Iyak nang Iyak ang Kaniyang Ulyaning Ina nang Paalis na Siya; Ikinagulat Niya ang Natuklasang Dahilan Nito

“Sa wakas! Makakapag-enjoy naman ako!”

Iyon ang nasa isip ni Sofie habang ini-empake ang kaniyang mga damit.

Nasa huling taon na siya sa kolehiyo, at sa wakas ay pinayagan na rin siya ng kaniyang Ate Cindy na umupa ng sarili niyang apartment.

Matagal niya nang inuungot iyon sa kapatid, ngunit dahil sa kanilang ina ay hindi siya nito pinapayagan.

Baldado at ulyanin na kasi ang kanilang ina. Kaya naman siya ang naatasan na mag-alaga rito.

Mabuti na lamang at matapos niyang dramahan ang kapatid, sa wakas ay pumayag din ito na kumuha sila ng tagapag-alaga na beinte kwatro oras titingin sa kanilang ina.

Gusto niya rin kasi na ma-enjoy naman ang buhay kolehiyo niya. Idinahilan niya na lang sa kaniyang ate na marami siyang ginagawa at mahirap para sa kaniya at mag-uwian pa sa bahay nila, na may kalayuan sa eskwelahan.

Bago magtanghali ay handa na siyang umalis.

Advertisement

Naabutan niya ang ina na nakatanghod sa may bintana. Malayo ang tagus-tagusan nitong tingin.

“‘Ma…” tawag niya sa ina.

Nang hindi ito lumingon ay nilapitan niya ito.

“Mama…” aniya bago tinapik ang balikat ng ina.

Nang lumingon ito sa kaniya ay awtomatikong sumilay ang magandang ngiti sa maaliwalas nitong mukha.

“Anak… ang bunso ko…” anito bago siya niyakap.

Napangiti si Sofie. Mukhang maganda ang mood nito. Nakikilala siya nito, at tinawag pa siyang “bunso,” na tawag nito sa kaniya mula pa noon.

“Mama, aalis muna ako, ha?” aniya sa ina.

Advertisement

Agad na kumunot ang noo nito.

“Saan ka pupunta, anak? Nagpaalam ka na ba sa Papa mo?” agad na usisa nito.

Tumango siya.

“Opo, Mama. Pumayag po si Papa. Pupunta po ako sa school,” pakikisakay niya kahit ang totoo ay matagal na simula noong pumanaw ang ama niya.

“‘Wag kang magpapagabi, anak, ha? Mag-iingat ka sa daan. Tawagan mo kami kung magpapasundo ka,” sunod-sunod na bilin nito.

Muli ay hindi mapigilang lumambot ng puso ni Sofie. Ganoong-ganoon kasi ang bilin nito sa kaniya lagi noon, noong hindi pa ito nag-uulyanin. 

Nginitian niya ang ina bago mahigpit itong niyakap.

Binalingan niya si Norie, ang nakuha nilang tagapangalaga na halos kaedaran niya lang.

Advertisement

“Norie, ikaw na ang bahala kay Mama, ha?” bilin niya sa dalaga.

“Ay opo, Ma’am Sofie. ‘Wag po kayong mag-aalala, at aalagaan ko po ang Mama niyo,” nakangiting sabi nito.

“Kailan po ba kayo uuwi ulit?” tanong pa nito.

Bahagya man siyang nagtaka sa tanong nito ay sinagot niya pa rin ito.

“Sa susunod na Linggo, Norie. May exam kasi kami,” sagot niya.

Tumango-tango naman ito bilang tugon.

Muli niyang niyakap ang ina. “Uuwi ako sa susunod na Linggo, Mama. Kumain ka nang mabuti, ha? ‘Wag mo pong kakalimutan ang gamot mo,” malambing na bilin niya sa ina bago umalis.

Subalit hindi natupad ni Sofie ang pangako sa ina. Nakapangako kasi siya sa mga kaibigan na sasama siya sa mga ito na magbakasyon.

Advertisement

Ang madalas niya lang na nakakausap ay si Norie, na lagi namang sinasabi na maayos ang lagay ng kaniyang ina.

Isang buwan pa ang lumipas bago siya nakauwi muli ng bahay at nakadalaw sa ina.

Ngunit matamlay ito at walang gana. Hindi rin siya nito nakilala. Napuna niya rin na tila nangangayayat ito.

“Madalas kasi siya walang gana kumain, Ma’am Sofie. Siguro po nami-miss niya kayo…” katwiran ni Norie.

Napabuntong hininga na lamang siya bago pinukol ng nag-aalalang tingin ang ina.

