Kaibigan ng Lahat ang Bansag sa Dalagita; Dahil sa Isang Pangyayari ay Lumabas ang Tunay Niyang Kulay

Kaibigan ng Lahat ang Bansag sa Dalagita; Dahil sa Isang Pangyayari ay Lumabas ang Tunay Niyang Kulay

HeartbreakingKarmaStories

Alas singko pa lang ng umaga ay gising na ang dalagitang si Amber. Unang araw kasi ng klase nila. Huling taon niya na sa hayskul at nais niyang sulitin ang huling taon na kasama niya ang kaniyang mga kaibigan. 

“Amber! Ang ganda mo naman! Halatang na-enjoy mo ang bakasyon ha!” nakangiting bati sa kaniya ng kaklase niyang si Ruby. 

Isang ngiti ang isinukli niya sa kaklase, bago pahapyaw na nagkwento rito. 

“Ah, oo. Nagbakasyon kasi kami sa probinsya!” 

Ilang minuto niya nang ka-kwentuhan si Ruby nang mamataan niya ang pagdating ng mga kaibigan niya na sina Barbie at Sam. 

“Amber!” 

Malayo pa ang mga ito ay dinig niya na ang matinis na tili ng dalawa. Mukhang gaya niya ay na-miss din siya ng mga ito. 

Masayang niyang niyakap ang mga kaibigan. Halos dalawang buwan niya rin hindi nakita ang dalawa. 

Abala ang magkakaibigan sa paghuhuntahan tungkol sa kani-kanilang mga bakasyon nang marinig nila ang tinig ng bago nilang guro. 

“Class, maligayang pagbabalik eskwela! I-welcome niyo rin ang bago niyong kaklase… si Cindy.” 

Noon pumasok ang isang dalagita na may maamong mukha. Napanganga ang lahat dahil sa labis ng ganda ng bago nilang kaklase. 

“Wow! Ang ganda, parang anghel!” narinig pa ni Amber na komento ng komikero nilang kaklase na si Jonas. 

“Cindy, magpakilala ka sa mga kaklase mo. ‘Wag kang mahiya, mababait ang mga ‘yan,” nakangiting udyok ng guro sa bagong salta. 

“Oo nga, Cindy, mabait kami!” hirit pa ni Jonas na umani ng hagalpakan. 

Ilang sandali pang tila nahiya ang dalagita bago ito nakapagsalita. 

“Hi, classmates! Sana ay maging kaibigan ko kayo,” mahinhin na pahayag nito. 

Bahagyang nakaramdam ng iritasyon si Amber dahil sa atensyon na nakukuha ng bagong dating. Mas lalo siyang nainis nang marinig ang bulungan ng dalawa niyang kaibigan. 

“Grabe, ang ganda…” ani Barbie. 

“Oo nga, mukhang Barbie!” sagot naman ni Sam bago nagtawanan ang dalawa. 

Nang sumapit ang tanghalian ay agad na pinutakti ng katanungan ang bagong dating na estudyante. 

Maging sina Barbie ay nakiusyoso, dahilan upang mas lalong makaramdam ng inis si Amber. Gayunpaman ay palihim siyang nakikinig sa bawat sagot ni Cindy sa mga ibinabatong tanong dito. 

“Cindy, saang eskwelahan ka galing?” tanong ni Barbie. 

“Sa Alaminos Science High School,” sagot nito. 

Umani ng maraming komento ang sagot ni Cindy. Hindi kasi basta-basta ang nakakapasok sa eskwelahan na iyon! 

Maging si Amber na tahimik na nakikinig ay tumaas ang kilay.

“Baka napatalsik siya,” sa loob-loob niya. 

“Halika, Cindy, sabay ka sa amin kumain! May isa pa kaming kaibigan, si Amber, makakasundo mo ‘yun! Pareho kayong maganda at matalino,” narinig niya na lang na biglaang paanyaya ni Sam kay Cindy.

“Naku, nakakahiya naman. Pero thank you,” mahinhing tugon ni Cindy.

Nainis man si Amber ay hindi niya ipinahalata. Pilit niyang nginitian ang bagong kaklase at tumango rito. 

Habang kumakain sila ay panay ang huntahan ng kaniyang mga kaibigan at ng bago nilang kaklase. Gusto man niya na magalit ay hindi niya magawa dahil panay pagbibida ang ginagawa ng mga ito ukol sa kaniya. 

“Alam mo ba na si Amber, siya ang first honor natin? Siya rin ang laging muse kasi siya ang pinakamaganda sa klasrum. Pero ang pinaka-the best talaga ay mabait si Amber. Kaibigan siya ng lahat!” ani Sam. 

Nilingon siya ni Cindy. May ngiti sa labi nito. 

“Nakakatuwa naman, Amber. Sana maging magkaibigan din tayo,” anito. 

Isang tipid na ngiti ang ibinigay niya sa kaklase bago tumango. 

Subalit nang mga sumunod na araw, hindi inaasahan ni Amber na unti-unting mababago ang buhay niya. 

Sanay kasi siya na siya ang pinakamagaling at pinakamaganda. Ngunit nang dumating si Cindy, walang hirap nitong naagaw ang lahat ng titulo na iyon sa kaniya. 

Pakiramdam niya rin ay unti-unti na nitong naaagaw maging ang mga kaibigan niya. Wala nang bukambibig ang mga ito kundi si Cindy. 

“Grabe ang bait ni Cindy, ano?”

“Parang perpekto si Cindy. Matalino, maganda, at sobrang bait!”

