Kinainisan ng Binatilyo ang Lumpo Niyang Ama Dahil Wala Raw Itong Silbi; Ano’ng Ginawa Nito na Nagpaiyak sa Kaniya?

“Andrei, ano? Sali ka ba sa koponan namin?”

Iyon ang bumungad kay Andrei nang dumating siya sa eskwelahan. Kay aga-aga tuloy ay bumagsak ang balikat niya.

“Paul, malabo, pare. Magastos kasi ‘yan. Wala nga ako kahit sapatos na pang-basketbol, e,” matamlay na tugon niya sa kaeskwela.

“Sayang naman, ‘tol. Bilib na bilib pa naman sa’yo si Coach. Malaki raw ang potensyal mo. Pwede ka raw maging magaling na manlalaro kung mahahasa,” anito.

Napailing siya. Sa totoo lang ay gusto niya rin ‘yun lalo na’t hilig niyang mag-basketbol. Ang kaso ay hindi niya pwedeng ipilit.

“Wala talaga, p’re. ‘Yaan mo na. Saka maghahanap din kasi ako ng trabaho sana habang nag-aaral. At least may pera doon kahit papaano,” aniya sa kasama. 

“Naku, hindi mo ba alam? May iskolarship na nakukuha ang mga nakapasok sa koponan. Kapag nakapasok ka, malaking tulong ‘yun,” pagbabalita nito.

Ikinagulat niya iyon. Agad na napukaw ang interes niya sa sinabi nito.

Advertisement

“Talaga, p’re? Anong iskolarship ba?” kuryosong usisa niya.

“Buong iskolarship. Wala ka nang babayaran, pagkain at pamasahe mo na lang sagot mo,” anito.

Bago sila matapos mag-usap ay nakuha na ni Andrei ang lahat ng detalye ukol sa iskolarship. Umuwi siya sa bahay nang buo ang pag-asa na mapapakiusapan niya ang kaniyang ina na gawan ng paraan ang kaniyang sapatos, uniporme, at kung ano-ano pang gagamitin niya sa pagsali sa koponan ng mga basketbolista sa eskwelahan nila.

Ngunit agad na naglaho ang pag-asa niya sa naging sagot ng kaniyang ina.

“Wala tayong pera para sa ganyan, anak. Pasensya na. Alam mo naman na maliit lang kinikita ko sa pagbuburda,” sagot ng kaniyang ina.

Ang kaniyang ama naman ay walang imik. Nakaupo lamang ito sa wheelchair at tahimik na pinakikinggan ang usapan nilang mag-ina.

Tatlong taon nang baldado ang kaniyang ama. Nahulog kasi ito mula sa ikalimang palapag ng gusali na pinagtatrabahuhan nito noon. Mabuti na lamang at hindi nagtamo ng kahit na anong pinsala ang ulo nito, tanging ang mga paa lang nito na naparalisa.

Noong una ay nagpapadala pa ng ayuda ang kompanya nito bilang tulong sa pamilya nila, ngunit kalaunan ay nagsara na rin ang kompanya.

Advertisement

Kaya naman sa ngayon, ang tangi nilang ikinabubuhay ay ang pagbuburda ng kaniyang ina, na kulang na kulang para sa kanilang araw-araw na gastusin.

Sa pagkadismaya ay hindi maiwasan ni Andrei na makapagbitiw ng masakit na salita.

“Grabe naman kayo! Ito lang ang hinihingi ko. Para naman ‘to sa bagay na makakatulong din sa iskolarship ko, hindi niyo man lang ako mapagbigyan!” inis na bulalas niya sa ina. 

Hinarap niya ang kaniyang baldadong ama.

“Si Tatay, tatlong taon na siyang nakaupo sa wheelchair niya. Kailan ba siya gaganap na ama rito sa bahay na ‘to?” muli ay litanya niya bago siya nagdadabog na lumabas ng bahay.

Ngunit pagkalabas na pagkalabas niya ng bahay ay agad na binalot ng pagsisisi ang puso ng binatilyo. Dahil sa galit niya ay hindi niya man lang naisip ang damdamin ng kaniyang mga magulang, lalo na ang damdamin ng kaniyang ama. Hindi naman nito ginusto na maaksidente.