Noon niya napansin ang tila pasa sa braso nito.

“Ano ‘yang nasa braso ni Mama?” baling niya kay Norie.

“Ay, noong isang araw po… nasa banyo kami kaso bigla siyang nagpapalag, tumama siya sa dingding…” kwento ng dalaga.

Advertisement

“Sa susunod, pakiingatan si Mama, ha… Matanda na kasi ‘yan, at mahina na ang katawan. Ayaw ko naman na magkasugat-sugat siya…” marahang sermon niya kay Norie.

Ilang araw siyang nanatili sa bahay upang makasama ang ina. Ngunit noong aalis na siya, laking gulat niya nang magpapalahaw ito ng iyak.

“Dito ka lang! ‘Wag mo ako iwan! Ayaw ko rito!” tila batang nguyngoy niyo.

Tigagal na minasdan niya ang ina. Iyon kasi ang unang-unang pagkakataon na umasta ito nang ganoon. Parating malumanay ito at tahimik lang.

Maging si Norie ay tila hindi malaman ang gagawin.

Labag man sa loob ni Sofie ay umalis siya. May mga pagsusulit kasi siya na dapat ding paghandaan.

Ngunit hindi siya mapakali. Tila nakikita niya sa kaniyang balintataw ang umiiyak na mukha ng kaniyang ina. Nag-aalala siya rito.

Kaya naman kinagabihan din ay umuwi siya sa bahay nila. Hindi niya rin natiis ang ina.

Advertisement

Nais niyang surpresahin ito at manatili muna sa tabi nito hanggang sa umayos ang lagay nito.

Ngunit nang makauwi siya ay siya pa ang nasorpresa.

Makalat na makalat ang buong kabahayan, na tila walang tao roon. Nagkalat kung saan-saan ang mga pinagkainan, at bukas ang TV kahit walang nanonood.

“Norie?” tawag niya sa tagapangalaga.

Ngunit walang sumasagot.

Nang dumako siya sa silid ng ina at buksan niya ang pinto ng silid nito ay nagimbal siya.

Umiiyak ang kaniyang ina sa isang panig ng silid.

Sa silid nito at nagkalat ang dumi at ihi na sa hinuha niya ay maghapong hindi nalinisan.

Advertisement

Tarantang dinaluhan niya ang ina.

“Mama, ‘wag ka na umiyak, nandito na ako…” 

Ngunit mas lalo lang itong napaiyak nang makita siya.

“Sofie! Bakit mo ako iniwan sa babae? Salbahe siya! Pinapalo niya ako! At hindi niya ako pinapakain!” tila batang sumbong nito.

Awtomatikong tumulo ang luha ni Sofie dahil sa awa sa ina. Kasabay noon ay ang pamumuo ng matinding galit para kay Norie.

Hinanap niya ang babae sa buong kabahayan. Natagpuan niya ito na nakababad sa bath tub habang hawak ang isang baso ng wine. Tila ito reyna sa sarili nitong pamamahay, habang kinakawawa nito ang Mama niya!

Nang makita siya nito ay tila nakakita ito ng multo.

“Ma’am S-sofie! B-bakit po kayo n-narito? Akala ko sa susunod na linggo pa ang u-uwi niyo?” utal-utal na bulalas nito habang hindi magkandatuto sa pagtatakip ng hubad nitong katawan.

Advertisement

“Walanghiya kang babae ka! Magbihis ka at magtutuos tayo!” gigil na bulalas niya sa babae.

Nang humarap sa kaniya ang babae ay pinigilan niya ang sarili na hablutin ang buhok nito. Yukong-yuko ito, sukol na sukol at walang lusot.

Bago pa man siya magsalita ay napabuhanglit na ito ng iyak.

“Ma’am ‘wag niyo po akong ipakulong! Hindi ko na po uulitin! Sorry po!” halos maglumuhod na pagsusumamo nito.

Matapos ang mahabang sermon, sa huli ay pinalayas niya na lang ang babae at hindi na siya nagsampa pa ng kaso. Nangako naman ito na hinding-hindi na ito mamaltratuhin pa ang kahit na sino.

Sising-sisi si Sofie. Kung hindi siya sumuko sa pag-aalaga sa ina ay hindi iyon mangyayari. Kaya naman bilang pagbawi, nangako siya na hinding-hindi niya na iiwan pa ang ina sa pangangalaga ng iba. Aalagaan niya ito, gaya ng pag-aalaga nito sa kaniya noong bata pa siya. Dahil iyon naman ang dapat gawin ng pamilya.