Bumili ng Bagong Motorsiklo ang Lalaking Ito Upang Magamit sa Pagpasok sa Opisina; Ano Kayang Gagawin Niya sa Lumang Bisikletang Pagmamay-ari Niya?

Bumili ng Bagong Motorsiklo ang Lalaking Ito Upang Magamit sa Pagpasok sa Opisina; Ano Kayang Gagawin Niya sa Lumang Bisikletang Pagmamay-ari Niya?

HeartbreakingInspiringStories

Masayang-masaya si Joshua dahil matapos ang anim na buwang pagtitipid at pag-iipon, nakabili na rin siya ng bagong-bagong motorsiklong magagamit niya sa pagpasok sa trabaho.

Kinakantiyawan na kasi siya ng kaniyang mga kasamahan na mag-upgrade naman ng sasakyan. Nagbibisikleta lamang siya sa tuwing siya ay papasok sa opisina, tutal naman ay talagang siklista siya at hilig niya ito. Tuwing araw ng Sabado at Linggo, kahit na taga-Rizal siya ay dumarayo siya sa mga karatig-lalawigan gaya ng Cavite, Laguna, at Bulacan para lamang magbisikleta.

Subalit sa hinihingi na rin sa kalikasan ng kaniyang trabaho, kailangan na niya nang mas mabilis na behikulo upang makarating sa lugar ng trabaho, at paminsan pa, kapag may kailangan siyang puntahang lugar batay na rin sa utos ng kanilang boss.

Isa pa, sa init ng panahon ngayon, pagdating sa opisina ay hulas na hulas na siya sa pawis; pakiramdam niya ay nanlalagkit siya. S’yempre, gusto naman niyang maging presentable sa harapan ng kanilang boss, ng kaniyang mga kasamahan, at mga kliyente nila.

Dahil may kamahalan ang kaniyang motorsiklo, iniisip niya ngayon na ibenta ang kaniyang bisikleta upang ang perang makuha niya mula sa pinagbentahan ay maipambili niya ng bago. Balak niya kasi ay bumili ng latest mountain bike na may makapal na mga gulong upang makayang makaakyat sa mga burol o bundok.

Maya-maya, narinig niya ang pag-aaway ng mag-asawa niyang kapitbahay.

“Paano nga ako makakapagdeliver kung wala naman akong sasakyan? Huwag mo naman akong i-pressure, Maritess. Hindi naman ako batugan gaya ng inaakala mo. Gusto ko mang maging delivery rider gaya ng mga kaibigan mong lalaki, hindi natin magagawa kung wala naman akong sasakyan,” narinig niyang sabi ni Gusting.

“Iyan ang hirap sa’yo, Gusting! Wala kang diskarte sa buhay! Kaya tingnan mo ang buhay natin ngayon. Wala! Nganga! Puwede ba Gusting, lawakan mo naman ang mga pangarap mo sa buhay!” tungayaw ni Maritess sa mister niya.

“Huwag mo naman akong husgahan, Maritess! Ikaw nga eh, pinakikialaman ko ba ang pakikipagchismisan mo sa mga kapitbahay natin? Hindi ba’t hinahayaan lang kita, kahit na pinagsasabihan na kita na huwag makisawsaw sa away ng iba? Huwag kang mag-alala, hahanap ako ng paraan,” huling pahayag ni Gusting.

“Bahala ka na nga! Sige, ipagpatuloy mo pa ang pagtatrabaho mo bilang janitor, walang pera at hindi tayo aasenso diyan!” angil ni Maritess sabay pasok sa loob ng bahay.

Hindi naman tamad si Gusting, masipag at nagtatrabaho naman siya, subalit hindi ganoon katatag at katapang ang apog ng mukha niya para makadiskarte ng mga gusto niya. Mahiyain kasi si Gusting.

Naawa naman si Joshua sa kalagayan ni Gusting, nauunawaan niya ang nararamdamang pagkadismaya nito; na gusto mo nga ang isang trabaho subalit wala ka namang kasangkapan para gawin iyon? Nais niyang magdoktor subalit sinabihan siya ng kaniyang ina na wala silang maibibigay na kagamitan para sa kaniya dahil hindi naman sila mayaman.

Lumabas ng kaniyang bahay si Joshua at tinawag si Gusting. Lumapit naman ito. Sinabi ni Joshua na hindi niya sinasadyang marinig ang naging usapan ng mag-asawa.

“Pasensya ka na ha? Ganoon lang talaga kami ni Misis,” nahihiyang paghingi ng paumanhin ni Gusting kay Joshua.

“Wala iyon, oo nga pala Gusting, halika, lumabas tayo sa bakuran ninyo.”

Paglabas nila, nakabungad sa harapan ng tarangkahan ng bahay nina Gusting ang bisikleta ni Joshua.

“Bibili na kasi ako ng bagong bisikleta, at tutal, wala na akong paggagamitan nito, gusto kong ipagkatiwala na ito sa iyo. Gamitin mo para makapag-delivery rider ka na, malaki ang kitaan sa ganyan lalo na sa panahon ngayon. Ingatan at alagaan mo ito, ha?” pabirong bilin ni Joshua sa kapitbahay.

Hindi makapaniwala sa kaniyang mga narinig si Gusting?

“Totoo ba? Sige, Joshua, maraming-maraming salamat!! Huwag kang mag-alala, kapag kumita na ako, babayaran kita sa renta para dito. Nakakahiya naman sa iyo.”

“Hindi, sa iyo na iyo. Seryoso.”

“Naku, Joshua, nakakahiya. Babayaran ko na lang kahit pakonti-konti.”

“Hindi nga, Gusting. Kapag hindi mo ito tinanggap, magagalit ako sa iyo. Sige na, tanggapin mo na. Isipin mo na lang ito ang sukli ko sa iyo noong tinulungan mo ang kapatid ko na maipagtanggol ang kaniyang sarili noong mapagkatuwaan siya ng mga walang magawang tambay sa kanto. Tinatanaw kong utang na loob iyon, Gusting, hanggang ngayon”

Masaya si Gusting dahil sa tulong ng bigay na bisikleta ni Joshua sa kaniya ay naging isang ganap na delivery rider na siya. Hindi na rin maririnig ang pagrepeke ng tinig ng misis nito. Salamat sa kaniyang bagong bisikleta na kaloob ng mabuting kapitbahay na si Joshua!

Samantala, mas masayang-masaya si Joshua dahil nakatulong siya sa kapitbahay na nangangailangan. Sa panahon ngayon, mahalaga pa rin talaga ang pakikipagkapwa-tao.

More Stories