Lingid sa Kagustuhan ng Amang Ito ang Pagkahilig ng Binatang Anak sa Make-up, Kahihiyan nga ba ang Maibibigay Nito sa Kaniya?

Lingid sa Kagustuhan ng Amang Ito ang Pagkahilig ng Binatang Anak sa Make-up, Kahihiyan nga ba ang Maibibigay Nito sa Kaniya?

InspiringStoriesSuccess

“Ano na naman ‘yang mga binili mo, Armando? Mga make-up na naman? Ano bang ginagawa mo sa mga ‘yan, ha? Nagsasayang ka lang ng pera! Imbis na itulong mo rito sa gastusin sa bahay, kung anu-ano pa ang binibili mo!” sermon ni Arnel sa kaniyang anak, isang hapon nang makita niya kung ano ang bitbit-bitbit nito pauwi. 

“Ah, eh, gusto ko po kasi mag-ensayo sa paglalagay ng make-up, papa. Marami po akong nakikitang make-up artist sa social media, eh. Tingin ko po kayang-kaya ko ang ginagawa nila dahil magaling naman po ako mag-painting at gumuhit,” paliwanag ng kaniyang anak habang sinusubukan pang hanapin sa selpon ang mga tinutukoy na make-up artist upang ipakita sa kaniya. 

“Kahit na! Pangbabae lang ang trabahong ‘yon!” sigaw niya pa rito saka agad na hinablot ang selpon nito. 

“Hindi po, papa, may mga kakilala po akong…” agad niya pang pinutol ang sinasabi nito. 

“Kung ako sa’yo, maghanap ka na permanenteng trabaho kaysa nagsasayang ka ng oras sa pangbabaeng propesyong ‘yan!” bulyaw niya pa na ikinaiyak na nito. 

“Papa, ito po talaga ang gusto kong propesyon,” giit pa nito na lalo niyang ikinagalit. 

“Ayaw mong sumunod sa akin? Lumayas ka rito!” muli niyang sigaw saka pinagtatatapon ang mga hawak nitong isang supot ng make-up. 

Agad na nag-iinit ang ulo ng padre de pamilyang si Arnel sa tuwing makikita niyang may dala o naglalagay ng make-up sa mukha ang nag-iisa niyang anak na lalaki. Pakiramdam niya kasi, may puso itong babae na para sa kaniya ay isang kahihiyan. Brusko kasi siya at isang gym instructor dahilan para ayaw niyang maging isang binabae ang anak niya ito. 

Ito ang dahilan para palagi niya itong pagbawalan sa pagkahilig nito sa make-up. Walang araw na hindi niya ito sinesermunan dahil imbis na maghanap ito ng trabaho ngayong kakatapos lang nito sa pag-aaral ng pagiging arkitekto, naglalagay lang ito ng make-up buong araw sa sariling kwarto na labis niyang ikinagagalit. 

Pagkatapos niyang sermunan ang anak noong araw na iyon, agad itong nagkulong sa sariling silid at simula noon, naging malayo na ang loob nito sa kaniya. Palagi na itong nagkakandado ng kwarto, nakain mag-isa, at tahimik dahilan para siya’y labis nang mag-alala rito. Gustuhin man niyang humingi ng tawad dito, hindi niya magawa dahil ayaw niya talagang mahilig ito sa make-up na para sa kaniya, walang maganda maidudulot na maganda rito.

Ngunit, isang araw, habang abala siya sa pagtuturo sa gym na pinagtatrababuhan. Bigla niyang narinig ang pangalan ng kaniyang anak sa mga babaeng nagpapahinga. 

“Armando Leo? Anak ko ‘yon, ha? Paano niyo nakilala ang anak ko?” nakangiti niyang pang-uusisa sa mga ito. 

“Talaga po, coach?” tanong ng isa dahilan para mapatango-tango siya, “May isang sikat na artista sa ibang bansa ang nakapansin sa talento ng anak niyo sa social media, coach! At ngayon, kinukuha na siya noong artistang iyon upang maging make-up artist!” sabik na sabik na kwento ng dalaga na ikinalaki ng mga mata niya. 

Hindi pa man niya napoproseso sa utak ang balitang narinig, umalingawngaw pa sa buong gym ang boses ng kaniyang anak. 

“Papa! Papa! May trabaho na po ako!” mangiyakngiyak nitong sabi habang tumatakbo palapit sa kaniya dahilan para ito’y salubungin niya nang mahigpit na pagkakayakap. 

“Narinig ko nga sa kanila, anak,” tugon niya saka tinuro ang mga dalagang ngayon ay kinukuhan sila ng bidyo, “Pasensya ka na, ha? Hindi kita sinuportahan sa gusto mo,” dagdag niya pa. 

“Ayos lang po, papa, ang importante ngayon, makakatulong na po ako sa inyo!” sagot nito dahilan para siya’y tuluyang mapaiyak. 

Ilang araw lang ang kaniyang binilang, tuluyan na ngang kinuha na artistang iyon patungong ibang bansa ang kaniyang anak. Hindi man niya maiwasang hindi malungkot sa pag-alis nito, alam niyang ito ang ikakasaya ng kaniyang anak dahilan para labis niya itong suportahan. 

At hindi niya nga pinagsisihan ang pagpayag sa kagustuhan ng anak dahil pagkalipas lang ng isang buwan, malaking pera ang naipadala nito sa kaniya na talagang nagpaalwan sa kanilang buhay. 

Dahil din sa kagalingan ng kaniyang anak, lalo pa itong sumikat sa mundo ng social media na lalong nagbigay ng malaking biyaya rito. 

“Salamat, anak, hindi ka nakinig sa tatay mong sarado ang utak. Salamat, dahil pinursigi mo ang pangarap mo kahit walang naniniwala sa’yo,” sabi niya, habang pinapanuod sa telebisyon ang anak na ngayo’y kitang-kita ang kagalakan sa mukha.

More Stories