Dahil sa hiya na naramdaman ay malalim na ang gabi nang umuwi si Andrei. Siniguro niyang tulog na ang mga ito. Hindi pa siya handang harapin ang dalawa. 

“Bukas, hihingi ako ng sorry kay Nanay at Tatay.”

Advertisement

Iyon ang nasa isip niya bago siyang nilamon ng antok.

Nang magising ang binatilyo ay mataas na ang sikat ng araw. Nang lumabas siya sa sala ay wala ang kaniyang ama na karaniwang nagbabasa ng dyaryo sa sala. Maging ang kaniyang ina ay wala rin.

Sa kusina ay may mainit-init pang sinangag at tuyo.

“Nasaan kaya sina Nanay?” sa isip-isip niya.

Sinubukan niyang hintayin ang dalawa, ngunit kinailangan niya nang umalis dahil mahuhuli siya sa klase.

Isang buong maghapon ang lumipas. Habang papauwi si Andrei ay may bahagyang kaba siyang nararamdaman. Alam niya kasi na oras na para humingi ng tawad sa kaniyang mga magulang.

Ngunit nabigla siya sa nadatnan.

Sa sala kasi ay nakapatong ang isang kahon ng sikat na pangalan ng sapatos. May sobre rin doon na naglalaman ng ilang libo, na sapat na para sa mga pangangailangan niya. 

Advertisement

Nang usisain niya ang kahon ay nanlaki ang mata niya. Iyon kasi ang pinakabagong klase at alam niyang may kamahalan ang presyo noon.

Noon niya naulinigan ang pag-uusap ng kaniyang mga magulang sa kusina. Tahimik siyang sumilip doon.

“Hindi ka ba nahiya? Kung sino-sinong kinausap mo para makalikom ng pera para kay Andrei…” wika ng kaniyang ina.

“Wala na sa isip ko ‘yun. Sa totoo lang ay nahihiya na ako sa anak natin. Tama naman siya, wala akong kwentang ama.”

Unti-unting tumulo ang luha ni Andrei.

“‘Wag mong sabihin ‘yan. Hindi mo ginusto ang aksidente,” saway ng kaniyang ina.

“Alam ko naman. Pero dahil kasi sa akin, hindi man lang magawa ni Andrei ang mga gusto niyang gawin. Kaya simula ngayon, kahit mamalimos pa ako, gagawin ko,” sabi ng kaniyang tatay.

Hindi umimik ang kaniyang ina. Ngunit narinig niya ang paghikbi nito.

Advertisement

Doon na napabunghalit ng iyak ang binatilyo bago niya sinugod ng yakap ang kaniyang ama at ina.

Labis-labis ang paghingi niya ng tawad sa dalawa.

“Sorry po, Nanay at Tatay! Hindi ko po sadya ang mga nasabi ko!” umiiyak na bulalas niya sa mga magulang.

Imbes na manumbat ay ngumiti ang kaniyang ama bago tinapik ang balikat niya.

“Alam ko naman, anak. Pasensya ka na sa mga pagkukulang ni Tatay, ha,” anito, kaya naman lalo lamang napaiyak si Andrei. Alam niya kasi na matagal-tagal din nito pakaiisipin ang mga salitang binitiwan niya.

Ang bait-bait ng tatay niya. Bago ito maaksidente ay tila kalabaw ito na hindi tumitigil sa pagtatrabaho. Paano niya nagawang sumbatan ito nang ganoon?

Dahil sa nangyari, ngayon ay talagang pag-iigihan niya pang lalo ang pag-eensayo upang hindi mauwi sa wala ang lahat ng pagsasakripisyo ng kaniyang mga magulang, lalong-lalo na ng kaniyang ama.

Kay laking aral ng pangyayaring iyon para kay Andrei. Ang salita kung minsan ay mas malala pa sa pisikal na sakit. Kaya naman mag-ingat tayo sa lumalabas sa ating mga labi. Dahil kapag naibulalas na, pagsisihan mo man ay hindi mo na mababawi pa.