Gustong-gustong Bilhin ng Binata ang Antigong Relo ng Matanda; Samantalahin Niya Kaya Ito sa Oras ng Kagipitan?

“Ang ganda naman niyang relo niyo, Mang Gener,” puna ni Dario nang mapansin ang relong suot ng matanda.

Likas na matalas ang mata niya pagdating sa mga ganoong bagay lalo na’t hindi lang iyon hilig kundi isa na ring trabaho. Mahilig siyang maghanap at mangolekta ng mga antigong kagamitan, pagkatapos ay ibinebenta niya sa mas malaking halaga.

Mabilis kasi ang kita lalo na kapag maganda pa ang aytem at bihira lang makita. Iyon ang madalas na hinahanap ng mga kolektor na kagaya niya.

Agad na sumilay ang isang matamis na ngiti sa matanda.

“Ah. Ito ba? Pinaka ingat-ingatan ko talaga ‘to. May sarili ‘tong lalagyan sa bahay at bihira ko lang gamitin,” pagmamalaki nito.

“Kung ayos lang po sa inyo, pwede bang tingnan?” tanong niya rito na agad naman nitong pinaunlakan.

Ganoon na lang ang panlalaki ng mata at panlalamig ng mga kamay niya nang makumpirma ang hinala. Hindi lang iyon isang ordinaryong relo. Isa iyon sa pinakamatandang modelo na nakita niya. Hindi na iyon binebenta ngayon at limitado lang ang ganoong klase kaya isa iyon sa pinakamadalas na hanapin ng mga kolektor na gaya niya. 

Tiyak na pag-aagawan iyon ng mga mayayaman at maraming gugustuhing bilhin iyon gaano man kalaki ang halaga!

Advertisement

Pakiramdam niya ay para siyang nanalo sa lotto, lalo pa’t nang sipatin niya ay magandang-maganda pa ang kondisyon noon. Maayos pa na gumagalaw ang mga kamay ng orasan, marahil ay bunga ng matinding pag-aalaga sa gamit. Ang kailangan na lang niyang gawin ay kumbinsihin ang matanda na ibenta sa kaniya ang relo. 

“Mang Gener, saan niyo po nakuha ‘to? Aba’t napakagandang klase,” pasimple niyang tanong, pilit na itinatago rito ang malaki niyang interes sa relo.

“Galing pa ‘to sa Lolo ng tatay ko. Ilang henerasyon nang pinagpasa-pasahan ‘to ng pamilya namin,” paliwanag nito. 

Sandali siyang tumahimik para isipin kung paano niya sasabihin dito ang pakay. Ngunit wala siyang maisip na paraan, kaya naisip niya na mas mabuting diretsahin na lang niya ito.

“Sa totoo lang, interesado po ako bilhin ang relo niyo sa kahit na anong halagang gusto niyo,” diretsa niyang pahayag.

“Aba’y bakit naman? Lumang-luma na ‘to, hindi mo na rin magagamit masyado,” takang tanong nito.

“‘Yun nga po ang dahilan kung bakit ako interesado. Para po sa amin, hindi luma ang tawag riyan kundi antigo. Sigurado akong maraming magkaka-interes na bilhin ito sa inyo. Handa po akong magbayad kahit na magkano man ang gusto niyo,” paliwanag niya.

Matagal nitong tinitigan ang relo, tila nag-iisip. Buong akala niya ay papayag ito, ngunit nagulat siya na naging sagot ng matanda.

Advertisement

“Pasensya ka na, hindi ko kasi pwedeng ibenta ito. Ito na lang kasi ang natatanging pamana sa akin ng yumao kong tatay kaya mahalagang-mahalaga ‘to sa akin at hindi ko kayang ipagbili. Balang-araw, ipapasa ko pa ‘to sa anak ko,” magaan ngunit mariin nitong tanggi.

Pilit niyang tinago ang pagkadismaya sa pamamagitan ng ngiti. Hindi naman niya kasi ito pwedeng pilitin kung ayaw nito. Tumango na lang siya saka nagpaalam na.

Hinayang na hinayang siya, pero naiintindihan niya rin naman ang dahilan ni Mang Gener.

Ilang linggo ang lumipas at nabura na sana sa isip niya ang nangyari kung hindi lamang kumatok sa bahay nila si Mang Gener isang gabi. Dala nito ang relo at halatang-halata na problemado ito. 

“O, Mang Gener, ano pong sadya natin?” usisa niya, bago pasimpleng sinulyapan ang relo.

“Dario, pasensya na sa abala pero hindi ba’t ang sabi mo handa kang bilhin ‘tong relo ko kahit na magkano? Kailangang-kailangan ko kasi ng pera ngayon,” maagap na sabi nito bago walang pagdadalawang-isip na iniabot sa kaniya ang relong kaniyang inaasam.

“Opo, pero may problema po ba? Akala ko ba ay desidido na kayong hindi niyo ibebenta ‘to kahit na magkano,” nagtatakang usisa niya habang kating-kati na ang kamay niya na kunin ang relo mula sa kamay nito,

Sa tanong niya ay napabuntong-hininga na lang ang matanda. May bagong ekspresyon na pumaskil sa mukha nito. Pag-aalala.

