Ayaw ng Ginang na Ito na Magkaroon ng Empleyado sa Kanilang Kapehan, Posible nga bang Asawa Niya lang ang Kumilos Dito?

“Mahal, pupwede ba na kumuha tayo kahit isang empleyado para tumulong sa akin magtimpla ng kape? Sa dami kasi ng mga tumatangkilik sa produkto natin, hindi ko na sila makayanan intindihin lahat,” daing ni Roel sa kaniyang asawa, isang gabi pagkauwi niya galing sa maliit nilang coffee shop. 

“Kukuha ka ng empleyado? Para ano? Wala ka nang gawin doon at magpapaka-bossing ka na lang? Ayan na nga lang ang trabaho mo, eh, susukuan mo pa?” galit na tugon ni Amari habang hinehele ang inaantok nilang isang taong gulang na anak.

“Hindi naman sa ganoon, mahal. Sadyang hindi na talaga kaya na isang tao lang ang gagalaw sa coffee shop natin dahil sa dami ng mga taong pumupunta araw-araw. Sa totoo lang talaga, mahal, malapit na sumuko ang katawan ko sa sobrang pagod. Para akong lagari araw-araw,” paliwanag pa ng kaniyang asawa habang pinapakita ang pasa, mga paso, at ilang sugat sa katawan nito dahil sa trabaho.

“Ay, basta! Hindi tayo kukuha ng empleyado hangga’t wala tayong bahay at lupa! Mababawasan ang kita natin kapag kumuha tayo ng empleyado!” bulyaw niya pa rito dahilan para mapatungo na lang ito at magtungo sa kanilang silid upang magpahinga.

Ang negosyong coffee shop ng ginang na si Amari at ng kaniyang asawa ang tanging bumubuhay sa kanilang maliit na pamilya. Parehas silang hindi nakapagtapos ng pag-aaral dahilan kaya sila’y nahirapan kumuha ng magandang trabaho noon pero dahil nga parehas silang madiskarte sa buhay, napag-isipan nilang magtayo ng isang maliit na kapehan na ang puhunan ay inutang pa nila sa kanilang mga kaibigan.

Malaki man ang pag-aalinlangan niya noon sa kanilang ginawang pangungutang, siya’y nagtiwala sa kakayahan nilang mag-asawa na talaga nga namang nagbunga ng paglago ng kanilang negosyo. 

Bukod kasi sa masarap at malinamnam na ang kanilang mga tinitindang kape, pasok pa ito sa bulsa ng masa. Kaya naman, kahit kamakailan lang nila ito itinayo, agad na itong sumikat sa kanilang lugar na naging rason para sila’y agad na makapagbayad sa kanilang mga pinagkakautangan.

Kaya lang, kahit alam niyang marami na silang kustomer sa araw-araw, ayaw niya pa ring payagan ang asawa na kumuha ng isang empleyado na makakatuwang nito. Palagi niyang katwiran, “Kaya mo naman, eh, bakit kailangan pa ng katuwang? Makakabawas lang ‘yon sa kita natin!”

Advertisement

Kinabukasan noong gabing muli niyang kinontra ang kagustuhan ng asawa, nagulat siyang magising na nasa tabi niya pa ito.

“Hoy! Alas diyes na ng umaga! Bakit nandito ka pa? Sayang ang benta sa coffee shop!” agad niyang sigaw dito. Nakita niyang pawis na pawis ito dahilan para agad niyang pakiramdaman ang noo nito. Doon niya nalamang inaapoy ito ng lagnat.

“Pwede bang ikaw muna sa coffee shop, mahal? Papaalaga ko muna si bunso kila mama,” sabi nito na agad niyang sinang-ayunan kahit siya’y inis na inis dahil nagkasakit pa ito.

Wala na siyang sinayang na oras. Nagmadali na siyang magpunta sa kanilang coffee shop. Pagkarating niya roon, sandamakmak na agad na tao ang nakaabang sa labasan dahilan para lalo siyang mataranta.

Kuha ng order dito, kuha ng order doon, timpla rito, timpla roon, at marami pang ibang gawain ang mag-isa niyang ginagawa para lamang makagawa ng mga kapeng order ng kanilang mga kustomer.

Ilang oras pa ang lumipas, bahagyang kumalma ang pagdaksa ng tao dahilan para siya’y saglit na makapagpahinga. Napabuntong-hininga na lang siya nang hindi na niya maramdaman ang kaniyang mga paa at kamay dahil sa pagod. Doon niya napagtanto kung anong hirap ang kinahaharap ng kaniyang asawa sa araw-araw na pagtitinda rito.

“Siguro nga, kailangan na naming kumuha ng mga empleyado. Kawawa naman ang asawa ko, nagkasakit na dahil araw-araw niya itong nararanasan,” sabi niya sa sarili saka muling umarangkada sa pagtitimpla ng mga kape.

Kinabukasan, minabuti niya munang hindi buksan ang coffee shop. Inalagaan niya muna ang kaniyang asawa at naghanap din siya ng mga pupwedeng gawing empleyado sa kaniyang mga kakilala. Nang malaman ito ng kaniyang asawa, halos mapalundag ito sa tuwa.

Advertisement

“Salamat, mahal, salamat!” paulit-ulit nitong sabi napangiti lang siya at ito’y niyakap.

Ilang araw pa ang lumipas, muli na nilang binuksan ang coffee shop kasama ang tatlong empleyadong nahanap niya.

Kitang-kita niya sa ngiti ng kaniyang asawa ang saya at gaan ng trabahong mayroon ito. Sa dami ng kanilang kustomer, hindi naging hadlang ang kanilang mga empleyado upang tuluyan silang makabili ng bahay at lupa, at mapalaki pa ang kanilang kapehan.