Laking Tuwa ng Lalaki nang Sumakabilang Buhay ang Kinakasama Dahil Makukuha na Niya ang mga Antigo Nitong Koleksyon; Mas Mautak Pala Ito Kaysa sa Kaniya

Anim na buwan pa lamang na magkarelasyon si Nando at ang may edad na si Lucita. Dating security guard ang lalaki na nang makilala ang biyudang matanda ay agad na pina-ibig at pinakisamahan dahil ito’y mapera. Huminto sa pagtatrabaho si Nando para alagaan na lang ang kinakasama. Isang kolektor naman ng mga antigong kagamitan at retiradong propesora si Lucita. Bukod sa pensyon ay palagi itong pinapadalhan ng pera ng mga anak na nagtatrabaho sa ibang bansa. Tanggap din ng mga anak ng babae ang kinakasama dahil ang alam ng mga ito ay maalaga at mapagmahal ang lalaki.

Ngunit ang totoo’y wala namang pagtingin si Nando kay Lucita na ang tawag nga niya ay amoy lupang matanda. Pinagtitiyagaan lang niya ito at hinihintay na mat*gok. Marami na rin kasing sakit ang babae, bukod sa nagda-dialysis ito ay may sakit din sa puso. Hindi na rin ito makalakad sa pagkaka-baldado ng katawan dahil sa stroke kaya kundi nakahiga sa kama ay naka-upo na lang ito sa wheelchair. Hirap na rin itong magsalita kaya minsan ay sinusulat na lamang nito sa papel ang gustong sabihin.

Wala ngang kaalam-alam ang mga anak ng pobreng si Lucita na grabe itong maltratuhin ni Nando. Hindi nga makapaniwala ang babae na sa una lang pala mabait ang lalaki ngunit nang tumagal na ay lumabas na ang tunay nitong kulay.

“Hoy, bigyan mo nga ako ng pera! Hindi ako nakabawi sa pagkatalo ko kagabi sa sugal,” singhal ni Nando.

Kumuha ng papel si Lucita at isinulat ang gustong sabihin.

“Kakabigay ko lang sa iyo kahapon, ah. Huwag mo namang gastahin sa bisyo mo ang perang pinaghirapan ko at ng mga anak ko,” wika ng babae sa sulat.

Nang basahin iyon ni Nando ay nanggalaiti sa galit ang lalaki.

“P*nyeta ka! Parang nanghihingi lang ako ng pera, ang dami mo nang sinabi. L*tse ka!”

Advertisement

Sa sobrang asar ay sinampal ni Nando si Lucita at sinuntok pa sa tagiliran.

“Iyan ang bagay sa iyo, hay*p ka! Sana nga ay matodas ka na para wala na akong problema. Wala kang magagawa, kukuha ako ng pera sa ayaw o sa gusto mo! At huwag kang magkakamaling magsumbong sa mga anak mo kung ayaw mong malintikan uli sa akin!” banta ng lalaki.

Dali-daling binuksan ni Nando ang caja de hierro ng babae na naglalaman ng pera at nilimas itong lahat. Iyon lang naman ang napagkukunan niya ng panggastos sa mga luho niya at bisyo. Ang ibang lalagyan nito ng ipong pera ay hindi niya alam kung saan nakatago lalo na ang susi ng aparador kung saan nakalagay ang mga antigo nitong koleksyon na gustung-gusto niyang makuha. Napag-alaman niya kasi na malaking halaga ang katumbas ng mga iyon kapag ibinenta. Kapag napasakamay niya ang mga ito ay siguradong tiba-tiba siya.

Nang malimas na ng lalaki ang laman ng caja de hierro ay umalis na ito para magsugal. Tahimik na napaiyak si Lucita. Gusto niyang itext o ichat ang mga anak para magsumbong pero natatakot siya na baka kung anong gawing masama ni Nando. At ayaw rin niyang abalahin pa ang mga anak, alam niyang mahirap ang trabaho ng mga ito sa ibang bansa. Hindi madali ang maging OFW.

Sa araw-araw ay palaging sinasaktan ni Nando si Lucita lalo na kapag natatalo sa sugal. Sa kinakasama ibinubuntong ang galit kaya ‘di mabilang na sampal, tadyak, suntok ang inaabot ng kawawang babae sa kamay ng malupit na lalaki. Upang hindi makapagsumbong ay itinapon niyang lahat ang mga papel at iba pang maaari nitong sulatan, kinuha rin niya ang cell phone na ginagamit nito para hindi maka-text o maka-chat ang mga anak.

Isang gabi, habang natutulog si Lucita ay naghalughog si Nando sa kuwarto nito. Buo talaga ang loob niya na kunin ang susi ng aparador kung saan nakalagak ang mga antigong koleksyon hanggang sa makita niya ang hinahanap sa isang lumang kahon.

