Maraming Usap-Usapan ang Kumakalat Tungkol sa Tagapagmanang Ito; Pagpapakasal Niya lang pala ang Solusyon para Matigil Ito

Maraming naninira sa tagapagmana ng isang malaking kumpanya na si Sanjo. Madalas siyang makabasa sa social media na siya raw ay may karelasyon na isa ring lalaki, mayroon pang nagsasabing siya raw ay may sariling bar at doon siya nag-aaliw kasama ang iba’t ibang babaeng bayaran, at sabi pa ng ilan, siya raw ay walang kwentang anak dahil hindi niya mabigyan ng apo ang kaniyang ama kahit siya’y nasa tamang edad na. 

May nagprotesta pa ngang isang empleyado sa harapan ng kanilang kumpanya na nagsasabing, “Kung hindi mo matugunan ang responsibilidad mong mabigyan ng apo ang chairman, paano kami makakasiguro na maayos mong mapapalakad ang kumpanya kapag ikaw na ang umupo sa pwesto niya?” na talaga nga namang gumawa nang matinding ingay sa kanilang buong lalawigan na labis nang ikinabahala ng kaniyang ama.

“Magpakasal ka na, anak, at bigyan mo na ako agad ng apo. Ito na lang ang tanging paraan para pagkatiwalaan ka ng mga empleyado natin, lalo na ang mga investors natin,” payo sa kaniya ng ama, isang araw habang sila’y kumakain ng almusal. 

“Papa, sa totoo lang walang koneksyon ang personal kong buhay sa kung paano ko papatakbuhin ang kumpanya,” katwiran niya.

“Para sa’yo, wala, pero sa mata ng mga maninira, meron. Wala silang masabi sa galing mo, kaya personal na buhay mo ang pinupuntirya nila. Wala ka bang makursunadahang babae? Ako na ang maghahanap para sa’yo para wala na silang masabing ikaw ang tagapagmana ko,” paliwanag nito na ikinakamot niya ng ulo. 

“Ah, eh, sa totoo po niyan, papa…” agad siyang pinutol nito dahil sa kabang nararamdaman.

“Ano? Huwag mong sabihin na totoo ang mga balitang naririnig ko, ha?” paghihinala nito na bigla niyang ikinatawa.

“Hindi po ‘yon, papa! May natitipuhan na po akong babae, eh, kaya hindi niyo na po kailangang maghanap pa,” tapat niyang sabi habang nag-iinit ang kaniyang mukha dahil sa kilig.

Advertisement

“Mayroon naman na pala, eh, bakit hindi mo pa pakasalan agad?” tanong nito dahilan para siya’y mapabuntong-hininga na lamang.

Si Dianne ang tinutukoy na babae ni Sanjo. Ito ang kaisa-isa niyang kaibigan simula pa lang noong siya’y nasa elementarya. Dahil nga kilala siya bilang anak ng isang mayamang pamilya, maraming estudyante ang nagagalit at naiinggit sa kaniya noon, at ang dalagang ito ang palaging nagtatanggol sa kaniya dahilan para sa murang edad, mahulog siya rito at mangarap na isang araw, pakakasalan niya ito. 

Kaya lang, dahil masyado itong abala sa pagtatrabaho ngayon upang matugunan ang pangangailangan ng sariling pamilya, hindi niya ito magawang makausap nang masinsinan. Natatakot din siyang baka iwasan siya nito kapag agad siyang nagtapat.

Ito ang dahilan para kahit siya’y tatlumpu’t limang taong gulang na, wala pa siyang nakakarelasyon kahit isang dalaga.  

Ngunit dahil nga kailangan na nga niyang umaksyon upang matigil na ang mga usapan at upang masabi na niya ang tunay na nararamdaman, nilakasan niya ang kaniyang loob at sinadya ang dalaga sa bahay nito, bitbit-bitbit ang binili niyang bulaklak at ilang tsokolate. 

“O, anong ginagawa mo rito?” masungit nitong bungad sa kaniya, “Para kanino ‘yan? May liligawan ka na? Sa wakas! Siguradong matatapos na ang mga usapan sa’yo kapag may…” hindi na niya pinagpatuloy ang pagsasalita nito at diretsahan na niyang sinabi ang kaniyang sadya.

“Pwede ba kitang maging nobya, Dianne?” tanong niya na agad nitong ikinapula.

“Hoy! Wala ka nang makitang babae na pupwede mong ipangtapal sa isyu mo ngayon, ‘no? Desperado ka na ba talagang maupo sa pwesto ng ama mo?” inis nitong tugon habang siya’y hinahampas-hampas sa dibdib.

Advertisement

“Totoo, Dianne. Hindi lang dahil sa kumpanyang mamanahin ko. Matagal na kitang gusto. Elementarya palang tayo nakapagdesisyon na akong ikaw ang pakakasalan ko,” pagtatapat niya pa rito. 

“Sigurado ka ba sa mga sinasabi mo?” tanong nito.

“Oo,” tipid niyang sagot habang titig na titig sa mga mata nitong maluha-luha na. “Bakit ngayon mo lang ako gustong ligawan? Ang tagal-tagal ko nang naghihintay sa’yong manhid ka!” inis nitong sabi sabay yakap sa kaniya na talagang ikinataba ng puso niya.

Iyon na ang naging simula ng kanilang pagmamahalan. Mabilis man para sa ilan, alam niyang matagal na panahon na ang ginugol nilang dalawa para hintayin ang isa’t-isa.

Ilang buwan lang ang nakalipas, nang tuluyan na niyang mapapayag ang mga magulang ng dalaga, tuluyan na nga silang kinasal at bumuo ng sarili nilang pamilya na talagang yumanig sa kanilang buong lalawigan.

Sa ganoong paraan, masaya na siya sa personal na buhay niya, nalimot pa ng mga tao ang mga usap-usapan sa kaniya at agad niyang naibalik ang tiwala ng mga investor sa kanilang kumpanya na ngayo’y pinapalakad na niya.

“Ito na ang buhay na matagal ko nang pinapangarap,” sabi niya sa sarili habang tinitingnan ang bagong silang niyang anak sa bisig ng kaniyang magandang asawa.