Inaantok ang Matandang Drayber na Naupahan ng Binatang Ito; Ikakansela na Lamang Ba Niya ang Deal Nila?

Inaantok ang Matandang Drayber na Naupahan ng Binatang Ito; Ikakansela na Lamang Ba Niya ang Deal Nila?

HeartbreakingInspiringStories

Dismayadong-dismayado si Rex dahil kung kailan naman importante ang lakad niya, saka naman nasira ang kaniyang kotse.

“Para namang nananadya oh…” bulong ni Rex habang nagsusuot ng necktie.

Isang insurance plan agent si Rex at kabilang sa mga inaawitan niyang maging kliyente ay isang mayamang negosyanteng nakilala niya sa isang malaking pagtitipon. Ayaw niyang mahuli sa pakikipagkita rito dahil nakakahiya naman.

Kaya ang ginawa, dahil wala na siyang mapamimilian ay nag-book na lamang siya ng sasakyan. Mabuti na lamang at may isang malapit sa kaniyang lokasyon na agad na tumanggap ng kaniyang paghahanap. Sa litratong lumabas, mukhang isang matandang lalaki ang drayber.

Makalipas ang tatlong minuto ay dumating na ang drayber.

“Salamat po. Sa BGC po tayo, manong.”

Tumango naman ang drayber na napapanot na ang buhok, at sa tantiya ni Rex ay kasing-edad lamang ng kaniyang lolo. May malaking puwang sa kaniyang puso ang mga lolo dahil ang nag-aruga sa kaniya noong bata pa siya ay si Lolo Anselmo. Sa ngayon, may Alzheimer’s Disease ang matanda kaya naman pursigidong-pursigido siya na pagbutihin ang kaniyang trabaho, upang makatulong sa panustos ng gamutan nito.

Maya-maya, napansin ni Rex na tila namumungay ang mga mata ng drayber; minsan ay papikit-pikit ito at mariin ang pagkurap-kurap.

“Ayos lang ho ba kayo, Manong?” untag ni Rex sa matanda.

Tila nagulat naman ang matandang drayber.

“Oo naman ho, sir. Okay na okay ho ako. Malakas pa ako sa kalabaw,” nakangiting tugon ng matandang driver. Nag-unat ito ng katawan. Hinaplos-haplos ang batok.

Maya-maya, napansin ni Rex na tila namumungay ulit ang mga mata ng matandang drayber, at parang bumabagsak-bagsak ang ulo. Hindi na mapalagay si Rex. Nagmamaneho rin naman siya, at palagay niya, inaantok ito. Maya-maya, napapapikit na ito.

“Manong, inaantok ho ba kayo?” muling untag ni Rex sa nagmamanehong matanda.

Hindi na nakapagsinungaling pa ang matandang drayber at umamin na ito.

“Ah… eh… opo… inaantok nga ho ako. Wala pa akong tulog mula kahapon eh. Kahapon pa ako namamasada. Hindi pa ako nakakauwi sa amin.”

Nabagbag naman ang damdamin ni Rex sa pahayag na iyon ng matandang drayber. Ang pag-aalala ay napalitan ng kuryosidad.

“Ha? Hindi pa kayo gumagarahe? Bakit naman ho?”

“Eh kasi sir… kailangang-kailangan ko ho ng pera, para sa misis kong may sakit. Alzheimer’s…”

“Naku manong, ang lolo ko po na kasing-edad ninyo ay may ganyan ding sakit, at malaking halaga nga ang kailangan para sa maintenance,” bigla ay naunawaan ni Rex ang pasaning krus sa balikat ng matanda.

Maya-maya, may naisip siya.

“Manong, gusto n’yo po, ihinto po muna ninyo ang sasakyan. Palit po tayo ng puwesto. Ako na ho ang magmamaneho. Marunong po akong magmaneho, ang totoo po niyan, may kotse talaga ako. Nagkataon lang po na nasira at kailangang ipatalyer. Tapos, dito po kayo sa likod. Umidlip po muna kayo.”

“Ha? Sir? Naku, hindi na bale po at nakakahiya naman. Saan po ba tayo makakakita ng isang driver at pasahero na nagkabaligtad ang sitwasyon,” nahihiyang sabi ng matandang drayber.

“Hindi po manong, isipin n’yo na lang po, pareho nating iniisip ang kapakanan at kaligtasan nating pareho. Alam po ninyo na delikado ang magmaneho nang inaantok dahil maaari tayong madisgrasya. Pare-pareho ho tayong inaasahan ng ating mga pamilya, lalo na ang mga kaanak nating maysakit.

Nakuha naman ng matandang drayber ang pinupunto ni Rex kaya pumayag na ito.

Huminto sila sa isang gasolinahan at nagpalit ng puwesto.

Sinimulan na nga ni Rex na imaneho ang kotse habang agad na nakatulog ang matandang drayber; naghihilik pa. May 30 minuto rin ang iginugol ni Rex sa pagmamaneho bago siya nakarating sa lugar kung saan sila magtatagpo ng kaniyang kliyente. May 15 minuto pang nalalabi.

Ginising ni Rex ang matandang drayber.

“Manong, narito na po ako. Bababa na po ako.”

At tila naalimpungatang nagising ang matandang drayber; nagtaka pa ito kung bakit siya ay natutulog at ang pasahero niya ang nagmamaneho. Natawa naman si Rex.

“Nagprisinta po ako na ako na ang magmaneho para makaidlip po kayo kahit saglit, at makakayod ulit,” nakangiting paalala ni Rex.

“Ay oo nga. Sir, maraming-maraming salamat po at nakaidlip ako kahit papaano. Tama po kayo, sulit na sulit ang maiksing minutong nakatulog ako, handa na ulit akong sumabak.”

Ayaw tanggapin ng matandang drayber ang ibinabayad ni Rex, subalit ipinilit ito ni Rex.

Masayang-masayang uuwi at matutulog mamaya si Rex na alam niyang mapalad siya sa araw na iyon, kahit nagsimula ito sa ‘malas’ dahil sa pagkasira ng kaniyang sasakyan.

Bukod sa naisara niya ang deal sa kaniyang mayamang kliyente, nakapagbigay naman siya ng ‘kakaibang’ tulong sa isang tao, na alam na alam niya ang pinagdaraanan.

Hinding-hindi niya makalilimutan ang kaniyang natatanging karanasan sa araw na ito.

More Stories