“Huli ka! Natitiyak kong ito ang susi dahil nakita ko na itong ginamit noon ng amoy lupang babae nang buksan ang aparador na puno ng antigong kagamitan. Itatago ko na muna ito at gagamitin sa takdang panahon,” nakangising sabi ng lalaki sa isip.

Makalipas ang ilang linggo ay tila sinuwerte si Nando dahil inatake sa puso si Lucita at hindi na umabot nang buhay sa ospital. Nang malaman ng mga anak na pumanaw na ang ina ay agad na bumalik ang mga ito sa Pilipinas. Para maging mabango sa mga anak ni Lucita ay inilabas na ni Nando ang natatago niyang galing sa pag-arte. Sa mismong burol ng babae ay halos maglulupasay siya at walang tigil na humagulgol.

Advertisement

“Lucita, mahal ko, bakit mo naman ako iniwan agad? Paano na ako mabubuhay nang wala ka?” todo iyak na sabi ni Nando sa harap ng kabaong ng kinakasama. Sinagad na niya talaga ang pag-arte na pang-Oscar Awards.

Nilapitan siya ng tatlo nitong anak at niyakap siya. Napaniwala naman niya at nauto ang mga ito.

“Salamat, Tito Nando, at ‘di mo iniwan at pinabayaan ang mommy namin hanggang sa huling sandali,” sabi ng panganay na si Janelle.

“Ang mommy ninyo ang lahat-lahat sa akin. Siya ang naging katuwang ko sa buhay. Ako ang umagapay at nag-alaga sa kanya bago siya kunin ng ating Maykapal. Balewala sa akin ang mga sakripisyo dahil sobra ko siyang minahal,” humihikbi pang sabi ng lalaki na mas ginalingan pa ang pagda-drama.

“Labis ka ring minahal ni mommy, tito. Narito pa rin naman kaming mga anak niya. Hindi ka namin papabayaan,” wika naman ng bunsong si Quintin.

“Naku, maraming salamat sa inyo. Alam niyo naman na para ko na rin kayong mga anak,” saad pa niya.

Ilang oras lang ay napuno na ng mga nakikiramay ang burol ni Lucita. Abala na rin ang mga anak nito sa pag-eestima sa mga dumating na bisita kaya nakakuha ng pagkakataon ang lalaki na gamitin ang ninakaw niyang susi para buksan ang aparador na pinagtataguan ng mga antigong koleksyon. Ang plano niya’y ilalagay niyang lahat iyon sa malaking sako at itatago sa ilalim ng kama niya. May sarili siyang kuwarto, kahit noong nabubuhay pa si Lucita ay hindi niya ito tinatabihan sa higaan dahil ayaw niyang mag-amoy lupa rin gaya nito.

Sa araw naman ng libing ni Lucita ay aalis na siya sa bahay na iyon na dala-dala ang mga antigong koleksyon ng yumaong kinakasama. Wala na siyang pakialam sa iba pa nitong perang nakatago, sa mga antigong kagamitan palang ay jackpot na siya. Nabuksan niya ang aparador gamit ang susi at halos lumuwa ang mga mata niya nang tumambad sa kanya ang sari-saring antigong gamit na naroon.

Advertisement

“Wow, yayaman ako kapag naibenta ko ang lahat ng ito.”

Mabilis niyang nilimas iyon at itinago sa sako’t inilagay sa ilalim ng higaan niya.

Sumapit ang araw ng libing, ihahatid na sa huling hantungan si Lucita. Pagkatapos niyon, ang tatlong anak ay nakatakda nang umalis para bumalik sa trabaho ng mga ito sa abroad. Isinakatuparan na ni Nando ang kanyang plano. Palihim siyang umalis sa sementeryo at bumalik sa bahay. Kinuha ang mga ninakaw sa ilalim ng kama at nagmamadaling umalis. Dinala niya sa sanglaan ang mga antigong kagamitan para ibenta ngunit laking panlulumo niya nang malamang…

“Pasensya na mama, pero ang lahat ng iyan ay peke!” wika ng babae sa sanglaan.

“P*tang i*a! Ang ibig mong sabihin ay peke ang mga antigong gamit na ‘yan?” gulat niyang sabi na ‘di napigilang mapamura.

“Oo. Ang lahat ng mga dinala mo rito ay hindi totoong mga antigo. Parang pinasadya ang mga ito, eh. Saan mo ba nakuha ang mga ito?” tanong ng kausap.

Hindi na niya sinagot pa ang babae at galit na galit na umalis.

Lintik! Nautakan siya ni Lucita. Kung peke ang mga nakuha niya, saan nito itinago ang mga totoong antigong koleksyon? P*nyeta! Hindi maaari na wala siyang mapala sa amoy lupa niyang kinakasama, ang laking hirap niya at pagtitiis sa piling ng matandang iyon kaya hindi puwedeng mauwi lang sa wala ang lahat.

