Ininsulto ng Babae ang Kaniyang Kaibigan nang Malamang sa Construction Site Nagtatrabaho ang Ama Nito; Mapapahiya pala Siya

“Kumakain ka n’yan?” Napangiwi si Mikayla matapos niyang makita na bumili ng mga pagkaing turo-turo ang kaibigang si Francine.

“Bakit naman hindi? Masarap kaya,” sagot naman ni Francine sa kaniyang kaibigan bago sabay-sabay na isinubo ang tatlong pirasong fishball sa kaniyang bibig. “Paborito nga namin ng papa ko ito, e!” dagdag pa nito.

Hindi naman maipinta ang mukha ni Mikayla dahil doon. Halata sa mukha ng anak-mayamang dalagita ang disgusto sa bagong kaibigang kanina lamang niya nakilala. Unang araw kasi ng klase nila sa huling taon nila sa senior highschool at magkaklase ang dalawa. Dahil magkatabi sila sa upuan ay mabilis din silang nagkapalagayan ng loob kanina.

Ngunit ngayon ay tila nagsisisi na si Mikayla sa naging desisyon niyang makipagkaibigan kay Francine. Akala niya kasi, katulad niya ay galing din ito sa magandang pamilya dahil nakaya nitong makapag-aral sa esklusibong eskuwelahang pinapasukan nila, ngunit mukhang nagkakamali yata siya…

“Bawal kasi akong kumain n’yan. Marumi raw kasi ’yan sabi ng mommy ko,” ani Mikayla kay Francine. Tinawanan lamang naman siya ng kaibigan bago ito nagkibit ng balikat.

“Oo nga pala, Mikayla, p’wede bang samahan mo ako mamaya? Pupuntahan ko kasi ang papa ko sa pinagtatrabahuhan niyang construction site, dahil may ipapakita raw siya sa akin,” pag-iiba ni Francine sa usapan nila, maya-maya pa.

Doon ay nanlaki naman ang mga mata ni Mikayla. “Construction site?!” bulalas niya na animo ngayon lamang narinig ang mga salitang ’yon. Napakunot naman ang noo ni Francine, ngunit agad ’yong napalitan ng pagkadismaya nang marinig ang sumunod na sinabi nito. “Eww! Construction worker ang papa mo?” dugtong pa nito na tila kulang na lang ay maduwak. Animo isang malaking kasalanan para dito na naging isang ‘construction worker’ ang kaniyang ama.

“Bakit, Mikayla? May masama ba sa pagiging construction worker? Para namang diring-diri ka,” dismayadong tanong ni Francine sa kaklase.

Advertisement

“Meron! Nakakadiri kaya sila. Ang dumi nila palagi at lahat sila ay puro mahihirap!” sagot naman sa kaniya ni Mikayla. “Hindi ako makapaniwalang nakipagkaibigan ako sa katulad mo!”

Napailing na lang si Francine dahil sa sinabi ni Mikayla ngunit pagkatapos n’on ay hindi na siya nagsalita pa. Hinintay na lang niya na umalis ito at iwan siya para sumama sa iba pa nilang kaeskuwela na sa tingin nito ay mas kalebel ng pamumuhay niya.

Maya-maya pa ay mag-isa na lamang na pumunta si Francine sa construction site na pinagtatrabahuhan ngayon ng kaniyang ama na nagkataon namang malapit pala sa building ng kompaniyang pinagtatrabahuhan naman ng ama ni Mikayla. Dahil doon ay hindi sinasadyang nagkita silang muli, at sa pagkakataong ito ay talagang hindi na nagustuhan pa ni Francine ang iniakto ng kaeskuwela niyang ito.

“May napadaang anak ng construction worker,” humahagikhik na parinig sa kaniya ni Mikayla na agad na nakapagpainit ng ulo ni Francine. Sinamaan niya ito ng tingin, ngunit hindi niya nagawang patulan ito dahil kasama nito ang kaniyang ama.

Dahil doon ay tahimik na lamang na hinintay ni Francine ang kaniyang ama na hindi naman nagtagal ay dumating na sakay ng kanilang bagong biling sasakyan. Bumaba ito at hinalikan siya sa kaniyang pisngi…

“E-engineer Sandoval?” Parehong napalingon sina Francine at ang kaniyang ama nang marinig ang pagtawag na ’yon sa kanilang likuran. Doon ay nakita niya ang ama ni Mikayla na nakatingin sa kanila.

“Giovani?” napapangiting bati naman ng kaniyang ama rito. Biglang nagkamayan ang dalawang lalaki. Si Francine naman ay nagtataka sa nakikita habang si Mikayla ay napapanganga at hindi makapaniwalang mali pala ang inaakala niyang galing sa mahirap na pamilya si Francine.

“Anak, bumati ka kay Eng. Sandoval. Malaki ang utang na loob natin sa kaniya,” sabi ng ama ni Mikayla. “Alam mo bang siya ang tumulong sa akin noon na makatapos ng pag-aaral? Isa kasi ako sa mga construction worker na kinuha niya sa isa sa mga projects niya noon at kalaunan ay binigyan niya ng scholarship para makatapos ako, na siyang dahilan kaya narating ko ang kinalalagyan ko ngayon,” kuwento pa nito na halos magpalaglag naman ng panga ni Mikayla.

Advertisement

Matapos ang pangyayaring iyon ay napagtanto ni Mikayla na mali ang ginawa niyang pang-iinsulto kay Francine at sa ama nito. Naisip niyang mali ring gawin niya iyon sa ibang tao, kaya naman inipon niya ang lahat ng kaniyang lakas ng loob upang humingi ng tawad dito. Pagkatapos ay ipinangako niyang hindi na niya uulitin pa ang nagawa kanino man.