Parating Sinisilip ng Ginang ang Pagtulong ng Asawa Niya sa Kapatid Nito; Natameme Siya nang Paliwanagan Siya ng Asawa

“Kulang na naman ng limang libo ang sweldo mo, Elmer. Saan napunta iyon? May binayaran ka ba?” usisa ni Cynthia. sa asawa.

Nilingon siya ni Elmer. Ilang sandali itong nanahimik bago sumagot.

“Wala naman, mahal. Pero nag-abot ako kay Ate Tess. May sakit ang pamangkin ko,” sagot nito.

Marahas siyang napabuntong hininga. Ang kapatid nito ay isang single mother na walang ibang inaasahan kundi ang maliit nitong negosyo.

“Elmer naman. Alam kong malapit ka sa ate mo, pero kailangan ba talaga na kapag nagigipit siya, sa’yo siya lalapit? May kani-kaniya na kayong pamilya, hindi na dapat ganoon,” pahapyaw na sermon niya sa asawa. Alam niya kasi na sensitibong usapin para rito ang pera na iniaabot nito sa kapatid.

Mas lalo siyang nainis nang marinig ang sunod nitong sinabi.

“Hindi naman humingi sa akin si Ate. Hindi siya ganun. Ako ang kusang nag-abot sa kaniya,” pagtatanggol nito sa kapatid.

“Iyon na nga, e! Imbes na maipon natin ang pera, pinamimigay mo lang!” bahagyang mataas ang boses sagot niya sa asawa.

Advertisement

“Mahal, unawain mo naman. Mataas naman ang sweldo ko. Hindi naman tayo maghihikahos dahil sa binibigay ko,” malumanay na katwiran nito.

“Ewan ko sa’yo. Buwan-buwan na lang tayo may argumento dahil dito,” pagsuko niya sa asawa na tila hindi marunong makinig. 

Hindi na sumagot ang lalaki. Alam kasi nito na mas lalo lamang silang mag-aaway kung sasagot pa ito.

Lumipas ang mga buwan at t’wing araw ng sweldo ay maririnig ang mainit na palitan ng salita ng mag-asawa.

“Magbigay ka pa. Kailangan ko pa ng dagdag na pitong libo. Magbabayad ako ng kuryente,” ani Cynthia sa asawa nang matanggap ang sweldo nito.

Kunot noon namang napatingin ito sa kaniya.

“Paanong kulang? Sobra pa nga ‘yan,” tanong nito.

Napairap na lang siya.

Advertisement

“May binili akong sapatos kaya kulang,” inis na pahayag niya.

Mas lalong lumalim ang gatla sa noon nito.

“Bumili ka ng sapatos na ganoon kamahal?” hindi makapaniwalang bulalas nito. 

“Oo.”

Malalim ang naging buntong hininga ni Elmer bago muling nag-abot ng pera, dahilan para makaramdam ang ginang ng iritasyon.

“Ano ‘yan? Bakit parang irita ka? Kapag akong asawa mo ang gagastos, hindi pwede? Pero kapag ikaw gagastos para sa kapatid mo, ayos lang?” maanghang niyang bwelta.

“Wala naman akong sinabi, mahal…” anito.

“Wala kang sinabi, pero halata naman!” asik niya bago nagdadabog na iniwan ito sa sala.

Advertisement

Masamang-masama ang loob ni Cynthia sa asawa. Pakiramdam niya ay hindi nila magagawang maging masaya kung hindi nito tuluyang tatalikuran ang obligasyon sa kapatid nito. 

Kaya naman ng gabing iyon ay masinsinan niyang kinausap ang asawa.

“Siguro panahon na para mamili ka, Elmer. Pagod na pagod ako sa pag-aaway natin. Pumili ka. Ako, o ang kapatid mo?”

Bumakas ang gulat sa mukha nito. Marahil ay hindi nito inakala na aabot sila sa ganoon.

Lihim na napangiti si Cynthia. Sa tinagal-tagal ng samahan nila ng asawa, alam niya na hindi nito magagawang iwan siya nang basta-basta.

Ngunit mali siya. Dahil kasabay ng pagtulo ng luha ng kaniyang asawa ay ang pagtanggal nito sa suot na wedding ring.

“Pasensya ka na kung hindi ka naging masaya sa pagsasama natin, Cynthia. Sana makahanap ka ng bagong lalaki na itatrato ka nang tama, hindi kagaya ko,” umiiyak na wika nito. 

Maging siya ay napaluha. Ni sa hinagap ay hindi niya inakala na hindi siya ang pipiliin nito.

Advertisement

“Bakit, Elmer? Ganoon ba talaga kahalaga ang ate mo na itatapon mo ako? Pamilya mo rin ako!” hindi maiwasang sumbat sa asawa.

Mas lalo lamang lumakas ang hagulhol nito. Mahigpit nitong hinawakan ang kamay niya bago ito nagkwento.

“Si Ate Tess ang nagpalaki sa akin. Siya ang tumayong nanay at tatay ko. At alam mo kung paano niya ako binuhay at napagtapos ng pag-aaral? Nagbenta siya ng aliw. At iyon ang dahilan kaya nabuntis siya at ipinanganak niya ang pamangkin ko,” kwento nito.

Napaawang ang labi ni Cynthia sa pagkagulat.

“Kaya paano ko magagawang talikuran ang ate ko?” Tuloy-tuloy ang pagbagsak ng luha mula sa mga mata ng binata. Kita sa mukha nito ang matinding awa para sa kapatid.

May sinabi pa ito na labis na nagpasakit sa dibdib niya.

“Noong disisyete ako, nagkaroon ako ng sakit sa bato. Kinailangang palitan ang bato ko para mabuhay ako. Sino ang nagbigay noon sa akin? Si Ate Tess. Kaya patawad, Cynthia, mahal na mahal kita, pero hindi ko kayang itapon ang sakripisyo ng kapatid ko. Literal na utang ko ang buhay ko sa kaniya. Hangga’t humihinga ako ay ibabalik ko lahat ng sakripisyo niya.”

Napaluha na lang si Cynthia sa awa para sa kapatid ng kaniyang asawa. Kaya naman pala ganoon na lang ang pagmamahal ni Elmer dito.

Advertisement

Nanginginig ang kamay na ibinalik niya ang singsing sa palasingsingan ng asawa, bago niya ito mahigpit na niyakap.

“Malaki pala ang utang ko kay Ate Tess. Kasi kung wala siya, wala ka,” bulong niya sa asawa.

“Sorry kung naging makitid ang utak ko, mahal. Hindi ko alam na tayo pala ang may utang na dapat bayaran,” dagdag pa niya.

Simula noong araw na iyon isinumpa ni Cynthia na susuportahan niya ang asawa sa pagtulong nito sa kapatid. Dahil iyon ang dapat ginagawa ng tunay na pamilya—tulungan kung sino ang nasa ibaba at hilahin pataas ang isa’t isa.