
Natupad na ang Pangarap ng Padre de Pamilyang Ito na Makasampa ng Barko, Siya rin ba ay Maging Isang Seaman-loloko?
“Mukhang ang saya-saya ng asawa ko, ha?” bati ni Lorraine sa kaniyang asawa, isang umaga bago ito tuluyang sumampa sa barko.
“Aba, syempre naman, mahal! Sino bang hindi matutuwa kapag nakamit na niya ang pangarap niya?” masayang sagot ni Romano habang umiindak-indak pa sa harapan ng salamin.
“Sa bagay, may punto ka pero matanong ko lang, mahal, bakit mo nga ba pinangarap ang pagiging seaman? Hindi ka ba nababahala na malalayo ka sa amin ng anak mo?” tanong ng kaniyang asawa na biglang nagpatigil sa kaniya.
“Nababahala ako, mahal, sa totoo lang. Ayaw kong mawala kayo sa tabi ko ni bunso pero naisip ko kasi, hindi tayo aasenso kung mananatili lang ako rito,” sagot niya habang hinihimas-himas ang mga kamay nito.
“Talagang pag-asenso ng buhay natin ang pakay mo roon? Hindi iba’t ibang lahi ng mga babae?” tanong pa nito na ikinatawa niya.
“Mahal, may pamilya na tayo. Ikaw at si bunso na lang ang tangi kong iniisip,” sambit niya habang nakatingin sa mga mata nito.
“Pangako mo ‘yan, ha? O, sige na, nariyan na ang kaibigan mo para ihatid ka,” sabi nito nang marinig ang busina ng sasakyan ng kaniyang kaibigan dahilan para siya’y agad nang magpaalam dito at yakapin nang mahigpit ang natutulog nilang anak.
Buong akala ni Romano, hindi na niya matutupad ang pangarap na maging seaman dahil maaga siyang nakabuo ng sariling pamilya. Ngunit dahil nga ito ang pangarap niya noon pa man, hindi siya sumuko sa pag-abot dito.
Nagawa niyang ipagsabay ang pagtatrabaho at pag-aaral. Mahirap man, kinaya niya ang lahat dahil alam niyang ang pagsampa niya na lang sa barko ang tanging paraan upang mabigyan niya ng magandang buhay ang kaniyang mag-ina.
At dahil nga sa kaniyang pagpupursigi, paglipas pa ng ilang taon, siya nga ay tuluyan nang makakasampa ng barko na talagang nagpaiyak sa kaniya sa sobrang tuwa.
Nang araw na iyon, pagkatapos niyang magpaalam sa asawa niyang lungkot na lungkot sa pag-alis niya at sa anak niyang mahimbing ang tulog, siya ay agad nang nagtungo sa daungan ng barko sa Maynila.
Kabado man, hindi ito naging hadlang upang hindi niya maipakilala nang maayos ang sarili niya sa mga naghihintay niyang katrabaho roon.
“O, paano ba ‘yan, hijo? Unang sampa mo ng barko, ‘di ba? Titikim ka dapat ng bagong putahe pagdaong natin sa Australia mamaya, ha? Hindi pwedeng hindi! Simbolo ‘yon ng pagiging lalaki ng mga mandaragat!” sabi sa kaniya ng pinakamataas na opisyal doon dahilan upang siya’y mapakamot na lang at mapatawa sa paghihinala niyang nagbibiro lang ito.
Kaya lang, nang makarating sila sa Australia, hindi niya lubos akalaing sandamakmak ng naggagandahang kababaihan ang biglang sumampa sa kanilang barko at lahat ng kaniyang mga kabaro roon ay agad na nagkuhaan ng sari-sariling babaeng hinihila sa kani-kanilang silid.
“Hoy, ikaw na bagong sampa, halika ka rito! May ibibigay ako sa’yong masarap na putahe!” sigaw sa kaniya ng naturang opisyal dahilan para siya’y mapalapit dito.
Katulad ng sabi nito, binigyan nga siya nito ng isang napakaganda at sexy na babae na agad lumingkis sa kaniya.
Hinihila na siya nito sa isang bakanteng silid ngunit bigla niyang naalala kung anong pakay niya sa barkong ito.
“Sasampa ako ng barko para mabigyan ng magandang buhay ang mag-ina ko, hindi para makapangbabae nang walang makakahuli,” sabi niya sa sarili dahilan para agad niyang maitulak ang babae palayo at magsabi sa nakakataas na opisyal na ayaw niyang magtaksil sa kaniyang asawa.
Labis man siyang pinagtawanan ng kaniyang mga kabaro dahil sa ginawa niyang iyon, tinanggap niya na lang ang lahat ng pangbubuska ng mga ito huwag lang siyang magkasala sa kaniyang mag-ina.
“Ayos lang ‘yan, hijo, desisyon mo pa rin naman talaga ‘yan at rerespetuhin kita. Napabilib mo ako, sana hanggang sa pag-uwi mo sa Pilipinas, maging tapat ka sa pamilya mo. Huwag mo akong gayahin, ha?” patawa-tawang sabi nito saka siya tinapik-tapik sa likod.
Simula noon, sa tuwing may aakyat na mga babae sa kanilang barko, nagkukulong na lang siya sa kaniyang silid upang makaiwas sa tukso na talaga nga namang nagbunga nang maganda dahil ni minsan, hindi niya nagawang humawak ng ibang babae hanggang sa siya’y muling makauwi sa Pilipinas.
“Ikaw lang talaga, mahal,” bungad niya sa asawang pakiramdam niya’y naghihinala sa kaniya.
Iyon na ang naging umpisa ng pagbibigay niya nang magandang buhay sa kaniyang mag-ina. Muli man siyang sasampa ng barko sa mga susunod na buwan, masaya siyang makabili ng sariling bahay para sa maliit niyang pamilya.

Pinagbabawalan ng Ginang na Ito na Manligaw ang Anak dahil Nababawasan ang Bigay Nitong Pera, Obligasyon nga ba Ito ng Kaniyang Anak?
