Inday TrendingInday Trending
Pinagbabawalan ng Ginang na Ito na Manligaw ang Anak dahil Nababawasan ang Bigay Nitong Pera, Obligasyon nga ba Ito ng Kaniyang Anak?

Pinagbabawalan ng Ginang na Ito na Manligaw ang Anak dahil Nababawasan ang Bigay Nitong Pera, Obligasyon nga ba Ito ng Kaniyang Anak?

“Ito lang ang sinahod mo, Mark? Anim na libong piso sa loob ng kalahating buwan? Bakit parang kulang? Noong mga nakaraang buwan, halos sampung libong piso ang binibigay mo sa akin. Tingin mo ba sasapat ‘to sa mga gastusin natin dito sa bahay?” sermon ni Aling Niña sa kaniyang anak, isang gabi nang iabot nito sa kaniya ang perang sinahod.

“Ah, eh, pasensya na po, mama. Kumurot po kasi ako nang kaunting halaga riyan para mabili ko po ng rosas at tsokolate ‘yong dalagang nililigawan ko,” tapat na sagot ng kaniyang anak na talagang kaniyang ikinainis.

“Diyos ko! Uunahin mo pa ‘yon kaysa sa pamilya natin? Hindi ba’t sabi ko sa’yo, huwag ka munang manliligaw hangga’t wala pa tayong bahay at lupa? Hangga’t hindi ka pa nakakabawi sa akin!” bulyaw niya pa rito dahilan para mapatungo ito.

“Mama, trenta anyos na po kasi ako, gusto ko rin pong magkaroon nang makakatuwang sa buhay,” sagot nito na lalong ikinataas ng dugo niya.

“Pwes, magsumikap ka pa para hayaan na kitang magnobya!” sigaw niya pa rito saka binato rito ang nahablot na baso.

Simula nang magtrabaho ang anak ng ginang na si Niña, siya’y tumigil na sa pagtitinda ng ulam at meryenda. Katwiran niya, siya raw ay napapagod na at nand’yan naman ang anak niya para tugunan ang lahat ng pangangailangan sa kanilang bahay.

Sa kagustuhan niyang umasenso sa buhay sa pamamagitan ng trabaho ng kaniyang anak, ito’y labis niyang pinagbawalan na manligaw hangga’t wala pa silang bahay at lupa.

Naisip niya kasing kapag nagkaroon ito ng nobya, malaki ang tiyansang maaga itong magkaroon ng sariling pamilya. Mahahati ang sasahurin ng kaniyang anak kung ito’y mangyayari dahilan para ganoon niya na lang itong bawalan na manligaw.

Kaya lang nitong mga nakaraang buwan, napansin niyang palaging kulang ang binibigay na pera ng kaniyang anak at nang malaman niya ngang may nililigawan na ito, ganoon na lang agad na nag-init ang ulo niya.

Nagawa niya pang tawagan ang dalagang nililigawan ng kaniyang anak noong gabing iyon upang sabihing huwag nang magpaligaw sa kaniyang anak dahil sila’y mahirap lamang.

Sa sobrang inis niya sa anak, minabuti niyang maglakad-lakad muna upang makalanghap ng sariwang hangin.

Hindi niya inaasahang makakasalubong niya ang matalik niyang kaibigan noong haysul sa paglalalakad niyang ito.

“Kamusta ka na, Niña? Saan ang punta mo?” tanong nito sa kaniya.

“Kahit saan, gusto ko lang makalanghap ng sariwang hangin! Iniinis ako maigi ng anak ko, eh,” reklamo niya pa.

“O, hindi ba’t may edad na ang anak mo? Pasaway pa rin ba sa’yo ‘yon?” pang-uusisa pa nito.

“Aba, oo! Kulang ang binigay na sahod sa akin dahil nanliligaw na pala! Sinong matutuwa sa lalaking iyon? Inuna pa ang panliligaw kaysa sa sariling pamilya!” inis niyang kwento rito dahilan para siya’y hilahin nito tabi ng daan.

“Naku, mars, may edad na naman kasi ang anak mo. Matagal na rin siyang nagtatrabaho para sa pamilya niyo. Siguro, dapat hayaan mo na siyang manligaw. Hindi naman porque may nobya na siya, hindi na siya makakatulong sa’yo. Iyong anak ko nga, eh, kahit may pamilya na, tinutulungan pa rin ako,” pangaral nito sa kaniya na ikinatahimik niya,

“Hindi rin obligasyon ng mga anak natin na bumawi sa atin pero obligasyon natin bilang mga magulang na tulungan, suportahan, at buhayin sila. Kawawa naman ang anak mo kung hindi mo siya hahayaang gawin ang gusto niya,” dagdag pa nito na talagang nagbigay ng pangongonsenya sa kaniya.

Dahil doon, siya’y nagdali-daling umuwi sa kanilang bahay. Nakita niyang mugtong-mugto ang mga mata ng kaniyang anak dahilan para muli niyang kuhanin ang selpon nito at muling tawagan ang dalagang nililigawan nito.

Humingi siya ng tawad sa dalaga at kaniya pa itong inimbitahan na sumalo sa kanilang hapunan bukas na ikinalaki ng mga mata ng kaniyang anak.

“Totoo po ba ‘yan, mama?” tuwang-tuwa tanong nito at nang siya’y tumango-tango ito’y nagsisisigaw sa tuwa, “Pangako, mama, magsusumikap pa po ako lalo!” sabi pa nito saka mariing na yumakap sa kaniya.

At dahil nga natutunan niyang hindi siya dapat umasa lang sa anak, agad din siyang nagpasiyang muling magtinda ng ulam at meryenda sa tapat ng kanilang bahay.

Sa ganoong paraan, kahit mabawasan man ang bigay ng kaniyang anak, mayroon pa rin siyang mahuhugot na pera mula sa maliit niyang negosyo.

Walang mapagsidlan ang sayang nararamdaman niya ngayong nakikita niya kung gaano kasaya ang anak niya sa dalagang nililigawan nito na palaging natulong sa kaniya maggayat at magluto.

Advertisement