Kaya naman napagtanto ni Amber na panahon na para ilagay niya si Cindy sa dapat nitong kalagyan. Hindi siya papayag na agawin nito ang lahat sa kaniya!

“Cindy, pwede ba kitang makausap?” isang hapon ay wika niya sa kaklase. 

“Oo naman!” masiglang sagot nito. 

Niyaya niya ito sa likod ng eskwelahan at doon ay ipinakita niya sa kaklase ang ugali na walang sinuman ang nakakita pa. 

“Layuan mo ang mga kaibigan ko! Inaagaw mo sila sa akin!” bulyaw niya nang masiguro niya na silang dalawa lang ang tao roon. 

Nanlaki ang mata nito sa sinabi niya.

“Amber, ano’ng sinasabi mo? Hindi ko sila inaagaw–” 

Bago pa man nito matapos ang sasabihin ay lumapat na ang palad niya sa pisngi nito. 

“Sinungaling! Mang-aagaw ka! Lahat na lang, inagaw mo! Ang pagiging first honor, ang pagiging muse, lahat, inagaw mo! Hindi ako papayag na gawin mo rin iyon sa mga kaibigan ko!” 

Hindi ito makaimik. Tahimik lang itong umiiyak habang sapo ang nasaktang pisngi. 

“Isusumbong kita sa principal natin! Hindi mo ba alam na pambu-bully ang ginagawa mo?” nanginginig na banta nito. 

Natawa na lamang siya bago sumagot. 

“Kilala ako ng mga kaklase natin. Apat na taon ko na silang kasama, kaya alam nila na hindi ko magagawa ang ibibintang mo. Eh ikaw, ilang buwan ka na sa eskwelahan? Sinong maniniwala sa’yo?” 

Napayuko ito. Hindi nakaimik. Marahil napagtanto nito ang katotohanan ng sinabi niya. 

“Ikaw na ang mismong lumayo, kung ayaw mong higit pa sa sampal ang abutin mo,” pananakot niya sa kaklase bago niya iniwan ito. 

Kinabukasan, gaya ng dati, maaga pa lamang ay nasa eskwelahan na siya. Ngunit kakatwa na tila umiiwas ang mga kaklase niya sa kaniya, at wala mang sumasagot sa pagbati niya. 

Labis na talaga siyang nagtaka nang maging ang mga kaibigan niya ay hindi siya pinapansin. 

Nasagot ang tanong niya nang ipatawag siya sa opisina ng kanilang principal. Doon ay naabutan niya si Cindy na tahimik na nakaupo. 

“Ma’am, bakit po?” magalang na usisa niya sa principal. Seryoso ang mukha nito. Wala ang matamis na ngiti nito na karaniwang ibinabato sa kaniya. 

“Maupo ka, hija,” anito. 

Nang makaupo siya ay hindi na ito nagpatumpik-tumpik pa. 

“Sinabi ni Cindy ang ginawa mo. Sinampal mo raw siya at pinagbantaan. Paano mo nagawa ‘yun, Amber? Akala ko pa naman ay isa kang magandang halimbawa sa eskwelahan. Hindi ko alam na gan’yan ka pala,” kastigo nito. 

“Ma’am, h-hindi ko po alam ang sinasabi n’yo. Hindi ko po magagawa ‘yun kay Cindy. Kilala n’yo naman po ako, hindi ba? Baka po gumagawa lang siya ng kwento para siraan ako,” kunwa’y umiiyak na  wika niya sa principal. 

Akala niya ay maaantig ang damdamin nito. Ngunit nagulat siya sa sunod na sinabi nito.

“Oo, kilala kita, Amber. Pero mas kilala ko ang anak ko. Hindi siya magsisinungaling at gagawa ng ganitong gulo,” matigas na pahayag nito. 

Awtomatikong tumigil ang pagtulo ng pekeng luha ni Amber. Nanlaki ang mata niya sa rebelasyon. 

“A-anak niyo po si Cindy?” gulat na tanong niya. 

Tumango ito. 

“Oo. Ayaw niya rito mag-aral dahil ayaw niya nang special treatment. Pero na-bully siya sa huli niyang eskwelahan kaya inilipat ko siya rito. Kaya hindi niya rin ipinasabi sa lahat ang koneksyon namin,” paliwanag ng principal. 

“Kung patuloy mong itatanggi ang ginawa mo, magkakaroon ng imbestigasyon. Kapag napatunayan na totoo ang sinasabi si Cindy, papaalisin kita sa eskwelahan. Kung aamin ka, bibigyan kita ng tyansa,” dagdag pa nito. 

Sa huli ay wala siyang nagawa kundi ang umamin sa nagawa niyang kasalanan. Naging totoo ang peke niyang iyak. 

Ngunit huli na ang lahat. Kumalat sa buong eskwelahan ang ginawa niya at tuluyan nang nag-iba ang imahe niya sa mga kaklase. 

Hindi makapaniwala ang mga ito sa ginawa niya. Maging ang mga kaibigan niya na inakalang mabait siya ay labis ang pagkadismaya sa ginawa niya kay Cindy. 

“Ano ba ‘yan, mapagpanggap!”

“Bait-baitan!” 

“Bully! Pero akala mo anghel kung umasta!” 

Sising-sisi si Amber sa nagawa niya. Nangyari nga ang kinatatakutan niya. Tuluyang nawala ang mga kaibigan niya. 

At ang salarin? Ang namayaning inggit sa puso niya!

More Stories