang pagkatao mo. Maging mahinahon at maintindihin ka lang. Baka nakakalimutan mo, kustomer mo sila,” payo ng kaniyang ina, isang gabi nang mabalitaan nitong mayroon na naman siyang pinahiyang drayber sa kalye.

“Ayon na nga, mama, eh! Kakarampot na pera lang, hindi pa nila mabayaran! Nagtatago pa sa akin kung minsan! Sila lang ba ang mga pamilyang binubuhay? Sila lang ba ang may nanay na dagdag sa gastusin?” sigaw niya rito.

Advertisement

“Pa-pasensya ka na,” tangi nitong sagot saka siya mag-isang iniwan sa kaniyang silid.

“Hay, naku! Sa dami ng pautang ko, ito lang ang nasingil ko?” sambit niya sa sarili habang binibilang ang perang nakakalat sa malaki niyang bag, “Teka, hindi ko yata nadaan si Agnes, ha? Ngayon niya pinangakong babayaran niya ako ng buo,” sabi niya pa nang makitang blangko pa rin ang listahan ng labanderang kaniyang pinautang.

Kahit alas diyes na ng gabi noon, hindi siya nagdalawang-isip na puntahan sa bahay ang kumare. Walang habas niyang kinatok ang bahay nito habang sumisigaw, “Hoy! Noong nangutang ka, ikaw pa ang sumadya sa bahay ko! Ngayong araw na ng bayaran, ni hindi ka nagpapakita sa akin sa kalsada!”

“Naku, Aling Belinda, pasensya na po, wala po akong labada ngayong araw, eh. Nagastos ko na po pangbili ng ulam namin ‘yong dapat na ibabayad ko sa’yo,” tapat nitong sabi na talagang ikinainit ng ulo niya dahilan para labis niya itong murahin sa harap ng mga anak nito.

Sabi niya pa, “Kung hindi mo ako mababayaran bukas, malilintikan ka talaga sa aking dukha ka! Pinahiram ka na ng pera, asal hayop ka pa! Hindi ka natupad sa usapan!”

“Hoy, Belinda, para sabihin ko sa’yo, pera lang ang inutang ko sa’yo hindi buong pagkatao ko! Kaya wala kang karapatang maliit at murahin ako sa harap ng ibang tao lalo na ng mga anak ko!” sigaw nito, hindi niya napigilan ang sarili at ito’y kaniyang nasampal.

Buong akala niya, matatakot na ang ginang sa kaniya pero gumanti pa ito ng sampal, suntok at sabunot sa kaniya hanggang siya’y labis na mabugb*g. 

Humingi man siya ng tulong sa mga kapitbahay nitong nakakakita ng pangbubugbog sa kaniya, sabi lang ng isa mga ito, “Ayan ang dapat sa’yo! Masyado ka nang mahangin, eh!”

Advertisement

Iyon na ang huling linyang narinig niya saka na siya nawalan ng malay. Nagising na lang siyang masakit ang buong katawan habang siya’y pinagmamasdan ng kaniyang ina.

Doon niya napag-alamanang ang ginang na nakaaway niya ang siyang nag-uwi sa kaniya sa kanilang bahay at labis itong humingi ng tawad sa kaniyang ina.

“Ang hirap lang daw talaga ng buhay ngayon, anak, kaya wala siyang maibigay sa’yo. Hindi naman daw siya tatakas sa utang niya. Sana maging aral ‘to sa’yo, ‘nak, lahat ng tao sa paligid mo, may kaniya-kaniyang problemang kinakaharap kaya sila kumakapit sa patalim mo,” pangaral ng kaniyang ina na talagang kumurot sa puso niya.

Simula noon, hindi man nawala ang pagiging mahigpit niya sa paniningil ng mga pautang, natutuhan niya nang maging maingat sa mga salitang kaniyang sinasabi.

Sa ganoong paraan, mas lalo pang dumami ang mga nangungutang sa kaniya at patuloy na umalwan ang buhay niya.