Advertisement

Lakas loob siyang bumalik sa bahay nito para muling tingnan kung saan nakatago ang mga totoong antigong kagamitan at para kunin na rin ang iba pang ipong pera ng babae na hindi niya nakuha sa pag-alis niya. Tiyak naman na wala na roon ang mga anak nito at nasa airport na.

Ilang minuto lang ay naroon na siya. Pagpasok niya sa pinto ay bumungad sa kanya ang tatlong anak nito na nakaupo sa sofa. Seryosong nakatingin sa kanya na para bang inaabangan ng mga ito ang pagdating niya.

“O, Tito Nando, saan ka galing? Bigla ka na lamang nawala sa libing ni mommy,” tanong ng ikalawang anak na si Carla.

“Kanina ka pa namin hinihintay, tito, dahil may sasabihin kami sa iyo,” sabad naman ni Janelle.

Pinagpawisan nang malapot si Nando. Hindi niya alam kung ano ang idadahilan niya sa tatlo. Nagtataka rin siya kung bakit hindi pa nakaaalis ang mga anak ni Lucita samantalang sa araw na iyon din naka-iskedyul ang flight ng mga ito. Nag-imbento na lamang siya ng sasabihin.

“A, eh, nagpunta lang ako sa parke at nagmuni-muni. Hindi ko pa rin kasi matanggap ang pagkawala ng mommy ninyo. Napakasakit pa rin sa akin na wala na akong makakasama rito, ngayon pang aalis na rin kayo at babalik na sa abroad. Mas lalo akong malulungkot sa bahay na ito,” humihikbi niyang sabi. Pinamalas na naman niya ang husay sa pag-arte.

Sa isip ni Nando ay mamaya na lang siya maghahalughog uli sa kuwarto ni Lucita kapag tuluyan nang nakaalis ang mga anak nito.

“Ganoon ba, tito, pero pasensya na, hindi pa kami makaalis dahil may importante pa kaming gagawin sa araw na ito,” wika ni Quintin.

Advertisement

“A-ano naman ang gagawin ninyo?” tanong ng lalaki.

“Ilalagay namin sa dapat na kalagyan ang isang taong ubod ng sinungaling at mapagsamantala,” tugon ni Janelle na may dinukot sa bulsa ng suot na pantalon – isang susi.

“Alam mo ba kung para saan ang susing ito? Ito ang tunay na susi kung saan nakatago ang mga antigong koleksyon ni mommy. Ang susing nakuha mo ay ang susi kung saan nakalagay ang mga pekeng antigo na sadya niyang ipinagawa para linlangin ka. Ang mga totoo niyang koleksyon ay ipinatago niya sa aming tiyahin dahil may kutob na siya noon na may masama kang binabalak kaya nang minsang abala ka sa pagsusugal ay palihim niyang pinapunta sa bahay ang aming tiyahin at kinuha ang mga antigong kagamitan at dinala sa sarili nitong bahay para doon itago. Wala ka na ring makukuhang pera rito dahil ang lahat ng ipon ni mommy ay inilagay na niya sa bangko,” bunyag ng panganay na anak.

“H-hindi maaari…”

“At akala mo ba hindi namin malalaman ang mga pinagagagawa mong kalupitan at kalapastanganan sa aming ina? Matalino si mommy dahil wala kang kamalay-malay na isinulat niya sa puting kobre kama gamit ang itinago niyang ballpen sa punda ng unan ang mga pananakit at pagmamaltr*to mo sa kanya. Sa sobra mong pagkagahaman sa salapi ay nakalimutan mong tingnan ang higaan niya na ginamit niyang paraan para isiwalat ang lahat ng kahay*pan mo. Mabuti na lang at naisipan kong maglinis sa kuwarto niya kundi ay makakalusot ka pa sa mga kabuktutan mo,” hayag pa ni Janelle.

Hindi nakasagot si Nando na napako na sa kinatatayuan. Hindi makapaniwala na nautakan siya ni Lucita. Sa huli ay siya pala ang talunan.

Nabigla na lang siya nang dumating ang mga pulis at pinosasan siya. Isinuplong na siya ng tatlo at sinampahan ng kaso.

Lulugu-lugong sumama si Nando sa mga pulis na humuli sa kanya. Alam niyang wala na siyang kawala dahil malakas ang ebidensiyang hawak ng magkakapatid laban sa kanya.

Advertisement

Tama ang kasabihan na matalino man ang matsing ay napaglalamangan din. Kung inakala ni Nando na suwerte na siya sa nakuhang antigong koleksyon ay laking malas niya dahil natanso siya ni Lucita. Sa halip na limpak-limpak na pera ang hahawakan niya ay malamig na rehas ang nakaabang sa kanya.