Matigas ang Ulo ng Dalaga, Nagpakulay pa rin Siya ng Buhok Kahit Ayaw ng Ina; Naiyak Siya sa Dahilan Nito

Matigas ang Ulo ng Dalaga, Nagpakulay pa rin Siya ng Buhok Kahit Ayaw ng Ina; Naiyak Siya sa Dahilan Nito

FamilyHeartbreakingStories

Ilang araw nang tumatakbo sa isipin ni Graciel na magpakulay ng buhok. Hindi niya maialis sa isipan ang itsura ng isang magandang babaeng nakasalubong niya sa Maynila. Maiksi ang buhok nito, tila ba gupit pang lalaki at kulay abo ang buhok nito na talagang nagpalitaw sa ganda ng mukha at kinis ng balat nito.

“Gusto ko ring maging ganoon ang itsura ko! Tiyak kapag nagaya ko ang hair style niyang iyon, may manliligaw na ulit sa akin! Siguradong marami na namang mababaliw na lalaki sa akin!” sabi niya sa sarili habang pinapantasya ang buhok na iyon sa harapan ng kaniyang salamin, “Siguro ngayon na dapat ako magpaayos ng buhok, ‘no? Para may bago na akong post sa social media! Tamang-tama! Sweldo ni mama ngayon!” sabi niya pa saka agad na nagpunta sa silid ng kaniyang ina. 

Tila umayon pa ang tadhana sa kaniya dahil pagkabukas niya ng silid nito, nagbibilang ito ng mga pera habang naglilista ng kanilang mga bayarin dahilan para siya’y labis nang maglambing dito. 

“Ay, naku, Graciel! Hindi mo ba nakikitang may ginagawa ako? Panay ang yakap at halik mo riyan! Ano bang kailangan mo?” masungit na tanong nito sa kaniya.

“Pera po, mama, kahit mga isang libong piso lang po? Isasauli ko ang sukli, mama, pangako!” sabi niya habang kumukurap-kurap pa ang kaniyang mga mata. 

“Ano namang gagawin mo sa isang libong piso?” tanong pa nito kaya dali-dali niyang sinabi rito ang balak niyang pagpapagupit at pagpapakulay ng buhok. 

“Diyos ko! Nahihibang ka na ba? Tigilan mo ‘yan, ha! Nag-aaksaya ka lang ng pera! Kapag tinuloy mo pa rin ‘yan, huwag ka na rito tutuloy sa bahay ko!” banta nito na talagang kaniyang ikinainis. Padabog siyang umalis sa silid nito saka dumiretso sa kaniyang kwarto upang doon ngumalngal. 

Kahit na nakatanggap na siya nang pagbabanta sa ina, desidido pa rin siyang gayahin ang hairstyle na iyon. Ito ang dahilan para salisihan niya ito. 

Kinaumagahan, nang masiguro niyang pumasok na sa trabaho ang ina, agad siyang nagpunta sa silid nito at kumupit dito ng pera. Sabi niya pa, “Kahit ano namang gawin ko, hindi mo ako matitiis, eh. Sermonan mo na lang ako mamaya, mama, ha? Ihahanda ko na lang ang dalawang tainga ko!” saka na siya agad na nagpunta sa pinakamalapit na salon. 

Ilang oras din ang tinagal niya roon ngunit dahil nga sa mumurahing parlor lang siya nagpunta, kahit ang tabas ng buhok na gusto niya, hindi nakuha ng binabaeng humawak sa kaniya. 

“Mukha naman akong matandang lalaki nito! Ang sabi ko, kulay abo, hindi kulay uban!” reklamo niya sa binabae, ngunit pagtataray lang ang natamo niya rito kaya siya’y nagpasiya nang umuwi habang nagdadabog. 

Pagkauwi niya, siya’y agad na sumalampak sa kanilang sofa at doon na siya nakatulog. Ngunit ilang minuto lang ang lumipas, siya’y biglang napabalikwas sa sigaw ng kaniyang ina. 

Nang makita niya ito, takot na takot ito sa kaniya dahilan para siya’y labis na magtaka. 

“Mama, ano pong nangyayari sa’yo?” tanong niya rito, bago pa ito makasagot, hinila na siya palabas ng kaniyang lola na magbibigay lang sana ng ulam sa kanila. 

Doon na naikwento ng kaniyang lola ang mapait na sinapit ng kaniyang ina sa amo nitong matanda noong namamasukan pa itong katulong sa ibang bansa. 

“Wala siyang ibang natatandaan sa itsura ng matandang iyon bukod sa kulay at tabas ng buhok. Kaya, palagi kong pinaiitiman itong buhok ko para huwag niyang maalala ang sinapit niya roon,” kwento nito na talagang bumiyak sa puso niya. 

“Pa-pasensya na po, mama! Magpapaitim na po ako agad ng buhok!” sigaw niya habang humihikbi. 

“Hindi na kailangan, halika na, pumasok ka na rito. Nagulat lang si mama, pasensya ka na,” sambit nito na ikinagulat nilang mag-lola. 

“Nagiging komportable ka na ba sa ganitong klaseng hair style, anak?” tanong ng kaniyang lola sa kaniyang ina. 

“Hindi pa rin po, mama, pero kaya ko naman pong labanan. Huwag lang mawala sa tabi ko si Graciel at huwag lang masira ang buhok niya dahil sa mga kemikal,” nakatungong sabi nito habang nag-aayos ng kanilang pagkain na ibinili lamang sa labas. 

“Kita mo na kung gaano ka kamahal ng nanay mo? Maging mabait ka na, ha, palagi kang makikinig sa mga bilin niya,” pangaral ng kaniyang lola na lalo niyang ikinaiyak. 

Simula noon, hindi na siya muling sumuway sa ina at imbes na social media ang pagkaabalahan niya, tinuon niya ang atensyon sa ina na hanggang ngayon, ilag sa kulay ng buhok niya. 

Isang buwan pa ang lumipas, tuluyan na siyang pinayagang magpakulay muli ng itim sa buhok ng kaniyang ina at ramdam na ramdam niya kung paano biglang nanumbalik ang sigla nito sa kanilang bahay. 

“Siguro mas dapat ko pang kilalanin ang nanay ko, ang mga nakaraan at pangarap niya, kaysa nagbababad ako sa social media,” sabi niya habang tinutulungang magluto ang ina ng kanilang pananghalian.

More Stories