Pinagyayabang ng Pulis na Ito ang Kaniyang Baril, Siya’y Pinagplanuhan ng mga Hindi Kilalang Tao

“Hoy! Nanunuod lang kayo ng liga, ang ingay-ingay niyo! Hindi niyo ba alam na oras ng siyesta ngayon? Gusto niyo bang pagbabarilin ko kayo?” banta ni Kenneth sa mga kabataang nanunuod ng basketball sa gilid ng kaniyang bahay, isang hapon nang magising siya dahil sa sigawan ng mga ito.

“Pasensya na, chief, pustahan kasi ‘to, eh, kaya nasasabik kaming lahat sa kung sinong kupunan ang mananalo,” sagot ng isang binata na lalo niyang ikinagalit.

“Wala akong pakialam! Isang ingay niyo pa, babarilin ko kayong lahat!” sigaw niya pa rito dahilan para mapakamot ito ng ulo.

“Opo, pasensya na po!” tugon nito kaya siya’y muling bumalik sa pagkakahiga. 

Kaya lang, bago pa siya muling makatulog, muli na namang nagsigawan ang mga kabataan. Mas malakas na ingay kumpara kanina na labis na nagpataas ng dugo niya. 

“Aba, hindi talaga kayo titigil?” sigaw niya sa mga ito at nang makita niyang nagkakarambola na ang mga kabataang nanunuod at naglalaro ng basketball, siya’y agad na nagpasiyang lumabas upang awatin ang gulo gamit ang kaniyang baril na dali-dali niyang kinuha mula sa nakasabit niyang uniporme.

Labis na pinagyayabang ng pulis na si Kenneth ang kaniyang propesyon. Sa tuwing siya’y mananaway ng mga taong nagkakagulo at maingay, hindi mawawala ang pananakot niyang siya’y mamamaril dahilan para siya’y katakutan ng karamihan.

May pagkakataon pa ngang nagpaputok siya ng baril sa langit para lamang tumigil ang mga nagsisigawan niyang kapitbahay dahil lang hindi nakakuha ng ayuda. Sabi niya pa sa ginang na nagrereklamo noon sa barangay habang nakatutok dito ang kaniyang baril, “Kapag hindi ka pa tumahik, habang buhay kang hindi makakakuha ng ayuda!” na labis nitong ikinanginig.

Advertisement

Bukod pa roon, kahit saan o anong kaguluhan ang kaniyang makita at marinig, siya’y agad na rumiresponde kahit pa kakagising niya pa lamang. Matapang siya dahil alam niyang mapoprotekhan siya ng hawak niyang baril at matatakot sa kaniya ang mga tao dahil sa propesyon niya.

Kaya naman, nang siya’y maalimpungatan noong hapong iyon dahil lang sa mga batang nagkakagulo, hindi siya nagdalawang isip na umawat dahil nga alam niyang takot sa kaniya ang mga ito.

Pagkalabas na pagkalabas niya ng kanilang bahay, agad na siyang sumigaw habang naglalakad papalapit sa grupo ng mga kabataang nagbubugbugan, “Itigil niyo ‘yan kung ayaw niyong magkita-kita sa impyerno, mga hampaslupang uhugin!”

Ngunit hindi nakinig sa kaniya ang mga ito dahilan para kuhanin niya ang baril na nasa bewang pero bago pa man niya ito makasa, may isang binata ang biglang umagaw nito sa kamay niya at doon na siya pinagtulungan ng mga naglalakihang manlalaro ng basketball.

Sinusubukan niyang mukhaan ang mga ito habang tinatanggap niya ang suntok ng mga ito, kaya lang, ni isa, wala siyang kilala sa mga ito.

Mayamaya lang, siya’y biglang nakaramdam nang malakas na suntok sa kaniyang panga at doon na siya tuluyang nawalan ng malay.

Nagising na lang siyang nasa ospital na.

“Nasaan ang mga gunggong na ‘yon? Ang baril ko, nakuha mo ba, mama?” agad niyang tanong sa inang nagbabantay sa kaniya.

Advertisement

“Anak, kumalma ka,” mahinahong sabi nito.

“Paano ako kakalma? Binugbog nila ako!” sigaw niya rito.

“Hindi mo pa rin ba makuha ang nangyari? Pinagplanuhan ka ng mga lalaking iyon, anak. Nasa panganib na ang buhay mo dahil sa kayabangang mayroon ka. Tandaan mo, anak, kapag wala kang baril, wala kang proteksyon at laban sa kanila. Tama na ‘yang gan’yang ugali mo, ayoko pang mawalan ng anak,” mangiyakngiyak na wika nito na kaniyang ikinatahimik.

Doon niya lang naunawaan ang nangyari. Naalala niya ang mukha ng binatang sumagot sa kaniya nang siya’y manaway pero hindi niya ito kilala, hindi iyon taga barangay nila. Napagtanto niya ring walang nagliliga sa kanilang lugar nang ganoong oras dahilan para kaniyang masiguro na siya nga ay pinagplanuhan ng mga taong hindi niya kilala.

At dahil sa awang naramdaman nang makitang umiiyak ang ina, siya’y nangako rito at sa sarili na magbabago na. Kaya naman, simula noon, ang dating mayabang, palaging galit, at nananakot na pulis, naging isa na ngayong mahinahon, mabait, at masiyahing pulis na talaga nga namang labis na ginalang ng mga tao.

“Ngayon ko napatunayan na hindi ko kailangang gumamit ng dahas para mapalaganap ang kapayapaan. Sigurado na ako sa kaligtasan ko, wala pa akong tinatakot na tao,” masaya niyang sabi sa sarili habang siya’y nasa trabaho.