Advertisement

“May sakit kasi ang anak ko. Ang sabi ng doktor, kailangan niyang manatili muna sa ospital para maobserbahan. Hindi pa sigurado kung kailangan ba siyang operahan o sapat na ang gamutan. Ayaw ko sanang ibenta ‘tong relo, pero wala naman akong magagawa. Sinuyod ko na ang buong barangay para manghiram ng pera, pero wala. Maiintindihan naman siguro ako ni tatay kung ibebenta ko ‘to,” kwento nito habang tila nanggigipuspos. Mahigpit ang pagkakahawak nito sa relo.

Hindi maiwasan ni Dario na makaramdam ng awa para sa matanda. Halatang gagawin nito ang lahat para sa anak kahit na labag pa sa loob nito.

Napabuntong-hininga siya. Totoo ngang para sa isang magulang, wala nang mas mahalaga pa sa mundo kundi ang sariling anak.

Bumunot siya ng ilang libo mula sa kaniyang pitaka saka iniabot rito ang pera.

Nanginginig ang kamay na inilagay nito sa kamay niya ang antigong relo, ngunit siya na mismo ang kusang tumanggi. Hindi naman siya masamang tao para samantalahin ang kagipitan nito.

“Hindi po ako mayaman pero hayaan n’yo akong makatulong kahit papaano. Tanggapin n’yo po muna ito at kapag kulang pa, pauutangin ko na lang kayo. Alam ko po kung gaano ito kahalaga sa inyo at hindi ko yata maatim na gipitin kayo para lang makuha ang gusto ko,” seryoso niyang pahayag.

Kita niya ang magkahalong gulat at kasiyahan na bumakas sa mukha ng matanda dahil sa narinig.

“Salamat, Dario. Maraming salamat! Napakalaking bagay nito sa akin!” masayang bulalas nito. May luha man sa mga mata nito ay may malaking ngiti sa labi nito.

Advertisement

Habang pinapanood niyang maglakad ito palayo, napagtanto ni Dario na maaaring malaking pera ang kikitain niya kung kinuha niya ang relo.

Pero walang tutumbas sa sayang hatid sa dibdib niya sa kaisipan na wala siyang sinamantala at inapakan.

Ilang buwan muli ang lumipas nang muli siyang binisita ng matanda. Dala nito ang pambayad para makumpleto ang inutang nito noong nagkasakit ang anak.

Labis-labis pa rin ang pasasalamat nito.

Akala niya ay tapos na ang usapan nila, ngunit labis niyang ikinagulat ang sunod nitong sinabi.

“Siya nga pala, gusto kong sabihin sa’yo na pumapayag akong ibenta mo ang relo ko.” 

Nanlaki ang mata niya sa narinig.

“Po? Bakit? Akala ko po ba ay ipapamana niyo pa ito sa anak niyo?” hindi magkandaugaga niyang usisa. Sa isip niya ay kinukwenta niya na kung gaano kalaking halaga ang kikitain nila.

Advertisement

“Nagbago ang isip ko. Hindi ba’t sabi mo, mahal ito? Mas gusto kong magandang buhay ang ipamana sa anak ko kaysa itong relo. Alam kong mas gugustuhin iyon ni Tatay para sa apo niya. Saka alam ko na hindi mo ako lolokohin,” paliwanag nito.

Unti-unti siyang tumango bilang pagsang-ayon.

“’Wag ho kayong mag-alala. Sisiguraduhin kong mapupunta ito sa tamang tao at makikinabang kayo nang malaki!” pangako niya.

Kinabukasan din ay bumuhos ang mga nagpakita ng interes sa relo ni Mang Gener. Gaya ng pangako niya, masusi ang naging proseso niya para makahanap ng may pinakamalaking alok.

Alam niya na mahal ang relo ni Mang Gener, ngunit hindi niya inakala na milyon-milyon pala ang halaga noon!

Sa huli ay naibenta niya ang relo sa tumataginting na tatlong milyong piso!

Ganun na lamang ang tuwa ni Mang Gener. Gaya niya ang lulang-lula rin ito sa halaga ng pinakamamahal nitong relo.

Ang sumunod na sinabi nito ang tuluyang nagpabago sa buhay niya.

Advertisement

“Oo nga pala, Dario. Gusto kong ibigay sa’yo ang kalahati ng pera bilang balato at pasasalamat sa lahat ng tulong mo.”

Para siyang na-estatwa sa narinig.

“Parang napakalaki naman ho noon, Mang Gener?” gulat na gulat na bulalas niya.

“Ito ang nararapat. Hindi naman ito mangyayari kung hindi dahil sa’yo kaya dapat lang na kasali ka sa makikinabang. Isa pa, ang dami mong ginawa para sa akin. Tinulungan mo ako sa oras ng pangangailangan, at hindi mo sinamantala ang kahinaan ko,” litanya nito.

Labis-labis ang pasasalamat ni Dario sa matanda. Hindi niya inakalang ang simpleng pagtulong sa kapwa ang siyang naging daan sa isang malaking biyaya sa kaniya.