Nagulat na Lamang ang Anak Nang Iwanan Sila ng Kaniyang Nanay Dahil Paralitiko na ang Kaniyang Tatay; Babalik Pa Kaya Ito?

Nagulat na Lamang ang Anak Nang Iwanan Sila ng Kaniyang Nanay Dahil Paralitiko na ang Kaniyang Tatay; Babalik Pa Kaya Ito?

FamilyHeartbreakingStories

Kitang-kita ni Aprilyn ang pagkairita sa mukha ng kaniyang inang si Aling Magda nang mag-ingay na naman ang kaniyang tatay na si Mang Domeng, na matapos ang isang aksidente sa ibang bansa habang nasa trabaho, ay naging paralitiko.

“Ano ka ba, iihi o dudumi?” badha sa tinig nito ang pagkainis.

Pilit hinawakan ni Mang Domeng ang kaniyang puwitan. Tiyak na may laman na ang adult diaper nito. Hudyat ito na kailangan na siyang linisan.

“Diyos ko naman, kung kailan naman gusto mo nang mawala ang taong ito, heto’t pabigat pa sa buhay,” bulong ni Aling Magda.

Nasasaling si Aprilyn kapag ganoon ang naririnig niya mula sa kaniyang ina.

Samantalang dati, noong nasa Dubai pa si Mang Domeng, nagtatrabaho sa isang construction site, kumikita nang malaki, nakapagpapadala ito nang malaking halaga ng pera sa kaniyang ina. Madalas naman itong ibida ng ina sa kaniyang mga kapitbahay. Mataas ang tingin sa kaniya dahil mapera sila.

Balak ni Mang Domeng, umuwi na noon sa Pilipinas at magsimula na lamang magnegosyo. Subalit tumutol si Aling Magda, paano naman daw ang mga nakasanayan niya? Kaya naman, nag-extend pa si Mang Domeng ng kontrata sa kompanyang pinagtatrabahuhan. Dalawang taon pa.

Ngunit nangyari na nga ang aksidente na walang nakaisip na maaaring mangyari sa kaniyang ama. Nabagsakan ito ng gumuhong mga pader. Matapos ang ilang buwang gamutan, masuwerteng nabuhay pa ito—subalit baldado na.

Simula noon ay nagkabaon-baon na sila sa utang. Naubos ang perang ipon sa bangko. Naibenta ang mga pundar na gamit. Napilitang maghanap ng trabaho ang buhay-reynang si Aling Magda. Nagkautang sa iba’t ibang mga kaibigan at kapitbahay.

Natatandaan pa niya kung paano ito nakipag-away at nakipagbarangayan nang makipagsabunutan ito sa isang kapitbahay na gumawa ng chismis hinggil sa kaniya. Sabi kasi ng kapitbahay na ito, mataas ang lipad nila, at ngayon, lumagapak na sila sa lupa.

Napansin ni Aprilyn na simula noon, lagi nang masungit ang ina, laging nakakunot ang noo, at paminsan pa nga ay bigla na lang manunungayaw.

Isa pa sa mga napansin ni Aprilyn ay ang napapadalas na pag-uwi-uwi nito ng gabing-gabi na. Inihahatid pa ito ng isang magarang sasakyan. Ayaw niyang untagin ang ina dahil baka makatikim siya ng bulyaw. Subalit iba ang pakiramdam niya tungkol dito.

Minsan, sinabihan siya ng kaniyang ina habang nagluluto ito sa kusina.

“Hoy Aprilyn, ikaw na ang bahala sa tatay mo kung sakaling matagalan na akong makabalik dito ah.”

“Bakit po ‘Nay?” untag ni Aprilyn.

“Maghahanap ako ng mas magandang trabaho, yung mas malaki-laking kita. Ikaw na ang mag-aalaga sa tatay mo.”

Subalit makalipas ang ilang araw, linggo, buwan… wala na siyang narinig mula sa kaniyang ina.

Palagay niya, hindi na ito babalik pa.

Hindi alam ni Aprilyn kung ano ang gagawin. Nilayasan na sila ni Aling Magda. Hindi niya alam kung saan kukuha ng mga gastusin para sa kanilang dalawa ni Mang Domeng.

Mabuti na lamang at masinop siya sa pera. Lahat ng perang ibinibigay sa kaniya noon ni Mang Domeng ay inipon niya. Iyon ang ginamit niya upang hindi sila magutom ng kaniyang ama. Sapat din upang maibili niya ang mga gamot para sa maintenance nito.

Hindi nag-aksaya ng oras si Aprilyn. Agad siyang naghanap ng trabaho upang hindi kaagad maubos ang kaniyang ipon. Masuwerte naman na pumayag ang isa sa mga propesor niya na kunin siyang student assistant. Kahit paano ay hindi naman siya nawalan ng mapagkakakitaan.

Naawa rin sa kaniya ang tiyahin niyang kapatid ni Mang Domeng. Tutal ay matandang dalaga naman ito, nagprisinta itong alagaan ang nakababatang kapatid.

At lumipas ang tatlong taon.

Nakatapos na rin ng kaniyang pag-aaral sa kolehiyo si Aprilyn.

“’Tay, tara na ho, kain na po tayo…”

Dahan-dahang naglakad si Mang Domeng na noon ay nakakatayo-tayo at nakakalakad-lakad. Salamat sa matiyagang pagtatrabaho ni Aprilyn upang makapagpa-therapy si Mang Domeng.

Hindi na nga tuluyang bumalik sa kanila si Aling Magda. Hindi na nagparamdam pa. Marami siyang tanong na gustong masagot, subalit kahit hindi niya tanungin sa mismong ina, alam niya ang mga kasagutan.

“Maraming-maraming salamat, anak. Ikaw ang tumayong padre de pamilya sa pamilyang ito. Hindi ko masisisi ang nanay mo kung iniwan niya ako, dahil isa akong imbalido, isa akong inutil…” naiiyak na pasasalamat ni Mang Domeng sa kaniyang anak.

Niyakap ni Aprilyn ang ama.

“’Tay, hindi n’yo kailangang humingi ng tawad. Masaya ako na nagagawa ko ang obligasyon ko sa inyo bilang anak. Kung anuman po ang naging desisyon ni Nanay, kung bakit niya tayo iniwan… hindi ko po masasagot iyan. Pero ang mas sigurado, ako po… hinding-hindi ko po kayo iiwan!” ani Aprilyn habang naglalandas ang luha sa kaniyang mga mata.

Ang luha na iyon ay naipong luha ng pagkaawa, luha ng pagtitiis, luha ng pagtatanong, luha ng sama ng loob, luha ng kasiyahan na unti-unti nang gumagaling ang kaniyang tatay.

Makalipas ang ilang taon at tuluyan na ngang gumaling si Mang Domeng. Isang malungkot namang balita ang nakarating sa kanila mula sa isang kaibigan ni Aling Magda: may iba na umano itong pamilya at may mga anak na rin.

More Stories